***
Bigay nang bigay ng pagkain 'yong babaeng katabi ko. Pagdating ni Loli, niyaya niya rin. Kumain kami ng chicharon, pansit, puto, cake, at mga prutas. Nag-usap sila ni Loli sa mga sinabi ng doktor. Hindi ko naman naiintindihan. Nakatulog na lang ako sa sobrang busog.
No'ng bandang maggagabi na tapos nagising ako, nag-uusap pa rin sila. Bakit kaya ang mga matatanda, hindi napapagod mag-usap?
"Hello, gising ka na uli," sabi ng babae sa'kin.
Ngumiti ako sa kanya. Mabait kasi siya. Madali siyang ngitian.
"Gising din kayo ni Loli. Hindi kayo natulog?" tanong ko.
"Hindi. Binantayan lang kita," sagot ni Loli sa'kin. "Masarap ang tulog mo, ano?"
Tumango ako. Masarap matulog do'n kasi malamig at malambot ang higaan. May kumot din na hindi amoy ni Tommy. Pagka sa bahay kasi namin, mainit ang kuwarto tapos bumabakat ang banig sa balat ko. Sabi ni Benben 'pag nakikita niya, parang sa ahas daw. Hindi naman ako ahas.
"Dapat natulog ka rin, Loli, para masarap ang tulog mo. May er-con sila rito, parang kina Benben. Tapos mabango 'yong kumot. May downy."
Ngumiti lang si Loli.
"Sigurado raw po ba ang mga doktor na puwede nang lumabas bukas itong apo ninyo?" tanong ng babae. "Parang… Baka kailangan niya pang magpahinga rito sa ospital."
Tumingin ako kay Loli. Kanina, narinig kong sabi nila, may bayad 'pag nagpapahinga sa ospital. 'Pag tinatanong din daw ang mga doktor, may bayad din. 'Pag sa bahay namin ako nagpahinga, kahit na mainit at may bakat ng banig at may amoy ni Tommy, libre naman. Kaso lang, may pagkain dito sa ospital. Sa bahay kasi namin, laging wala.
"Ang… ang sabi ng doktor ay pupuwede naman daw pong ilabas si Totoy bukas," sabi ni Loli. Napapahawak siya sa leeg ng damit niya, parang kapag nakikinood siya sa TV nina Benben tapos may pumapatay sa bida. "Hindi… rin po kasi kakayanin kung… mag-iilang araw siya rito. Maaalagaan ko naman siya sa bahay. At malakas naman siyang bata."
Lumungkot ang mukha ng babae sa aming dalawa ni Loli. Nginitian ko siya para hindi siya malungkot.
"Ang nanay ho ba niya, ano'ng sinabi? Darating ho ba ngayong gabi?"
"Baka dumating din 'yon," sabi ni Loli. "Hindi lang siguro nakarating sa araw dahil sa trabaho."
Matagal na tumingin ang babae kay Loli. Tapos sa'kin. Siguro, hinihintay niya si Nanay. 'Yong ibang nandito kasi, may mga nanay sila tapos anak at lola. Dapat pala, sinabi ko sa kanya na hindi nagpupunta si Nanay sa mga ganito.
"Baka nagsisinghot si Nanay, kaya hindi makakadating," sabi ko. " 'Yon ang trabaho nila ni Alan kasi. Nagsisinghot sila."
"Totoy!"
"Bakit, Loli? Hindi ba 'yon ang trabaho ni Nanay?"
"Pasensiyahan n'yo na, Ma'am. May pagkamatabil itong batang ito."
" 'Wag n'yo na ho akong tawaging Ma'am. Eleanor na lang."
"Tawagin n'yo na lang akong Totoy," sabi ko. "Tapos siya, si Loli siya."
Ngumiti lang si Ma'am Eleanor.
"Ilang taon ka na, Totoy?"
Ipinakita ko ang mga daliri ko. "Seven!"
"Magwa-walong taon na siya, Ma'am Eleanor."
"Nag-aaral ka na?" tanong uli ng babae.
Umiling ako. "Dati nag-aral ako. Pero may bayad kasi 'yon eh. Wala kaming pera."
"Hindi ka na nag-aaral ngayon?"
Umiling uli ako.
"Ano'ng ginagawa mo lang sa bahay n'yo?"
"Ano po… Nagbabantay kay Tommy, nagbabantay kay Loli, nakikinood kina Benben… Minsan, binibigyan ako ni Aling Marites ng papel at lapis tapos sinusulat ko ang pangalan ko. Pati mga numbers. Minsan, nagdo-drawing ako ng cartoons. May cartoons sa teks ni Benben."
"Nakapag-kinder na ho siya, Ma'am," si Loli.
"Ano'ng paborito mong pagkain?" tanong uli sa'kin.
" 'Yong masarap! Saka madami!"
Ngumiti uli si Ma'am Eleanor.
Napahawak ako sa tiyan ko. Sumasakit na uli kasi nagugutom na ako uli. Kaso, paubos na 'yong apple ni Ma'am Eleanor. Wala na rin siyang hopia.
"Gutom ka na, Totoy?" tanong sa'kin.
Napatingin ako kay Loli. Siguradong gutom na rin siya. Pero mabilis ang pikit-pikit ng mga mata niya. Ayaw na sigurong hihingi kami kay Ma'am Eleanor.
"Hindi po ako gutom," sabi ko. Nilunok ko na lang ang laway ko para mabusog ako.
"Nagpapadala ako ng pagkain sa asawa ko. Pagdating niya maya-maya, baka gutom ka na, kain tayo?" sabi ni Ma'am Eleanor.
"Naku, Ma'am, makakaabala na iyon sa inyo," si Loli.
"Hindi ho. Marami talaga akong ipinaluto dahil kako ay gusto kong mag-share ng pagkain dito."
"Baka pinapabigyan uli tayo'ng pagkain ni Hesus, Loli, dahil mabait ako," malakas na sabi ko.
Mahinang tumawa ang babae. "Oo. Pinapabigyan po kayo ng pagkain dahil mabait si Totoy. Kaya pagdating ni Nando mamaya, sabay-sabay tayong kumain."
Nagpasalamat si Loli. Hinawakan ko naman ang tiyan ko para maghintay sa pagkain.
Ang suwerte siguro ng mga anak ni Ma'am Eleanor. Lagi sigurong nakakakain.
"Mabait din kayo, Ma'am Eleanor," sabi ko. "Siguro po, laging busog ang mga anak n'yo. Pupunta rin po ba sila mamaya para dumalaw?"
Ngumiti si Ma'am Eleanor pero parang hindi totoong ngiti. "Wala pa kaming anak ni Nando," sabi niya.
"Pero 'pag nagkaanak po kayo, masuwerte 'yon," sabi ko. "Hindi lahat ng nanay, mababait. May mga nanay na madaling magalit kasi hayop ang anak nila."
"Totoy!" si Loli. "Ang ibig ho niyang sabihin, Ma'am…"
Hindi maituloy ni Loli ang sasabihin niya. Hindi naman kasi siya sinungaling. Alam ko, minsan, iniiba niya lang ang sasabihin niya para hindi mapahiya si Nanay o ako. Kagaya kanina, sabi niya, nasa trabaho si Nanay; pero ang trabaho ni Nanay ay sumama kay Alan at magsinghot. Minsan lang naglalaba para sa ibang tao.
Saka minsan, sinasabi niya sa'king mahal ako ni Nanay kahit hindi naman.
"Kung mabait din ang magiging anak ko gaya mo," sabi ni Ma'am Eleanor na nakatingin sa'kin, "masuwerte rin ako."
Nginitian ko siya nang malaki. "Sana magkaanak na kayo. Para may tagakain ng pagkain n'yo."
"Oo nga."
Pagdating ng asawa ni Ma'am Eleanor, ipinakilala kami. Tinanong din ni Sir Nando kung ilang taon na 'ko at kung nag-aaral na 'ko. Kumain kami ng masarap na sinabawan at mga prito at mga manok.
Nakatulog uli ako sa sobrang busog.
++346h / Oct192018