"Sir, hindi po pwede. Labag po iyang hinihingi mo sa patakaran dito."
"Sige na po. Sandali lang naman, eh. Importante naman ang pakay ko rito."
Narito ako ngayon sa pasilidad kung saan pinapagamot si Everly. Alas-dose na ng tanghali ngunit kanina pa akong umaga narito. Umalis kaagad ako umaga pa lang dahil ginising ako ng isang panaginip na nag-udyok sa'kin na magpunta rito."Adam. Habulin mo ako!"
Ako'y nasa isang madilim na lugar na nasa gitna ng kawalan. Hindi ko alam kung bakit ngunit hinahabol ko si Everly.
"Adam! 'Wag kang malingat! Ako lang ang habulin mo!"
Malapit ko na siyang mahuli ngunit may isang kamay na tumapik sa akin. Hindi ko mahabol muli si Everly dahil tila may dingding sa aking harapang pumipigil sa aking magpatuloy. Hinila ako noong kamay na tumapik sa'kin paharap sa kanya.
Hindi ko nakitang masyado ang tumapik sa'kin dahil nagising na ako. Ang alam ko ay isa itong babae. Halos tatlong oras ko ring inisip ang panaginip na 'yon at napagdesisyunan kong magpunta rito.
__________________________________________
"Bumalik na kaya tayo roon. Baka pwede na tayong maka-access sa mga CCTV footage nila."
Narito kami ngayon ni Faith sa isang restaurant na katapat ng pasilidad. Tinawagan ko siya upang makatulong na rin sa'kin sa pangangalap ng impormasyon. Dahil sa sinabi niya, bumalik na kami sa pasilidad at sumugal muli.
"Ahh, Sir! Buti bumalik kayo. Sorry for the inconvenience kanina. Maaari niyo na pong ma-access yung mga CCTV footage. Nandyan si Dr. Cuizon para gabayan kayo patungo sa silid. Uulitin ko po, sorry."
Sinundan namin si Dr. Cuizon. Hindi ko alam kung bakit pero napakapamilyar niya para sa'kin. Kanina ko pa siya tinututukan at ngayon ay nahuli niya ako.
"May problema po ba tayo, hijo? Baka may gusto kang tanungin.""Wala po, doc. Magpatuloy na lang po tayo sa paglalakad."
Dumating na kami sa silid kung saan puro mga computers ang laman. Naunang pumasok si Dr. Cuizon at naiwan kaming dalawa ni Faith sa labas. Binasag naman ng kasama ko ang katahimikan matapos ang ilang segundo.
"Ako yata lucky charm mo, eh. Tingnan mo pinayagan tayo. Sa susunod kasi, tawagan mo kaagad ako kung may pupuntahan ka."
Bigla namang sumenyas si Dr. Cuizon sa kabilang panig ng pinto na maaari na kaming pumasok.
"Oh anong kailangan niyo? Bilisan niyo at marami pa akong binabantayan," ani ng isang nagbabantay roon.
"May kilala po ba kayong Everly Delamar?"
"Ahh. Kilala iyang batang 'yan rito. Pasyente rin yan ni Dr. Cuizon. Diba, Doc?"
Tumango naman si Dr. Cuizon bilang sagot.
Hindi ko na pinatagal pa ang pag-uusap kaya hiningi ko na ang kailangan namin."Ahh, sir? Maaari po ba naming makita ang footage ng silid niya? Yung latest?"
"Private room number 2326," singit ni Dr. Cuizon. Mabuti ay may pribadong silid si Everly rito na siya lang ang gumagamit.
Ilang tipa lang ng keyboard ay pinakita na ng tagabantay sa amin ang footage. Pinapakita nito mula pagkarating niya ay tila kinakabahan siya at hindi mapakali. Matapos ang ilang usapan kasama ang doktor at kanyang pamilya ay iniwan muna nila si Everly sandali. Kung kanina ay kinakabahan lang siya ngayon ay tuluyan siyang umiyak. Humagulgol siya matapos makita ang isang mensaheng natanggap niya sa kanyang cellphone. Ilang segundo lamang ay napatigil siya. Tumingin siya sa kisame at lumingon sa direksyon ng CCTV.
Ngumiti siya.
Isang ngiting tagumpay.
![](https://img.wattpad.com/cover/146205837-288-k400736.jpg)
BINABASA MO ANG
Stabbed
Mystery / ThrillerTila binalot ng kadiliman ang buhay ni Adam nang masilayan niyang duguan at wala nang buhay ang kanyang pinakamamahal. Simula nuon ay iisa lang ang layunin niya - ang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng babaeng lubos niyang minamahal. Maaabot ba...