Mula sa pagkaka-talikod ni Inang ay bahagya siyang nagulat nang humarap. Ngunit nawala rin iyon agad at napalitan ng pagiging seryoso.
"Ako'y nagulat sa biglaan mong pagdating, Graziella." dumaan siya sa aking tabi at sinarado ang pinto.
"Iyon po ang aking pakay, Inang." Matapos isara ay umupo si Inang sa upuang nasa tapat ko at seryoso lang ang tingin sa akin. Kahit kailan talaga'y napaka-seryoso nitong si Inang. Para bang hindi man lang ngumingiti.
Nagtanong siya sa akin, "Paano naman ang bakunawa?"
Napangiti tuloy ako. Maigi na lang at hinabilin din ito sa akin ng dyosang Aman Sinaya. "Ang dyosang Tala na raw po ang bahala doon, Inang. Mamayang hating-gabi ay nasa bituin na pinaka-malapit sa buwan daw po ang dyosa."
Seryosong tumango si Inang Lucia sa sagot ko. Hindi ko tuloy napigil pa at ako'y natawa. Lagi na lang talaga, natatawa na lang tuloy ako sa pagiging seryoso niya. Napa-iling siya sa akin. Batid kong alam niya na ang dahilan kung bakit ako natatawa.
Hindi naman nagtagal ang tawa ko dahil may sasabihin pa pala ako, "Inang, samahan niyo rin po pala ako kay Lara."
"Halika na at mamaya ka na tumawa nang tumawa." Tumayo na siya at nauna pang lumabas sa akin. Sinara ko ang pinto at sumunod sa kanya patungong dalampasigan. Nagtungo kami sa parteng natatabunan ng mga puno ang dalampasigan. Dito ay siguradong walang makakakita sa amin.
Lumusong na kami sa dagat at nang hanggang bewang na namin ang tubig ay sabay kaming lumangoy pailalim. Napalitan ng buntot ang kaninang paa namin. Lila ang kulay ng sa akin samantalang asul naman ang kay Inang. Ganoon din ang buhok na tulad ang kulay sa buntot na meron kami.
Naka-sunod ako kay Inang dahil hindi ko naman alam kung saan naninirahan si Lara. Sandali lang ang naging paglangoy namin. Nang umahon si Inang ay umahon na rin ako. Tulad kanina ang bumungad sa akin. Puro kabahayan.
Sa paglalakad ay nagulat ako nang may lumapit na batang babae sa amin. Hindi lang pala ako ang nagulat, pati na rin si Inang.
"Hi po, mga ate!" ngiting-ngiti ito.
Bumulong ako kay Inang, "Inang, maigi pa itong paslit ay marunong ngumiti. Dinaig ka pa." pagbibiro ko.
"Manahimik ka na lamang diyan, Graziella. Umaandar na naman ang ka-pilyahan mo." bulong niya rin sa akin kaya lihim muli akong natawa.
"Si ate Lara po ba ang hinahanap niyo?" sabay kaming napatingin ni Inang sa batang babae. "Magkamukha po kasi kayo, e."
Lumapit siya sa amin at ang sunod niyang ginawa ay lalo kong ikinagulat. Hinawakan niya ang kamay naming dalawa ni Inang at sabay na hinila.
Napatingin ako sa paligid nitong lugar. Maingay, mga batang naglalaro, mga namimili ng isda, at simpleng pag-uusap ng mga tao. Siguro nga ay hindi pa tuluyang nagbabago ang mundo ng mga tao.
Tumigil kami sa tapat ng isang kubo. Tinulak kami ng bata papasok doon. Sumunod din ang bata sa amin at nahimigan ko ang saya sa kanyang boses nang siya ay sumigaw.
"Ate Lara, may bisita ka po!" dahil doon ay lumabas mula sa maliit na silid si Lara. Namilog ang kanyang mga mata nang dumapo ang tingin niya sa amin. Siguro ay dahil sa pagpunta ni Inang at sa biglaang pagpunta ko rin dito.
Agad siyang nagtungo sa bata at pinunasan ang namumuong pawis sa mukha, "Labas ka muna, Keela, ha? Balik ka na lang dito mamayang tanghalian."
Tumango ang bata at ngumiti pa sa amin bago lumabas. Nakakatuwa naman ang batang iyon, pala-ngiti. Ang ganda tuloy pagmasdan. Pagka-labas ng batang babaeng Keela pala ang pangalan, sinara ni Lara ang pinto maging ang ilang durungawan bago humarap sa amin. Kung tutuusin nga'y hindi niya na dapat gawin iyon dahil may kalayuan din sa ibang bahay ang kanyang tinitirahan tulad kay Inang.
Pansin ko ring mula kaninang pagpasok ay hindi na tumingin pa sa akin si Lara. Siguro'y naiilang pa rin. At, sabagay, ako rin naman. Malakas lang ang loob ko ngayon dahil kasama ko si Inang.
"Mamayang gabi ay magtutungo tayo sa kaharian..."
Si Inang na ang nagsabi ng pakay namin kahit na dapat ay ako. Tulad ng reaksyon ni inang, ganoon rin ang kay Lara. Ang kaibahan lang ay natuwa si Lara dahil totoo nga naman ang sabi niya, minsan lang iyon mangyari sa kaharian, samantalang si Inang ay seryoso kanina. Tinanong din ni Lara ang tungkol sa bakunawa, sinagot din naman ni inang.
Matapos niyon ay natahimik kami na binasag din agad ni inang. "Lalabas lamang ako saglit."
Tututol na sana ako pero mabilis siyang nakalabas at tinawag naman ako ni Lara. Humarap ako sa kanya na ngayon ay nakatungo na.
"Patawad, Graziella." aniya. "Hindi ko sinasadya, nagpadala ako sa aking damdamin. Patawarin mo ako. Gusto ko nang bumalik tayo sa dati."
Nagulat ako sa bigla niyang kumpisal. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya ang mga katagang iyon.
Napalitan ng ngiti ang seryoso kong mukha kanina, "Matagal na kitang pinatawad, Lara. Patawarin mo rin sana ako. Hindi ko rin sinasadya. Nadala lamang ako ng aking takot noon."
Ngumiti na rin siya at niyakap ako. "Masyadong masakit, Graziella. Huwag na sanang maulit."
"Alam na ba ng dalawang inang ang tungkol dito?" kahit na magkayakap ay pilit akong humarap sa kanya at nagtanong. Nanatili pa rin siyang naka-tungo.
Naramdaman ko ang kanyang pag-iling, "Hindi ko alam kung alam nila, Graziella."
Nagulat ako at napa-buntong hininga. Kung hindi alam ng dalawang inang, ibig sabihin ay hindi rin alam ni dyosang Aman Sinaya.
"Pero imposibleng hindi nila malaman iyon, Lara. Alam mo iyan." Dagdag ko pa. Gusto ko mang palakasin ang kanyang loob ay hindi ko magawa. Nais kong magpakatotoo.
Kumalas siya sa pagkakayakap at malungkot na tumingin sa akin, "Hayaan na lamang natin iyon, Graziella. Maraming taon na ang lumipas."
BINABASA MO ANG
Moonlit Night
Teen FictionSa bawat pagsapit ng kabilugan ng buwan ay kailangang mag-alay ng mga sirena ng buhay ng isang tao nang sa gayon ay magpatuloy ang kapayapaan ng karagatan. At ang pagsapit ng unang kabilugan ng buwan sa taong iyon ang nagpasimula ng lahat. [On-goin...