Part 11

10.6K 309 21
                                    

SIGURO dahil masyadong sabik si Arci at naging abala sa pag-aasikaso ng balak niyang trip abroad para sa July, kaya mabilis na lumipas ang mga araw. Two days na lang lilipad na siya papunta sa kanyang destinasyon. Effective na rin ang vacation leave niya kaya nakasalampak siya ngayon sa sahig ng kanyang kuwarto at nag eempake.

Nakabukas sa tabi niya ang maleta at nakakalat ang mga damit at gamit na pinagpipilian niyang dalhin nang bumukas ang pinto ng kanyang kuwarto. "Tita nandito si – " Biglang napahinto sa pagsasalita ang pamangkin niyang si Maja at nanlaki ang mga mata. Pagkatapos nagulat si Arci nang bigla itong sumigaw na parang may nakitang nakakakilabot. "Lola! Lola!"

"Bakit ka sumisigaw? Ano 'yon?" tarantang tanong niya na nagpalinga-linga para hanapin ang dahilan kaya nag hi-histerya ang pamangkin niya. Pero wala naman siya makitang lumilipad na ipis o ahas o kung ano pa man.

"Lola!"

Nakita ni Arci nang humahangos na lumapit sa nakabukas na pinto ng kuwarto ang nanay niya. "Bakit?"

Hilakbot pa ring itinuro ni Maja ang maleta niya. "Lola, tingnan mo ang mga damit na gusto dalhin ni tita. Ang papangit!"

Napatingin ang nanay ni Arci sa mga damit niya at katulad ng pamangkin niya ay nag react din ito. "Anak naman! Ngayon ka na lang magbabakasyon sa malayong lugar, maano bang magdala ka ng magagandang damit. Bakit t-shirt at pantalon lang 'yang nilalagay mo sa maleta? Magdala ka ng dress at mag makeup ka para maganda ka sa pictures."

Napanganga siya nang ma-realize na iyon pala ang isinisigaw ng pamangkin niya. Marahas na napabuntong hininga siya. "Ano ka ba naman, Maja. Akala ko kung ano nang nakita mo at nagtitili ka. Saka walang problema sa mga dadalhin kong damit. May hawak akong account na travel agency at maraming articles na ang nasulat ko tungkol sa pamamasyal abroad, okay? Kailangan comfortable ang isusuot para hindi hassle. At alam niyo naman na hindi ako mahilig mag selfie. Iba ang kukunan ko ng maraming pictures pagpunta ko 'don."

"Arci Marie, hindi mo ba talaga naintindihan ang isa sa rason kaya ka namin gusto lumabas at magpakasaya?" tanong ng mama niya.

Kumunot ang noo niya. "Anong rason?"

"Tita, gusto ni lola na makakilala ka ng maraming tao habang nagbabakasyon ka. Kailangan palagi kang pretty kasi malay mo may makilala kang pogi. Para magka boyfriend ka na."

Natawa si Arci sa logic ng pamangkin niya. "Sa movies at romance novels lang nangyayari 'yang sinabi mo, Maja. Hindi ako maiinlove sa isang lalaki na makikilala ko sa ibang bansa at sigurado akong imposible ring may ma in love sa akin ng ganoon."

"Tse. Malay mo magkatotoo. Masyado ka talagang negatibong bata ka," inis na reklamo ng nanay niya. "Basta palitan mo 'yang mga dadalhin mo. Kung wala kang magagandang bestida, manghiram ka kay Melissa. Mabuti pa ang kapatid mong 'yon marunong pumili ng damit. Magkasing katawan lang naman kayo 'non."

"Kakalkalin ko ang cabinet ni mommy. Wait lang, tita ha?" excited na sabi ni Maja sabay takbo palayo sa kuwarto niya.

Naiwan sa pinto ang nanay ni Arci pero hindi nakatingin sa kaniya kung hindi sa labas ng kuwarto. Nagbago ang facial expression nito at parang may biglang naalala. "Oo nga pala. May bisita ka. Kaya ko nga pala pinapunta si Maja dito para tawagin ka."

Kumunot ang noo niya. "Sino –" Napasinghap siya at napangisi nang biglang sumungaw sa pinto si Jaime. "Huy! Anong ginagawa mo rito? Lunes ngayon 'di ba dapat nasa Bataan ka?!"

"Nag off ako ngayong araw. Bukas na ako ng umaga babiyahe papunta sa trabaho. Gusto kita makita bago ka magpunta sa kung saan nang hindi ako kasama," sagot ng bestfriend niya. Bumati at nagmano muna ito sa nanay niya bago pumasok sa kuwarto at sumalampak ng upo sa tabi niya.

THE LATE BLOOMER (book version now available in bookstores)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon