"Ate Graziellaaaa!" Napatayo ako mula sa pagkakahiga nang marinig ko ang sigaw ni Keela.
Nang mabuksan ko ang entrada ay nakatayo si Lara habang hawak sa kamay si Keela. Sinalubong ako ng dalawa na malapad ang ngiti sa labi.
"Pasok kayo," pagbati ko sa kanila. Tumatakbong pumasok si Keela hanggang sa narating ang nakabukas na pinto.
Nang tuluyan kaming makapasok sa loob ay ipinalibot ng dalawa ang kanilang tingin.
"Ang ganda naman dito, ate! Dito na lang din kami!" sambit ni Keela na sabay naming ikinatingin ni Lara sa kanya.
"Nga pala, Lara, gusto niyo ba sumama sa amin ni Liam sa pista ng San Antonio? Inanyayahan niya kasi ako. Sa sabado." diretso kong aya sa aking kaibigan.
"Hindi. May meeting sa eskwelahan ni Keela. Kailangan naming pumunta."
Nawala tuloy ang saya sa aking mukha. Kung ganoon pala ay kaming dalawa lang ni Liam. Sayang naman.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Sabado na ngayon at narito na kaming dalawa ni Liam sa San Antonio. Nasabi ko sa kanya na hindi makakasama ang dalawa at tulad ko ay nanghinayang din siya.
"Magsimba muna tayo," aniya. Naguguluhan man ay sumunod na lamang ako sa kanya.
Hindi ko alam ang gagawin matapos pumasok sa loob kaya nang umupo siya ay umupo na lang din ako sa kanyang tabi. May mga rebulto ng mga santo sa paligid na bago lamang sa aking paningin.
Noong pumasok kami ay may mga tao pa rin dito sa loob na taimtim na nakapikit habang nakaluhod. Sa aking sapantaha ay nananalangin.
Katulad nila ay ganoon din ang ginawa ni Liam. Nanatili kami ilang saglit pa roon bago niya ako inaya palabas.
"Let's eat. Street foods. My treat." aya niya habang kami ay naglalakad palabas.
Nagtungo kami sa pwesto ng mga pagkaing may nakatusok na maninipis na kahoy. Agad siyang kumuha roon at inabot sa akin. Nagtaka ako sa kanyang ginawa.
"Try this, kwek-kwek 'yan." Tulad ko ay may hawak din siyang ganoon.
Tinitigan ko muna ang tatlong kulay kahel na bilog sa aking hawak bago tuluyang sinubo. Pagnguya ay naramdaman ko agad ang kakaibang lasa nito.
Napangiti si Liam sa akin.
"Ang sarap!" komento ko sa kanya at ngumiti na rin.
Habang nakain ay napadaan sa harap namin ang kumpol ng mga taong sumasayaw sa saliw ng maingay na tugtugin. May ilang rebulto rin na nakalagay sa naadornohang karosa na hila-hila ng ilan.
Kinahapunan ay napunta kami sa kumpol ng mga tao. Tila naglalaro.
"Hijo! Sali ka rito! Paunahang makaubos ng sabaw ng limang buko!" sigaw ng isang matandang lalaki kay Liam. Agad kong nginitian ang kasama ko at bahagya siyang tinulak papunta roon.
"Sumali ka. Susuportahan kita,"
Ngumiti siya pabalik at tumalima. Nagtungo si Liam katabi ng iba pang kalalakihan na mukhang kasali rin sa laro. Nang sumigaw na iyong lalaking kanina ay nag-umpisa na sila sa pag-inom.
Ang mga katabi kong babae ay nagsisisigaw na rin. Nanatili naman akong tahimik habang pinapanood si Liam. Mabibilis ang kanyang paghigop sa sabaw ng buko. Natulala tuloy ako. Hindi ko rin naiwasang maramdaman ang kaba na sumisibol sa aking dibdib.
Nang pare-parehas na silang dalawa na lang ang natitirang buko ay mas umingay ang mga nanonood. Naisalikop ko ang aking dalawang kamay dahil sa kaba at antisipasyon.
Pumikit na lang ako upang hindi makita ang pagkatalo ni Liam. Ngunit nagkamali yata ako. Sa mas matinding sigawan ay naimulat ko ang aking mata. Nakita ko si Liam na nakangiti at para bang hingal na hingal.
Nakapako ang tingin niya sa akin kaya hindi na naman naiwasan ng puso ko ang mabilis na pagtibok.
Nilapitan siya ng lalaki kanina at tinaas ang kanang kamay ni Liam, "Ang panalo ay si hijong namiesta rito sa San Antonio!" Nagtawanan habang pumapalakpak ang mga tao sa paligid.
Napapalakpak na rin ako dahil sa tuwa. May binigay ang lalaki sa kanya na sumbrerong yari sa banig. Akma sanang tatanggapin iyon ni Liam ngunit agad na may binulong sa lalaki.
Mayamaya pa ay umalis ito at pagbalik ay ibang disenyo na ng sumbrero ang dala. Ngumiti si Liam sa lalaki at may sinabi muli. Matapos ay malaki ang ngiting lumapit siya sa akin.
"For you." Sinuot niya sa akin ang sumbrerong iyon. Inayos niya pa ito bago tuluyang inalis ang kamay.
"Don't lose it, Graziella. It's a gift." masinsin niyang sambit habang nakatitig sa akin.
Parang nanlambot ang aking mga tuhod at gusto ko na lamang matunaw dahil sa kanyang ginawa.
Bumilis na naman ang tibok ng aking puso sa hindi maipaliwanag na dahilan.
"Salamat, Liam..." Nginitian ko siya.
Bigla niyang kinurot ang aking pisngi na ikinagulat ko. "Cute. Come on. Let's go home."
Hinawakan niya ang aking palapulsuhan at hinila palayo roon. Ngayon ko lamang napansin na nag-aagaw na ang dilim at kulay kahel na ulap sa kalangitan.
Nang makapasok kaming dalawa sa sasakyan niya ay sinimulan niya na itong paandarin. Nanatili lamang ang tingin ko sa labas.
Tuluyan nang nilamon ng mga bituin ang kalangitan nang hininto ni Liam ang kotse sa gilid ng daan. Wala masyadong dumadaan na ibang sasakyan dito dahil mabangin.
Bumaba siya at umikot sa harap. Binuksan niya ang pinto sa aking tabi at tinulungan akong tanggalin ang nakakabit na harang sa aking harap. Inalalayan niya rin akong bumaba.
Namangha ako nang makita ang buong paligid. Kita ang mga ilaw sa ibaba na sa tingin ko ay nagmumula sa mga gusaling salamin ang dingding.
"This is my favorite spot everytime I'll go here in San Antonio," sambit niya nang mapatingin ako sa kanya.
Kumikislap sa mga mata niya ang ilaw na nagmumula sa ibaba. Mas maganda pa yatang tanawin ang nakikita ko sa kanyang mata.
Iniwas niya ang tingin sa harap at bumaling sa akin. "And I promised myself. Once I found her, I'll bring her here."
Tuluyan na siyang humarap sa akin at hinawakan ang aking kanang kamay. "Stay with me, Graziella."
KINAUMAGAHAN, naisipan kong pumunta sa Talon ng Langan. Nakarating ako roon sa pamamagitan lamang ng pag-langoy. Namangha ako sa aking nadatnan.
Bughaw na bughaw ang kulay ng tubig, halatang-halata na hindi pinababayaan ng mga sirenang naninirahan dito.
Napagdesisyonan kong maupo muna sa batuhan at pagmasdan ang paglagaslas ng tubig mula sa itaas. Napalitan ang tunog nito nang biglang may dumating na mga kabataan.
Maiingay ang mga ito at may dalang kung ano. Tahimik ko lamang silang pinagmasdan.
Subalit may lumapit sa akin na isang dalagita. "Hi po, ate! Kayo po ba ang caretaker nito? Pwede po bang mag-shoot kami? Saglit lang po."
Hindi ko man naintindihan ang kanyang sinabi ay tumango ako. Ngumiti siya sa akin nang malaki. "Salamat po!" Magiliw siyang bumalik sa mga kasama niya.
Hindi na rin ako nagtagal at bumalik na lang sa aking tinitirahan. Naghanap pa nga ako ng tagong pwesto upang makalangoy pabalik. Laking pasasalamat ko na may malapit na dagat sa bahay.
Lumipas ang maghapong nasa bahay lamang ako. Kinagabihan ay dumating si Liam at may dala muling pizza.
Kumuha ako ng isa at inalok siya. Tanging ngiti lang ang tugon niya sa akin. Pagkaupo niya'y binuksan niya ang tatlong butones ng kanyang suot. Prenteng nakasandal din sa upuan. Siguro'y upang magpahinga.
BINABASA MO ANG
Moonlit Night
Teen FictionSa bawat pagsapit ng kabilugan ng buwan ay kailangang mag-alay ng mga sirena ng buhay ng isang tao nang sa gayon ay magpatuloy ang kapayapaan ng karagatan. At ang pagsapit ng unang kabilugan ng buwan sa taong iyon ang nagpasimula ng lahat. [On-goin...