Seguridad: Aasahan Pa Ba Natin?

2K 7 0
                                    

Pulis. CCTV camera. Sikyu. Tanod. Ano pa? Sino pa? Paano pa tayo magiging kampante sa ating kaligtasan?

Nakakatakot nang tumira sa mundong ating kinalakhan, dahil ang mga pangyayari sa panahon ngayon ay sadyang nakakabagabag.  Nariyan ang holdapan, carnapan, nakawan, barilan, saksakan, dukutan, kaliwaan, patayan at kung anu-ano pang gawaing may bahid ng kasamaan at kawalang-takot sa Maykapal.

Kamakailan lang, nagulantang ang Pilipinas sa isang balita. Ito ang ang walang habas na pagpatay ng isang pulis sa tatlong guro ng Pangasinan National High School at sa isang kubrador ng utang.

Bakit nangyari ang bagay na ito? Bakit kailangang humantaong sa pagkitil ng buhay? Wala na bang ibang paraan para masolusyunan ang isang di-pagkakaunawaan? May kulang pa ba sa seguridad? Ano ang dahilan?

Hindi ko lubos maisip kung bakit patuloy na dumarami ang ganitong pangyayari. Hindi na ligtas ang bawat isa. Kapwa-tao ay binibiktima. Tao rin ang salarin. Wala na bang papel ang mga pulis, security guard at tanod o CCTV camera para maiwasan ang mga masasamang gawaing ito? Lalo pa nga yatang nadaragdagan ang krimen o ang bilang ng mga kriminal. Dati naman ay walang mga ganyan, Pero, andun ang kapayapaan at kabutihan sa paligid.

Kung hindi tayo mag-iingat, lahat tayo ay magiging biktima ng karahasan. Huwag na rin nating asahan ang iba, sapagkat sarili lamang natin at ang pananampalataya sa Diyos ang totoong makakapagligtas sa ating mga sarili.  Ang mga kapahamakan at kasamaan ay laging nakaabang. Hindi natin alam kung kalian aatake. Kaya, pag-iingat at kahandaan ang nararapat natin laging isaisip.

Seguridad, kay-ilap na nga! Bawat minute sa buhay ng bawat tao ay may banta. Hindi na nga dapat tayo maging kampante, sapagkat ang masasamang-loob ay hindi nagpapahalaga sa buhay ng iba. Ang seguridad ngayon ay isa na lang pangarap--- isang ilusyon.

Sanaysay is EssayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon