Part 10

10.6K 340 7
                                    


"PARA SAAN?" nagtatakang tanong ni Gray Delan na dumeretso ng tayo at inilapag na ang mug sa counter top. Lalo rin naging matiim ang titig nito sa kaniya.

Uminit ang mukha ni Arci at sandaling naisip niyang umatras na lang at huwag na magpaliwanag. Pero kuya ito ni Demmy na isa sa mga pinakapaborito niyang tao sa balat ng lupa. Hindi kaya ng konsiyensiya niyang itago na eight years siyang nag ra-rant sa pamilya at friends niya tungkol sa boss niya. Kaya tumikhim siya uli at nagpaliwanag. "Sorry kasi ang pangit ng impression ko sa 'yo sa nakaraang mga taon. Alam ko na ngayon na mali na hinusgahan kita kahit hindi naman kita lubusang kilala. Kaya humihingi ako ng tawad sa 'yo."

Ilang segundong napatitig lang sa kaniya si Gray bago bumuntong hininga at nagsalita, "It's fine. I don't really care what others think of me. I am also aware that I can get rude when it comes to people I don't care about. Isa pa, kailangan ko rin humingi ng tawad sa 'yo. Hinusgahan din kita at hindi rin maganda ang impresyon ko sa 'yo sa nakaraang walong taon. Ikinahon kita sa impresyon na uninteresting ka at katulad din ng iba kahit hindi naman ako nag effort na kilalanin ka. So, I apologize too."

Kung dati narinig ni Arci na ganoon pala ang tingin sa kaniya ni Gray, baka nainis at nainsulto siya. Pero ngayon para pa siyang nabunutan ng tinik sa dibdib. Siguro kasi pareho nilang nailabas ang totoong saloobin nila tungkol sa isa't isa kaya nawala ang pagkailang niya. Tipid siyang ngumiti. "Apology accepted na, boss."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Gray. "So, okay na tayo?"

"Okay na."

"Ibig sabihin pwede na akong magtanong sa 'yo ng mas personal?"

Naging guarded si Arci. "Pero pwede ko hindi sagutin kung ayaw ko, ha?"

Tumango si Gray. "Gusto ko lang malaman kung ano ang dahilan kaya ka tumatawang mag-isa noong nakita kita sa Slade House. Hindi ako matahimik hanggang ngayon kakaisip."

Napakurap siya kasi hindi niya inaasahan na iyon ang itatanong nito. Sobrang seryoso pa ng mukha nito kaya hindi niya napigilan matawa. "Hindi ka talaga natahimik? Ano ka ba, hindi naman 'yon sobrang big deal para pag-isipan mo ng husto. May pinapanood lang akong live broadcast na nakakatawa nang gabing 'yon."

Kumunot ang noo ni Gray. "Live broadcast?"

Tumango siya. "Sa Vlive. May korean idol show akong sinusubaybayan at nag guest ang isa sa mga grupong sinosoportahan ko sa show na 'yon. One week ko 'yong hinihintay at hindi ko kaya hintayin ang replay version kaya tumakas ako sa party para manood."

Biglang kumislap ang pag-unawa sa mga mata nito. "Wait. Huwag mong sabihin sa 'kin na kaya gusto mo mag undertime at umabsent nang araw na 'yon ay dahil sa live broadcast na pinanood mo? Iyon ang sinasabi mong importanteng plano mo?"

Matamis na ngumiti si Arci. "Ganoon na nga."

Umawang ang bibig ni Gray, parang hindi makapaniwala habang nakatitig sa kanyang mukha. Pagkatapos nagulat siya nang bigla itong tumawa, 'yung tipong malutong at amused talaga. Ngayon lang niya ito nakitang tumawa ng ganoon. Napatunganga tuloy siya kasi biglang umaliwalas ang mukha nito at para siyang sinipa sa sikmura ng realization na ang guwapo guwapo nito.

"Alam ko na ngayon kaya kayo magkasundo ni Demmy," natatawa pa ring sabi ng lalaki.

Napakurap tuloy si Arci at nagkunwaring hindi natulala sa mukha nito. "Bakit?"

Tiningnan siya ni Gray, malawak na ngumiti at saka sinabing, "Parehong pareho kayo. She will disregard everything too just to watch those shows. Maraming beses niya ako inindyan sa dapat date namin dahil may kailangan siya panoorin."

THE LATE BLOOMER (book version now available in bookstores)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon