Precious Heart Romances
NAGISING siya sa tunog ng alarm clock sa kanyang ulunan. Hinanap niya ang katabi, pero bakante na iyon. Isa na lamang sulat ang nakalagay sa kanyang tabi.
Noelle... Ikaw na muna ang bahala sa bahay ko. I have to go out early, may kailangan akong kausaping tao bago magsimula ang play. Kung anuman ang magiging desisyon mo. I will always be there for you.
Naantig niya tiniklop ang sulat ni Teddy at inilagay sa wallet.
Muli niyang tiningnan ang alarm clock. Ikaanim pa lang ng umaga. Kung magmamadali siya, aabot pa siya sa play na nakatakdang ipalabas sa ganap na ikasampu ng umaga. Tiyak ang kanyang mga naging pagkilos. Ilang saglit pa, lulan na siya ng taxi patungl sa Cuneta Astrodome.
Sampung minuto bago dumating ang ikawalo ng umaga ay naroon na siya. Sa unang pagkakataon, ngayon lang siya hindi na- late. Gusto niyang matuwa sa sarili.
Agad niyang tinungo ang wardrobe mistress at hiningi ang gagamiting costume. Sumunod ay hinanap niya ang kanilang make-up artist.
Bigla ang naging pagbukas ng pinto at kung hindi agad nakailag ang make-up artist na babae, tiyak na tinamaan na ito sa marahas na pagsalya ng dahon ng pinto."Lorna, wala pa ba ang ating---" hindi na nagawang ituloy ni Arnold ang sasabihin nang makitang inaayusan na siya nang make-up artist.
Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Arnold, ngiting nagpapaaliwalas sa pagod nitong anyo. Nanlalalim ang mga mata nito, halatang napuyat kagabk. Nagsisimula na ring tumubo ang balbas at bigote, gusot din ang buhok, tanda ng pagkabagot.
Tulad ng mga naunang pagkakataon, bumilis ang kanyang puso sa simpleng ngiti lamang nito."Nandito na si Noelle, Direk." sabi ni Lorna, hindi pansin ang mga reaksyon nilang dalawa.
"I know." pabulong na usal ng binata. "Welcome back, Noelle." may kakaibang sigla sa tinig nito. "I have to go. We'll talk later."
Nagbibihis na siya nang dumating si Teddy.
"Thank you for coming, Noelle
"Ikaw ang dapat kong pasalamatan, Teddy." ginantihan niya ang yakap nito.
"Huwag na tayong mag-bolahan pa, pagbutihan mo ang pag-arte, ha? May importante kang bisita."
"Sinong bisita?"
"Just give your best, Okay?"
Tumango siya, kahit napipilitan lamang.
"Magbibihis na rin ako. Good luck." muli siyang hinagkan sa pisnge ng kaibigan. Pagkatapos ay lumabas na ito ng dreessing room.
BAGO PA man mahawi ang kurtina sa entablado, nakapuwesto na ang lahat sa unang scene na bubuksan. Nalingunan niya sa isang sulok si Arnold, my headset sa ulo. Panay ang pakikipag-usap nito sa mikropono. Nagsimulang kumilos ang kurtina at kasabay ng paghugot niya ng pagsenyas nito ng good luck.
Isang tango ang itinugon niya sa sinabing iyon ng binata. Kinakabahan siya, bagay na unusual na para sa kanya. Humihinga siya at nabubuhay sa teatro, matagal niya nang na-overcome ang stage fright. Bakit ngayo'y ginigiyagis na naman siya ng tensiyon?
Pumailanlang ang theme song ng play, kasunod ang pagbigkas niya sa mga unang linya. Sumagot si Johnny na noon ay nasa kanyang tabi. Humakbang siyang palayo rito, palapit sa gilid ng stage.
Nang bigla siyang matigilan.
Dahil naroroon at nakaupo sa harapan ang kanyang Mama, kasama ng iba pang nanonood. Ngumiti ito sa kanya---ang unang pagbating namagitan sa kanilang mag-ina pagkalipas ng halos apat na taon.
Saglit niyang nalimutan kung nasaan siya. Mabilis niyang ikinurap ang nga mata upang pigilan ang pagdungaw ng luha sa mga mata.
Umaapaw sa galak ang puso niya.DUMAGUNDONG ang palakpakan sa pagtatapos ng palabas.
At doon, tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Noelle. Hindi siya makapaniwala, ngunit totoo. Naroroon ang kanyang ina, nagpupugay para sa kanya.
Ngayon niya nalaman kung ano pa ang kulang sa tagumpay na kanyang tinatamasa. Iyon ay ang kapatawaran ng kanyang mama... At ang pagmamahal ni Arnold.
Kung sana'y magiging kompleto lang ang lahat, then she could truly be happy.
Hindi na siya naghintay pang muli siyang itago ng pagpinid ng kurtina. Bumaba na siya sa kinapu-puwestuhan ng kanyang mama.
Mainit siya nitong sinalubong ng yakap.
BINABASA MO ANG
Huwag Mong Husgahan Ang Puso
Romance"Kiss Mark lang ba ang kayang ibigay sa iyo ni Arnold?"