Kung May Disiplina Lang Sana ang mga Pilipino

4.1K 11 2
                                    


          Kung may disiplina lang sana tayong mga Pilipino, disin sana ay maunlad na tayo.

          "Bawal magtapon ng basura dito" Nakalagay pa sa pader o sa karatula. Pero, huwag ka, tambak-tambak na basura ang nasa tapat. Mahirap bang unawain ang salitang bawal? O sadyang hindi lang natin naunawaan?

           Ikakamatay ba natin kung susunod tayo sa mga batas, ordinansa o patakaran na nakapalibot sa atin? Para iyon sa kapakanan nating lahat.

           Hindi tuloy tayo umalagwa sa kahirapan at krisis dahil tayo mismo ang gumagawa ng ating mga problema. Andami na ngang batas na ini-impose, andami pa rin nating illegal na gawain.

           No Jaywalking. No illegal cutting of trees. No dynamite fishing. No hunting. At kung anu-ano pang bawal. Bawal pumarada. Bawal umihi dito. Bawal tumawid dito. Nakakamatay. Tapos, ginawa na ngang "Bawal tumawid dito. May namatay na." Pero, sige pa rin tayo sa paglabag ng simpleng pakiusap at paalala.  Walang disiplina. Kulang sa hiya sa sarili. Alam na ngang mali, ginagawa pa.

           Kung may disiplina lang tayong mga tao, hindi tayo dadanas ng baha. Hindi tayo matra-traffic sa kalsada. Hindi tayo matatambakan ng basura, o mas maganda, walang basura..

           Ang kaso, walang disiplina ang bawat isa sa atin. Ni balat nga ng kendi ay hindi natin kayang ibulsa at itapon sa tamang tapunan. Pagkakain natin ng kung ano, ang balat ay ihuhulog natin sa kalsada. Tapos, 'pag nabasa ang talampakan o ang singit natin dahil sa baha, magrereklamo tayo. Tama ba 'yun?

           Bago sana tayo magreklamo sa problema ng bayan o bansa, pakalimiin ang sarili natin baka tayo ang may problema. Kung may disiplina tayong nakatago sa ating katawan, saka lang tayo magpahayag ng reklamo. Kung wala naman, manahimik tayo sa tabi at namnamin ang parusa ng kalikasan at pagkakataon.  Hanggang wala tayong disiplina, hindi tayo uunlad. 


Sanaysay is EssayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon