Pagkatapos kong mabasa ang mensahe ni Eva ay nag isip muna ako ng mga posibleng maging dahilan ng pagkamatay ng aking mahal.Nagpakamatay?
Imposible.
Alam kong imposible. Kilala ko siya, kilalang kilala, at hindi niya iyon magagawa.
Sa pag-iisip ay hindi ko namalayang nakatulog ako. Pagkagising ko'y alas otso na ng umaga kaya't mabilis pa sa alas kuwatro'y bumangon ako. May usapan kami ni Eva. Ngayon ang unang araw ng paghahanap sa totoong dahilan ng pagkamatay ng aking iniirog.
Pagkatapos kong mag-ayos ay agad kong kinuha ang susi ng kotse. Hindi na ako nagpaalam pa't alam ko namang kadramahan na naman ng aking ina ang maririnig ko sa kanyang bunganga. Alam kong nag aalala lang sila pero nakakarindi na kasing pakinggan. Sa dami ng iniisip ko,hindi ko na alam kung ano ang uunahin ko. Tapos dadagdagan pa ng mga talak nila? Hindi na siguro kakayanin ng utak ko.
Pagkarating ko sa bahay nila Eva ay saktong alas nueve na ng umaga, saktong-sakto lang. Pagkaparada ko sa kotse ko'y agad akong lumabas at pinindot ang doorbell nila Eva. Pagkabukas ng gate nilang kulay berde ay si Tita Rose ang bumungad sa'kin.
"Hijo, tuloy ka. Ang aga mo atang naparito, ano bang sadya natin? Saka pagpasensyahan mo na ang mga mata ko, di ko pa rin kasi mapigilan ang umiyak sa sinapit ng pinakamamahal kong anak," naiiyak na turan ni Tita Rose.
"Pasensya na po sa abala Tita, may gusto lang sana kasi akong pag-usapan kasama niyo tungkol kay Eve, kung maari."
Natigilan si tita saglit pagkatapos marinig ang aking sinabi, tila nawalan siya ng kulay sa kanyang mukha saglit.
"A-ano naman iyon hijo?" Nauutal niyang tanong.
"Sa loob ko na po sana gustong sabihin sa inyo, kasama nila Eva at Tito, kung maari."
"O-oo naman, teka ihahanda muna kita ng maiinom at tatawagin ko na rin ang aking asawa at si Faith."
Pumasok naman ako sa bahay nila. Kabisado ko na ang bahay na ito. Sa ilang ulit ko ba namang niligawan, pinuntahan at dinala ni Eve dito, pwede ko na sigurong ilipat yung mga gamit ko dito. Pagkapasok ko'y ang hindi kalakihan nilang sala ang agad na bumungad sa'kin. Naupo ako sa isa sa mga kawayang upuan nila na nilagyan ng foam. Bigla namang lumabas si Eva galing sa kwarto nila ni Eve, na katabi ng kwarto ng mga magulang nila at katapat lang nito ang sala, kung saan ako kasalukuyang nakaupo, dahilan kung bakit kitang kita ko ang kanyang paglabas. Pagkaraan lang ng ilang sandali ay sumunod naman ang kanyang mga magulang na galing pa ata sa labas ng bahay na tila bago lang nagtalo.
"Hijo, sumabay ka muna sa'min mag almusal at sa hapag kainan natin pag-usapan ang gusto mong pag-usapan natin," alok ni Tita Rose.
Sumunod na lang ako. Nagugutom na rin kasi ako dahil hindi pa ako nag-aalmusal. Sumunod naman si Eva sa kanyang mga magulang patungong kusina, susunod na sana ako ng biglang tumawag ang aking ina sa'kin.
Mommy
Accept Reject
Tinanggap ko nalang ang tawag baka kasi'y mas mag-alala pa ito.
"Hello my, nandito ako kina Tita Rose. Wag ka nang mag-alala kaya ko ang sarili ko. May pag-uusapan lang kami." Inunahan ko na siya sa mga pangaral at bilin na naman sakin.
"Hindi ka man lang nagpasabi? Alalang-alala kami ng Daddy mo! Sa susunod magsabi ka na Adam, ha?" Talak niya, ganito na lang ba parati?
"My, malaki na ako, kaya ko na ang sarili ko. Dito na ako mag-aalmusal, sige na bye."
Hindi ko na hinintay ang sagot niya at binabaan ko na siya ng tawag at agad sumunod sa pamilya ni Eve sa hapag kainan.
"So hijo, anong gusto mong sabihin sa'min tungkol raw sa anak ko?" Paninimula ng ama ni Eve habang nakatingin lang si Tita sa'kin na tila'y naghihintay ng hatol sa kanyang buhay at si Eva na walang kahit na anong ekspresyon.
"Hindi na po ako magpaligoy-ligoy pa, hindi po ako naniniwala sa nahanap ng mga pulis. Hindi ko matatanggap. Higit sa lahat, tayo ang pinakanakakilala kay Eve at alam nating imposibleng gawin niya 'yon." Natahimik naman si Tita na hindi makatingin ng diretso sa akin. Si Tito'y nakatitig lang sa akin na tila nag-aantay sa susunod kong sasabihin.
"Gusto ko pong bigyan ng hustisya ang inyong anak. Ako, pwede rin na kasama kayo dahil ayos lang, ang maghahanap ng hustisya. Hahanapin ko ang katotohanang karapat-dapat para sa aking minamahal. Supportado niyo man ako o hindi," pinal na sabi ko.
"Hindi ako sumasang-ayon." Agad na sagot ni Tita na tila wala nang makakapagpababago sa kanyang desisyon.
"Everose," tila warning ni Tito kay Tita.
"Kung iyan ang kagustuhan mo hijo, wala na akong magagawa diyan pero kung ako ang tatanungin, ayaw ko rin. Hindi rin ako sumasang-ayon pero kung kumbinsido ka talaga sa desisyon mong iyan, bahala ka. Wala kang mahahanap." Tila kumbinsido ring sagot ng ama ni Eve. Pagkatapos ng usapang iyon ay nagpatuloy kami sa almusal na walang nag-iimikan na kahit sino. Pagkatapos mag almusal ay nagpaalam na ako kina Tita at Tito. Linapitan ko naman si Eva at binulungan ko na sa sasakyan ko na lang kami magkita.
Naghihintay ako sa aking sasakyan at biglang pumasok si Eva.
"Ano ang gusto mong sabihin sa'kin?" Agad na tanong ko kay Eva. "Sana lang makakatulong sa kaso yan."
"Alam kong kilala mo si Everly Delamar, ang pinakamalapit na kaibigan ni Eve. Tingin ko'y may motibo siya."

BINABASA MO ANG
Stabbed
Misteri / ThrillerTila binalot ng kadiliman ang buhay ni Adam nang masilayan niyang duguan at wala nang buhay ang kanyang pinakamamahal. Simula nuon ay iisa lang ang layunin niya - ang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng babaeng lubos niyang minamahal. Maaabot ba...