BOSS VS. LEADER
Pareho lang silang pinuno o may mataas na katungkulan sa isang grupo ng mga manggagawa o samahan. Ngunit malaki ang kaibahan nila pagdating sa pamumuno.Ang boss, nagmamanipula ng tauhan. Pinakikilos niya kahit kapos sa kakayahan. Hindi iyan gawain ng isang leader. Tinuturuan niya muna itong magtanim, bago umani.
Ang boss ay nakadepende sa kanyang otoridad. Tila lagi niyang sinasabi o ipinaparamdam na siya ay dapat sundin dahil siya ang hari. Madalas, ipamukha niya ang kanyang posisyon at tila ba hindi siya pwedeng suwayin. Hindi ganyan ang leader. Lahat ng gawain ay sinasamahan niya ng kabutihan, kabaitan, pang-unawa at respeto. Inilalagay niya ang kanyang sarili sa ibaba, kasama ng kanyang mga tauhan. Hindi siya tumatayo sa likod ng kalabaw gaya ng langaw. Kasi para sa kanya, ang lider ay tagasunod rin.
Ang boss—minsan nananakot. Nawawalan tuloy ng kumpiyansa ang mga nasasakupan niya. Hindi na sila kasi na bibigyan ng pagkakataong magkamali. Samantalang ang leader, tumatanggap ng kahinaan at kabiguan. Pinapasaya at pinalalakas niya ang mga loob ng mga tauhan. Para kasi sa kanya, laging may room for improvement ang bawat isa.
Boss ka kung lagi mong gamit ang panghalip na ‘ako’ o ‘ko’ sa halip na ‘tayo’ o ‘kami’. Ang boss kasi ay mapagmataas at mataas ang tiwala sa sarili. Kabaligtaran siya n glider. Ang leader kasi ay kasama niya lagi sa kabiguan at tagumpay; kasiyahan at kalungkutan ang kanyang mga tauhan. Walang iwanan, ika nga!
Boss ka rin kapag mapangsisi ka. Hindi gawain ng isang tunay na pinuno ang paninisi. Ang leader ay gumagawa o humahanap ng paraan upang masolusyunan ang problema o alitan.
Ang leader ay maalam. Kaya ka nga naging pinuno dahil ikaw ay nakakalamang sa iba pagdating sa kaalaman. Boss ang tawag sa pinuno na hindi nga alam kung paano gawin ng tama ang kanyang responsibilidad.
Ang leader ay mahusay manghasa ng tao. Dinidiskubre niya ang kanyang mga nakatagong galing. Hindi ito ginagawa ng isang boss. Ang hinahanap kasi ng boss ay ang mga kamalian at baho ng kanyang tao. Madalas pa nga, ang boss na ito ay mapanggamit. Ginagamit niya ang kakayahan ng tao niya para sa sariling kapakanan.
Ang leader ay nagbibigay ng gantimpala at papuri kapag may magandang nagawa ang tauhan. Ngunit ang boss, tumatanggap ng gantimpala at papuri dahil sa gawa ng kanyang tauhan.
Ano pa?
Sabi ng boss: “Gawin mo ‘to!” Sabi naman ng leader: “Paano ba gawin ito? Maari mo ba akong tulungan?”
Sabi pa ng boss—“Sige na, gawin mo na ‘yun!” Pero ang sabi ng lider--- “Halika, gawin na natin ‘yun.”
BINABASA MO ANG
Sanaysay is Essay
عشوائيIto ay lipon ng mga sanaysay at essay na may malawak na sakop.