The rabbit and her name

4K 337 44
                                    

***

The intruder kept on dropping by. Nag-iiwan ng kung anu-ano sa dati kong silid. Parang naglilimos. No'ng una, jacket. Tapos, long sleeves. Nagbigay ng maliit na kumot, galon ng malinis na tubig, at tuwalyita.

Sinunog ko ang long sleeves at tuwalyita sa silid para makita niya. Ngayong araw, nakatanggap ako ng panibagong tuwalyita at isang maliit na note.

Wag mong sunugin ang damit. Sayang.

Kinumos ko ang note. Walang sinuman ang may karapatang magsabi sa'kin kung ano ang dapat at hindi ko dapat gawin sa espasyong ako ang pumili at sa mga bagay na hindi ko naman hiningi.

Ang gusto ko lang ay mawala siya sa ospital. Ang hindi na siya bumalik. Ang 'wag siyang makialam. Mahirap ba iyong intindihin para sa kanya?

Umalis ako sa silid at lumabas ng ospital.

***

Gamit ang binili kong papel at bolpen, sumulat ako ng isang maliit na note: Hindi ko kailangan ng limos. Wag kang pumunta rito.

Ipinatong ko iyon sa maliit na mesa kasama ang tuwalyitang bigay niya. Naghintay ako ng hapon at pinakinggan ang maliliit na kilos ng pakialamero sa ospital. Nang masiguro kong nakaalis na siya, nagpunta ako sa dati kong silid at dumiretso sa maliit na mesa. May ilang pirasong mansanas doon at isang note: Hindi kita nililimusan.

Kinumos ko ang note na bigay niya at kinuha ang mansanas para sana ihagis sa dingding. Pero ngayon ko lang uli nahawakan ang prutas na iyon. Hindi ko iyon mabili kahit na gusto kong kainin dahil masyadong mahal. Labag man sa loob ko, kinuha ko ang pagkain.

Nagpatuloy ang pagdadala ng lalaki ng kung anu-ano sa ospital kahit na ayaw ko. Karaniwan ay prutas at tinapay. Iilang piraso lang. Laging nag-iiwan ng note: Hindi ito limos.

Pinababayaan ko siya sa kabila ng kaba. Ano'ng binabalak niyang masama? Ano ang kapalit ng mga ibinibigay niya? Bakit niya ako pinag-aaksayahan ng oras?

Hindi ko maitanong. At hindi ko mapaniwalaan ang dati niyang sinabi: Hindi ako masamang tao.

Walang tao ang hindi masamang tao. Mayroon lang mga taong naniniwalang mabuti sila bago matuklasan ang kapasidad sa kasamaan. Mayroon lang mga taong nakikipaglaban sa mga demonyong sila rin ang nag-aalaga.

Siguradong hindi siya mabuting tao. Isang araw, ang lahat ng ibinibigay niya ay hahanapan niya ng kapalit at sisingilin. Pero hindi naman ako maganda. Kahit na ang katawan ko ay hindi puwedeng pagparausan ng tawag ng laman.

Wala siyang mapapala sa'kin.

Isang araw, hindi dumating ang lalaki sa ospital. Ilang araw akong nagbantay at nakiramdam sa wala. Dapat ay makahinga na 'ko nang maluwag pero hindi iyon ang nangyari.

Napagod siguro siya. Nagkasakit. Wala na sigurong mailimos. O baka naman... nagbabalak na siya nang masama. Paulit-ulit ang iba't ibang akala sa isip ko.

Ilang tahimik na araw ang dumaan bago nagkaroon uli ng pagkilos at pakikialam sa gusali. Patakbo ang naging pagsilip ko sa dati kong silid. Nakita ko siyang lumabas ng pinto at lumingon sa direksyon ko bago ako tuluyang maitago ng column. Nang pumasok ako sa silid na pinanggalingan niya, may isang panibagong jacket doon at isang note: Galing to sa Baguio.

Ginantsilyo ang jacket. Mukhang binili. Mukhang bago. Iyon ang kauna-unahang damit ko na bago at binili para sa akin. Napalunok ako sa mga pakiramdam na hindi ko gusto.

Natutuwa ako. Totoong tuwa.

Ayoko.

Kinuha ko ang jacket at inisip sunugin pero hindi ko nagawa. Isinuot ko iyon kinagabihan kahit na maalinsangan.

Nang mga sumunod na araw, papagabi na ang pagsadya roon ng lalaki. Lagi pa rin akong naghihintay ng mangyayaring masama. Hanggang isang gabi pa, may maliit na balot ng tsokolate sa mesa at isang maliit na note na nagtatanong: Anong pangalan mo?

Ilang taon nang walang nagtatanong kung ano ang pangalan ko. Kahit na may pangalan na ibinigay sa akin, lumaki akong iba ang itinatawag ng mga tao sa akin.

Pangit.

Sunog.

Halimaw.

Multo.

Hindi ko gustong ibinibigay ang pangalan ko. Pero sa kauna-unahang pagkakataon, gusto kong isulat.

Nag-iwan ako ng maliit na note sa mesa kung saan ko isinulat: Irene. ++0737g / 09152018

The VOIDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon