Paul
"Kuya, be happy... Wag mong sisihin ang sarili mo, wala kang kasalanan..."
"Anak, alam naming nahihirapan ka. Pero kailangan mong umusad. Ayos lang kami dito, palayain mo na ang sarili mo..."
"Tama ang mommy at kapatid mo anak... Wag mong sisihin ang sarili mo... Ituloy mo ang buhay mo... Mahal na mahal ka namin anak..."
"I love you, Kuya... I know, I will always be your baby girl, pero sana makahanap ka na ng babaeng be-baby-hin mo..."
Napa-balikwas ako ng bangon. Tagaktak ang pawis ko nang magising ako. Limang taon na ang nakakaraan pero gabi-gabi ko parin silang napapanaginipan.
Napatingala ako upang pigilan ang pagtulo ng luha ko dahil naramdaman ko ang pag-iinit ng mga mata ko.
Pano ko itutuloy ang buhay ko? Pano ako magiging masaya kung ang mga taong nagpapasaya sakin ay wala na? At kasalanan ko ang lahat.
Napapikit ako at naalala ang huli naming pagkikita.
"Kuya, sunod ka agad ha? Gusto ko isayaw mo ako pagsapit ng 18th birthday ko." Paglalambing sakin ng kapatid kong si Kristel.
Paalis sila patungong Singapore. Regalo ko iyon sakanya para sa 18th birthday niya. Hindi kasi siya mahilig sa party at alam kong matagal na niyang pangarap makarating sa Singapore kaya naman iyon ang naisip kong iregalo.
"Promise, bago pa pumatak ang oras ng birthday mo, nandoon na ako."
"Anak, sigurado ka ba, ayaw mong sumabay samin? Baka naman pwedeng sila nalang ang mag-meeting? O kaya naman, hintayin ka nalang namin."
"Ma, kailangan po ako dun. Susunod po ako agad pagkatapos na pagkatapos ng meeting. Mag-iingat po kayo doon."
"Ikaw ang mag-iingat dito, mag-isa ka lang, walang mag-aalaga sayo."
"Saka wag mong kakalimutan ang gamot mo sa allergy mo. Kung bakit ba naman kasi pagdating sa kainan, nawawala ka sa sarili mo, hindi mo na iniisip kung bawal sayo yung kakainin mo. Buti sana kung hindi ka makakalimutin sa pagdadala ng gamot mo."
"Pa, Ma, kung makapag-bilin naman po kayo, parang ang tagal nating di magkikita. Bukas lang po, nandoon na ako, susunod ako agad sainyo."
"Basta, mag-iingat ka palagi dito." Bigla akong kinilabutan sa hindi ko malamang dahilan. Weird.
Yun ang huli naming pagsasama. Dahil ng gabi ding iyon ay sinampal ako ng masamang balita na nag-crash ang sinasakyan nilang eroplano at walang nakaligtas sakanila. At kasalanan ko ang lahat.
Kung sana pinag-party ko nalang ang kapatid ko. O kung sana, isinabay ko nalang sila pagkatapos ng meeting ko. Sana magkakasama parin kami ngayon. Sana na-celebrate pa ni Kristel ang birthday niya. Sana naisayaw ko pa siya tulad ng gusto niya.
O kung sana sumabay nalang ako sakanila. Edi sana magkakasama kami ngayon sa kabilang buhay. Sana kasama ko sila at pinapakalma nung mga oras na nagpapanic sila habang bumabagsak ang eroplano.
Ilang taon ko ring pinabayaan ang sarili ko. Nang magsimula ang panaginip na iyon ay saka lang ako bumalik sa trabaho. Ayoko kasing nakikita nila akong ganon. Pero bumalik man ako sa trabaho, hindi naman bumalik ang buhay ko. Para lang akong zombie.
Wala akong kinakausap maliban nalang kung may kinalaman sa trabaho. Madalas din sa bar ang tambayan ko at doon magpapaka-lunod sa alak para pag-uwi ko ay matutulog nalang ako.
Maging ang mga dati kong kaibigan ay tinalikuran ko na. Wala akong gustong kausapin.
Kahit minsan ay gusto kong subukang makipag usap sa iba. Minsan kasi sumasagi sa isip ko ang pangungulit sakin ng kapatid ko at ni Mama at Papa na mag-girlfriend ako. Mula kasi ng lokohin ako ng una kong girlfriend noong twenty palang ako ay hindi na ako nag-girlfriend.
Pag naalala ko ang pangungulit nila sakin ay sinusubukan ko pero hindi ko talaga kaya. Gustuhin ko mang tuparin ngayon yung kagustuhan nilang mag-girlfriend ako, pero hindi pa ako handa.
Sorry, baby girl, Mama, Papa... Someday matutupad ko din yun... Just give me more time...