Part 1

30.7K 588 22
                                    

NAGKAKAGULO na parang nakakita ng artista ang lahat ng web content writers ng Innovation Media maliban kay Arci Marie Roque. Ilang segundo lang niya sinulyapan kung ano ang nakakuha sa atensiyon ng lahat bago ibinalik ang tingin sa screen ng kanyang computer. Mabilis na gumagalaw ang mga daliri niya sa keyboard na parang sumasayaw sa saliw ng mga awitin na galing sa nakalagay na earphones sa magkabila niyang tainga. Kailangan niya kasi matapos ang quota niyang articles para maaga siya makauwi sa araw na iyon.

Hindi siya nag-angat ng tingin at nakatutok lang sa trabaho kahit nang unti-unti na niyang maramdaman na kumalma na ang mga kasamahan. Malamang pumasok na sa opisina nito ang pinagkakaguluhan ng lahat. Mayamaya biglang may kumatok sa ibabaw ng lamesa ni Arci. Hindi humihinto ang mga daliri sa pagta-type na nag-angat siya ng tingin. "Yes po?"

"Yes po ka diyan. Dumating si boss hindi mo man lang binati. Nakita ka kaya niyang nakatutok lang sa computer habang naglalakad siya papunta sa office niya. That's rude, Arci," nakakunot ang noo na sermon ni ma'am Jolina, managing editor at tumatayong kanang kamay ng may-ari ng Innovation Media.

Tuluyang huminto ang mga daliri niya sa keyboard at inalis ang earphones sa magkabilang tainga. Itinutok niya ang atensiyon sa kanyang immediate superior at magalang na nagpalusot. "Pasensiya na po, hindi ko napansin na dumating na siya. Gusto ko sana tapusin agad ang mga assignment ko kasi mag a-undertime po ako mamaya."

May isa pa siyang dahilan na hindi na niya sinabi. Ang totoo hindi naman kasi interesado si Arci na humilera sa may pinto kasama ang lahat ng empleyado para salubungin ang boss nila. Hindi naman ito 'yung tipo ng CEO na multi-national company ang pinamumunuan at bihira lang makita. Oo at malaki ang kinikita ng Innovation Media ngayon kompara dati. Maluwag at trendy rin ang office space nila pero iisang floor lang ang private office ng boss, conference room, pantry, guest lounge at lahat ng mga department. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit kailangan halos araw-araw ito abangan sa umaga na parang isang celebrity. Wala naman napapala kahit isang ngiti lang ang mga katrabaho niya mula sa lalaki. Ubod kasi ng higpit at sungit.

"Hindi mo ako na-inform na mag a-undertime ka mamaya," nakataas ang kilay na sabi ni Jolina, halatang hindi nagustuhan ang sinabi niya.

Kumurap si Arci. "Magsasabi pa lang po sana ako pagkatapos ko ipasa sa email ang articles ko. Puwede naman po, 'di ba?"

"Hindi puwede. Not today. Nakalimutan mo na ba ang memo na pinadala ko sa inyong lahat last week? Birthday blowout ni sir ngayong gabi. Bawal ang absent."

Napanganga si Arci at nalaglag ang mga balikat. Nakalimutan niya na ngayon pala ang office event na 'yon! Sinulyapan niya ang maliit na kalendaryo na nakapatong sa tabi ng computer niya. Iba kasi ang nakalagay na note sa petsa ngayong araw. Kung magiging honest siya, mas importante pa 'yon kaysa sa pa-blowout ng boss nila. Iyon nga ang mismong dahilan kaya gusto niya mag undertime.

"Ma'am Jolina, baka puwede naman po ako umabsent. Sigurado ako na hindi naman mapapansin ni sir kahit wala ako mamayang gabi," pakiusap ni Arci.

"Ikaw ang magpaalam sa kaniya. Kapag pumayag siya na a-absent ka, hahayaan kita umuwi ng maaga."

Nanlaki ang mga mata niya at kinabahan sa mapanghamon na ngiti ng managing editor nila. Isa siya sa mga original content writer doon kaya alam ng babae na hindi siya naging komportable makipag-usap sa boss nila kahit kailan. Katunayan palagi siya umiiwas kahit maka-eyecontact lang ito. Wala naman problema kasi mukhang hindi rin naman interesado makipag-usap sa kaniya ang boss nila maliban na lang kung may kinalaman sa trabaho at wala na itong choice. Minsan nga nagdududa siya kung alam nito ang first name niya kahit pa matagal na siya sa Innovation Media. Pero kung hindi niya susubukan magpaalam, hindi siya makakauwi at hindi niya maabutan ang –

THE LATE BLOOMER (book version now available in bookstores)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon