Part 22

9.2K 290 12
                                    

NATAWA si Arci nang paglabas niya sa arrival area ng NAIA kinabukasan ay makita niyang nag-aabang ang bestfriend niyang si Jaime. Ngumisi ito nang makita siya at masaya pang kumaway bago naglakad pasalubong sa kaniya.

"Hindi mo sinabi sa akin na susunduin mo ako."

"Surprise," nakangiting sagot ni Jaime na kinuha mula sa kaniya ang mga bitbit niyang gamit. "Kesa sumakay ka pa ng taxi. Malaki babayaran mo kasi ma-traffic papunta sa atin."

"Wow ha. Ang sweet mo. Don't worry marami akong biniling pasalubong para sa 'yo," sabi ni Arci nang mailagay na ng binata ang mga gamit niya sa backseat at pareho na sila nakapuwesto sa loob ng kotse nito.

Natawa si Jaime pero umiiling. "Hindi pasalubong ang habol ko sa 'yo."

"Eh ano?" nakataas ang kilay na tanong niya.

Ang loko, tiningnan siya, boyish na ngumiti at sinabing, "I'll tell you soon." Pagkatapos pinaandar na nito ang sasakyan at halatang nagkukunwaring focused sa pagmamaneho para hindi na siya makapagtanong.

Hindi pa sila nakakalayo sa airport nang maalala ni Arci na nangako nga pala siya kay Gray na ipapaalam dito kapag nakarating na siya ng Manila. Kaya inilabas niya ang cellphone at nag message sa binata. Napangiti siya kasi wala pang isang minuto nag reply na ito agad. Nasa hotel pa raw ang mga ito at natutulog pa raw si Demmy.

Pagkatapos bigla itong may mga pinadalang pictures sa kaniya. Sinend daw rito ng kapatid kagabi. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita ang stolen shots nilang dalawa. Habang naglalakad, habang kumakain, habang nakatayo lang sa isang tabi. Sa lahat ng shots palagi silang halatang nag-uusap kasi nakaharap sila sa isa't isa at parehong nakangiti na para bang ang saya-saya nila. Tumagal ang titig niya sa isang partikular na picture na naging instant favorite niya. Tumatawa kasi sila ni Gray sa larawan. Natatandaan niya na katatapos lang nila mag shopping 'non kasi couple outfit na ang suot nilang dalawa.

"Sino ang minemessage mo? Si Melissa?" tanong ni Jaime.

"Hindi," nakangiti at nakatitig pa rin sa screen na sagot niya. Pagkatapos magpadala ng huling mensahe ay excited na nilingon niya ang matalik na kaibigan. "Hindi ka maniniwala sa nangyari sa akin sa Taipei."

"Anong nangyari?" tanong ni Jaime na sinulyapan siya at malawak na ngumiti, halatang sabik marinig ang sasabihin niya.

Napatitig siya sa mga mata nito na may kakaibang kislap na ngayon lang niya napansin. Napakasuyo ng tingin nito sa kaniya. Hindi maipaliwanang ni Arci pero parang may humalukay sa sikmura niya at may bumara sa kanyang lalamunan dahil doon. Bigla rin nag flash sa isip niya ang mukha ni Gray at ang lahat ng mga nangyari sa kanila sa Taipei na balak talaga niya ikuwento kay Jaime. Pero bakit ganoon? Nag-alinlangan siya magsabi ngayon. Ibinuka niya ang bibig pero ayaw lumabas ng mga salita.

"Arci? Ano nang sasabihin mo? Natulala ka na diyan, huy," biglang sabi ni Jaime kaya napakurap siya. Sandaling ibinalik nito ang tingin sa kalsada bago amused na sinulyapan siya uli. "Na-miss mo ba ako? Titig na titig ka kasi sa mukha ko."

Tumikhim siya at pilit pinasigla ang boses nang magsalita, "Oo. Na-miss kita pero masaya rin naman ako na nakapunta ako 'ron ng mag-isa."

Tumawa si Jaime. "Alam ko naman na nag-enjoy ka. Kanina pa lang paglabas mo sa arrival area, nakita ko na sa mukha mo na masayang masaya ka. Anong nangyari sa Taipei? Magkuwento ka naman."

Ngumiti si Arci, sinubukan uli sabihin ang tungkol kay Gray pero nabigo na naman siya. Ni hindi niya alam kung bakit may sumusundot na guilt sa puso niya habang nakatingin sa mukha ng bestfriend niya, lalo na kapag nakikita niya kung paano siya nito tingnan ngayon. Kaya si Chichi na lang ang kinuwento niya. Saka ang kpop concert at ang mga lugar na napuntahan niya.

THE LATE BLOOMER (book version now available in bookstores)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon