Kabanata 2

45 3 0
                                    

Naiwan ang batang si Keela sa kubo habang natutulog. Gabi na at nagpasya na kaming tatlo na magtungo sa kaharian.

Nang lumangoy na kami ay unti-unting nagpalit ang aming anyo. May pagkakataon pa ngang kumikinang ito sa tuwing tumatama ang liwanang ng bilog na buwan. Sa patuloy naming paglangoy ay natanaw na namin ang kaharian. Sumalubong din sa amin ang alaga kong dolphin na si Dori. Agad itong umikot sa amin na tuwang-tuwa pa.

"Iyan ba ang alaga mo, Graziella? Ang cute naman." masayang sambit ni Lara. Dahil doon ay sabay kaming napalingon ni inang Lucia sa kanya.

"Yes. She is." sagot din ni Inang sa wikang Ingles.

Tumawa si Lara sa sinabi ni inang, "Ikaw din, Graziella. Magsalita ka sa wikang Ingles. Bibihira lamang kitang marinig."

"Ayoko." sumimangot ako. Bukod sa ayoko, ay ayoko talaga. Dati pa ay pinipilit nila ako pero tumatanggi ako. Hindi ko alam kung bakit, basta ayoko lang.

Magkakasabay kaming pumasok sa kaharian, yumuko ang mga taga-pagbantay sa entrada nang makita ang dalawang pinunong kasama ko. "Maligayang pagbabalik po, Inang Lucia at Inang Lara!"

"Hindi naman ako gano'n katanda parang tawagin na inang." Hindi nakatakas sa pandinig ko ang inis sa boses ni Lara. Natawa tuloy ako maging si Inang Lucia.

"Iyon ang patakaran, Inang Lara." pagbibiro ko pa.

"Marinig pa kitang tawagin ako ng ganyan ay kalilimutan kong kaibigan kita." sikmat niya sa akin bago nauna sa amin ni inang Lucia na lumangoy.

Napa-iling si inang Lucia samantalang pumahaw sa lakas ang aking tawa.


Naabutan naming ni inang si Lara na nakayakap na sa kanyang kapatid na si inang Lima at sa kanyang ina na si dyosang Aman Sinaya. Nagtungo na rin doon si inang Lucia at nakisalo. Napansin ako ni dyosang Aman Sinaya kaya umusal siya sa akin ng munting pasasalamat aking tinugunan ng walang anuman. Masaya ring inanunsyo ng dyosa na ang kanyang anak na si Lara ang mag-aalay sa buwan mayamaya lamang. Napuno ng masigabong palakpakan ang buong kaharian.

Malapit ng maghating-gabi kaya umahon na kami sa karagatan. Nang may makitang sasakyan pangdagat si Lara ay nagtungo siya roon at nagsimulang kumanta. Ilang sandal pa ay may lalaking naglakad palabas mula sa loob nito at walang atubiling tumalon sa karagatan.

Ipinulupot agad ni Lara ang kanyang mahabang buhok sa katawan ng nilalang at hinarap sa buwan. Unti-unting naging abo ang katawan nito hanggang sa tuluyang naglaho at tinangay ng hangin patungo sa kaitaasan.

Ang ibang sirena ay lumangoy na pabalik sa kaharian maging ang mga pinuno. Akma na rin sana akong tatalikod ngunit pumukaw ng aking pansin ang tatlong taong sumilip mula sa yate. Nang tingnan ko sila ay nakasilip sila sa karagatan na para bang may hinahanap.

At sa hindi inaasahan, natuon ang aking mga mata sa isang binatang naroon. Maaari bang mabighani ako sa mukha ng isang tao?

Nang makabalik sa kaharian ay sinantabi ko sa aking isipan ang nakita ko kanina. Nagkakasiyahan na sila at naroon na rin si dyosang Mayari. Parang may kung anong puti ang nakapalibot sa kanya. Siguro ay para makahinga siya kahit nasa ilalim ng karagatan.

Bumati na sila sa kanya kaya lumapit na rin ako at nagsabi ng maiksing pagbati. Matapos niyon ay nakita ko si Dori, aking alaga, na naghihintay. Nilapitan ko siya at hinimas-himas ang katawan nito.

Lumangoy kami palayo sa sentro. Tumigil lamang kami sa kumpol ng halamang-dagat. Kumuha agad ako at kumain.

Nang mapatingin ako kay Dori ay may namutawi sa aking bibig na hindi ko inaasahan, "Dori, alam mo bang may nakita akong nilalang kanina. Pambihira nga da—"

Napatigil ako sa pagsasalita nang may naramdamang nakatingin sa amin. Maging si Dori ay mas lumapit sa akin at ikiniling ang ulo sa gawing kaliwa niya.

Sinundan ko iyon ng tingin at tama nga ang aking hinala. May pating doon na nakatitig sa aming dalawa

Dumagundong ang tibok ng aking puso. Lumingon ako kay Dori, at parang alam niya ang ibig kong sabihin.

Madali kaming lumangoy pabalik sa kaharian. Nakasunod na rin sa amin ang pating. Ayoko pang mamatay ng dahil lamang sa kinain ako ng pating. Nais ko ng makabuluhang pagpanaw kung sakali, hindi sa ganitong paraan.

Malapit na kami sa kaharian at sobrang tuwa ang nanaig sa akin nang sumalubong sa amin si Lara. Agad kaming nagtago ni Dori sa kanyang likuran. Kumapit pa nga ako sa kanyang braso.

Napatigil din ang paghabol ng pating sa amin. Sumusuko itong umalis dahil nakita niya si Lara. Doon lamang ako nakahinga ng may kaluwagan.

Habol ko pa rin ang hininga nang balingan ako ni Lara, "S-salamat... Lara..."

"Kung...h-hindi dahil sa.... iyo..." nagpakawala muna ako ng malalim na hininga, "b-baka... naging hapunan n-na kami..."

Labis-labis ang aking pagsasalamat. Muntik na talaga iyon!

"Hay nako, Graziella." umiling-iling siya. Napatingin din siya sa alaga ko. Lumambot ang kanyang ekspresyon.

Ang daya naman! Sa akin ay parang galit siya, pero kay Dori ay hindi. Nakapapanibugho!

"Nga pala.." sumaya ang kanyang tinig na siyang nagpaliwanag ng aking mukha.

"Nais kong sumama ka sa akin sa pagbalik sa lupa."

Napakurap ako ng ilang beses at hindi makapaniwalang tiningnan siya. Totoo ba ang kanyang sinabi?

Sa pagkaka-alam ko ay hindi maaaring magtungo sa mundo ng mga tao ng walang dahilan. Nakagugulat naman kung bigla siyang magsasabi ng ganoon.

Agad akong napasimangot, "Huwag mo nga akong biruin, Lara."

Akma na sana akong lalangoy palayo nang marinig ko ang kanyang boses, "Hindi ako nagbibiro, Graziella. Tunay ang aking sinasabi. May pahintulot iyon ni ina."

Sa huli niyang sabi ay gulat napalingon ako sa kanya, "Paano?" paghahamon ko pa.

"Simple lang. Ang ani ko ay gusto kitang makasama. At ayon, siya'y pumayag!"

Ngumiti na rin ako sa kanyang tinuran. May pagkakataon akong muli para tuklasin ang mundo ng mga tao, panibagong karanasan na naman. Hindi ko sasayangin iyon.

Matapos ang pintakasing iyon ay magkakasabay kaming tatlo nina Inang Lucia at Lara na bumalik sa lupa. Iba ang tinahak ni Inang Lucia, samantalang kami ni Lara ay patungong Barrio de la Cruz.

Habang lumalangoy ay nabanggit sa akin ni Lara ang tungkol sa kanyang tinutuluyan kaya nalaman ko ang lugar na iyon.

Nadatnan namin ang batang si Keela na gising na at nakatanaw sa bintana, hinihintay kami. Malayo pa lamang ay nakita ko na ang malawak na ngiti niya.

Pagpasok namin sa loob ay may pandesal na sa mesa.

"Ate Lara, ate Graziella, bumili na po ako ng pandesal! Kain na po tayo!" hinawakan niya ang kamay naming dalawa ni Lara.

Siguro ay masasanay rin ako sa kanya sakalaunan. Katulad dati.

Moonlit NightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon