Mga Alaala ng Pasko

10.5K 8 2
                                    

Mahigit tatlong dekada na akong nagpapasko. Pero, bilang na bilang ko sa mga daliri ko ang taon kung kelan ako masaya. Naisip ko tuloy, ang Pasko ba ay para kanino?

      Isang magandang alaala ang hindi ko kailanman malilimutan. Panahon iyon ng Kapaskuhan. Pami-pamilya ay masaya. Namamasyal. Ako, bilang bunsong anak ay nakasakay ako sa leeg ng aking ama habang namamasyal. Hindi ko noon maipaliwanag ang ligayang dulot niyon habang ang Christmas song na  "Little Drummer Boy" ay tinutugtog sa isang parke. Napapa-rum pum pum pum ako.

      Pagkatapos niyon, wala na. Wala na akong maalalang masayang alaala. Hindi naman kasi kami ang tipikal na pamilya na tuwing Pasko ay may Noche Buena. Mahirap ang buhay namin noon pa. Gustuhin man naming maghanda at magsalu-salo pagpatak ng alas-dose ay hindi namin kaya. Madalas, hilik na lang ang pagsalubong namin sa Pasko. Isa pa, nakaapekto sa amin ang taunang pag-e-exodus. Bawat taon kasi ay lumilipat kami ng tirahan. Kadalasan, out of town, hindi para mamasyal, kundi para manirahan. Kaya naman, imbes na mag-Noche Buena, matutulog na lang. Tutal naman ay naghapunan naman kami. 

     Hindi naman ako nagdaramdam. Alam ko kasi na hindi ang Noche Buena ang batayan ng ligaya ng Pasko kundi sa pag-alala sa kapanganakan ni Kristo. Dahil ang totoo, nasa pagbibigayan ang tunay na diwa nito. Ang kainan ay pangalawa na lamang.

     Gayunpaman, ang Pasko ay malapit sa aking puso at isip. Hindi ko kasi malirip kung bakit tuwing Pasko ay may karanasan akong,  hindi man maganda, ay may kurot sa aking damdamin.

     Sa Tarlac. Nangaroling kami. Kasama ko ang nakakatanda kong kapatid at ng kaibigan naming maykaya. Kung tutuusin, hindi niya kailangan ang pera. Sumama lamang siya dahil kaibigan niya kami at dahil iyon ang gustong gawin ng mga bata tuwing sasapit ang Pasko.

     Pinitpit na tansan, na tinuhog sa alambre ang tamburin namin. Aawit ng "Sa may bahay ang aming bati, Merry Christmas na maluwalhati, Ang pag-ibig ang siyang naghari, Araw-Araw ay magiging Pasko lagi, Ang sanhi po ng pagparito, Hihingi po ng aguinaldo, Kung sakaling kami perwisyo, Pasensiya na kayo kami'y namamasko." Thank you agad kapag nagbigay na. Tapos, babanatan ng " Ang babait ninyo, Thank you!" Masaya na kami kahit dalawang bente singko ang ibigay sa amin. Suwerte kapag decagon na dalawang pisong barya ang ibinibigay. O kaya kahit piso na may kalabaw ay sapat na. Pero kapag, "Patawad!"  ay hindi pwedeng hindi namin dadalehan ng "Ang babarat ninyo, Takbo!" Literal kaming tatakbo at di na babalik doon kinabukasan.

      Ang saya mangaroling. Pero, malas ako dahil iyon ang una at huli kong pangangaroling..

      Huling gabi iyon ng pangangaroling, Disyembre 24 taong "kinakalimutan". Kailangan sana naming makaipon ng kapatid ko pambili ng kahit "tasty bread" man lang. Ngunit, sa kasawiang-palad, hindi namin nabili ang tinapay na para sana sa Noche Buena namin. Dinaya na nga namin ang kaibigan namin, ngunit sapat lang iyon para sa toasted pandesal at galletas na tig-tatatlumpung piso pa lang yata noon. 

      Ok lang iyan, sabi ng aming ina. 

      Hindi naman ako noon naghinanakit sa Panginoon. Alam ko, masuwerte pa rin kami kumpara sa iba. Isa pa, alam ko na noon ang salitang "kuntento". Masaya na nga ako noon sa mga pamasko na lumang damit at sapatos. Never ako nakatanggap ng nakabalot na regalo. Simula yata ng magkaisip ako ay hindi pa ako nakapapunit o nakapagbukas ng regalong nakabalot ng Christmas wrapper. Hindi ko kasi nakita man lang ang nag-iisa kong Ninang. Minsan nga, nagtanong ako sa Mama ko. "Bininyagan po ba ako?"

      Ang labo.. Kaya hindi ko na pinasan pa sa aking balikat. E ano kung walang ninang? But deep inside, masakit.. Hindi ako isang tipikal na bata na nakaranas ng pagtanggap ng regalo.. Oo, hindi po regalo ang tunay ng kabuluhan ng Pasko. Ngunit, hindi nito nakumpleto ang buhay bata ko. Malaki ang naging epekto nito sa pagkatao ko. Kung ano man iyon, ako na lamang ang nakakaramdam. Hindi ko ito maipaliwanag. 

      Dalawang taon ang lumipas simula ng huling karoling ko. Dapat sana ay magkakaroon kami ng munting salu-salo. May  sayawan noon sa aming baryo kaya ang lahat ay gising kahit na walang handa. Meron naman kami, magluluto nga ang Papa ko. Kaya, inutusan ako at ng bunso kong kapatid na bumili ng toyo sa tindahan. Ngunit, imbes na galak ang maramdaman ko, ay takot. Isang  patayan kasi ang nasaksihan ko at ng aking kapatid nang gabing iyon. Umuwi kaming nanginginig dahil sa takot at pangambang patayin din kami gaya ng napapanood ko sa mga pelikula. Saksi kami sa krimeng iyon. Kilala namin ang mga mamamatay tayo. Sa katunayan, pinitik-pitik pa nila ng mga tenga namin, hudyat upang umalis kami sa tindahang iyon  at para di namin masaksihan ang gagawin nila. Umalis nga kami, pero, nakita pa rin namin ang karumal-dumal na krimen.

      Mabuti at nakauwi kami ng buhay. Mabuti, dahil maraming Pasko pa ang aking naranasan. Maraming Paskong paksiw pa ang aking naabutan. Huwag mo na lang akong tanungin kung marami rin ba ang regalong aking natanggap. 

      Ilang Pasko din ang lumipas. Masaya na ako kapag buo ang mag-anak. May handa o wala. May regalo o wala. Pasalamat sa mga Christmas Party dahil nakakatanggap ako ng regalo. Di bale na. Ang mahalaga naman ay patuloy akong humihinga. 

       High school. Hindi na buo ang pamilya. Namayapa na kasi ang haligi ng aming tahanan. Nahiwalay pa ako sa aking ina dahil kailangan. Kaya, noong may Family Day sa school, ako na yata ang pinakamalungkot na nilalang. Ni hindi ako makasali sa ibang parlor games. Kailangan kasing may kapatid, ina at ama.  Sa Bring Me nga lang ako pwedeng sumali. Malas pa rin, dahil tungkol sa pamilya ang hinihingi gaya ng family picture. Litsugas! Wala nga akong bitbit na family, picture pa kaya.

      Ang sarap alalahanin ng mga alaalang ito. Minsan, napapangiti ako. Ngunti habang sinusulat ko ito ay pumatak na ang luha ko. Pinangarap ko kasing makaranas ng masagana at maligayang Pasko ang mga anak ko. Ngunit, sadya yatang mapagbiro  ang Pasko. Hindi ko pa nabigyan ng isang tinatawag nilang Noche Buena ang mga anak ko. Una,  dahil nakikipisan lang ako noon sa aking mga biyenan. Pangalawa, hindi pa kaya ng bulsa. Sa madaling sabi, hindi ko kayang maging Santa Claus sa kanila. Kapos. 

     Lumipas ang mga araw. Ilang Paskong tuyo ang dumaan. Minsan nga, kaibigan lamang ang kasama ko. At kung kailan kaibigan lang ang kasama ko, saka ako maligaya. Pero, kapag ang pamilya ko, ay may kakaibang lungkot akong nadarama. Hindi naman sa ayaw ko sa kanila. Nagkakataon lang marahil. 

     Matalik na kaibigan din ang kasama ko noon, isang Disyembre 24 ng gabi. Niyaya ko siyang dalawin ang babaeng nililigawan ko. Nakaharap ko ang nanay ng dalaga at sinabing magkamag-anak kami. Senyales iyon na ayaw niya sa akin. Maya-maya pa, dumating ang karibal ko at sama-sama kaming pumunta ng simbahan. 

     Bigo ako..

     Minsan, nagpasko rin ako sa bus. Nais ko noon sorpresahin ang nanay ko, Pero ako yata ang nasorpresa. Malungkot na Kapaskuhan ang aking nadatnan. Tila hindi Pasko. Okay na rin. At least, wala namang sakit ang aking ina, gaya ng balita sa akin ng tiyahin ko. 

    Ang buhay ko ay gaya ng mga Paskong naranasan ko. Ngunit, gaya ng iba, ay may kakayahan na akong magkaroon ng masaganang Noche Buena. Nakakapagbigay na rin ako ng mga regalo. Ang masaklap lang ay minsang isinugod namin ang aming anak sa hospital. Disyembre 24 iyon ng hapon. At, doon na kami nagpasko. Nakangiti lamang kami ng medyo bumuti na ang lagay ng baby namin. 

    Simula noon, ayoko na mag-plano. Bahala na, ang lagi kong sinasabi. Ayoko mag-isip ng mga menu na ihahanda dahil natatakot na akong mag-Noche Buena ng putaheng hospital. Naisip ko tuloy, bakit may Noche Buena pa? Hindi ba ito puwedeng gawin kahit hindi Pasko? 

    Sumunod na taon, hindi ko kasama ang mag-ina ko. Pumayag ako na sa biyenan sila magpasko,  habang ako ay sa aking ina at mga kapatid makiki-Pasko. Ayun, naging maligaya naman ako. Kayang lang, pagkatapos ng Pasko, saka namang umariba ang hamon ng buhay. Naghiwalay kami ng asawa ko dahil sa isang maliit na bagay na sinamahan ng mga grudges at nakaraang alitan. Ayun, natuloy sa seryosong hiwalayan. 

    Noong Pasko ng 2013, kasama ko na ang aming anak. Masaya naman ako. Masarap ding matulog dahil malamig. Nakatanggap ng mga regalo. Nagbigay din ako, lalo na sa mga bata. Ngunit gaya ng nakasanayan, walang Noche Buena. Ayos lang. Ang importante, may isang Diyos akong inaalala. Hindi man ako kasingsaya gaya ng iba, maligaya naman ako kapag naaalala ko ang mga alaalang ito.


Sanaysay is EssayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon