Kabanata 3

36 4 0
                                    

Lumipas ang dalawang araw. Hapon na ngayon at naghahanda ng hapunan si Lara para kay Keela.

"Ate Lara, may fireworks daw po talaga mamaya. Nood tayo, please? Sama po natin si Ate Graziella." nagpapaawa nitong sabi kay Lara. Kanina niya pa ito sinasabi kay Lara ngunit hindi siya pinapansin at laging sinasabi na maglaro na lang.

Kanina pa nga rin ako naiirita dahil paulit-ulit si Keela. Napatingin ako kay Lara na sumusukong tiningnan ang bata.

Bumuntong-hininga siya, "Oo na, oo na. Sige na... kumain ka na muna rito. Ubusin mo itong gulay at isasama ko rin si Graziella."

"Yehey! Ate Graziella! Kasama ka raw! Manonood daw tayo! Yes!" naghuhumiyaw niyang sabi habang masayang nakatingin sa akin. Napangiti na lang din ako. Nakakatuwa ang batang ito kahit na minsan ay napaka-kulit.

Hindi binigo ni Lara ang sinabi niya kay Keela. Kaya heto kami ngayon, nakaupo sa mataas na bato na ang sabi ni Keela ay breakwater raw. Mula dito sa taas ay humahampas ang alon sa pader na bato sa ibaba na naglilikha ng ingay.

May mangilan-ngilan ding tao ang nakaupo rito. Katulad namin ay naghihintay rin sila sa fireworks na kanilang sinasabi.

Sa pagkakaalam ko, ang fireworks ay paputok na nagdudulot ng magandang liwanag sa kalangitan. Mainam itong panoorin kapag gabi. At ngayon lamang ako makakasaksi noon kaya hindi na rin masama ang pagsama ko rito.

Ilang minuto pa ay nagsimula na ang palabas. Nagmumula ang liwanag sa kabilang isla. Habang nakatutok ang iba sa panonood ay napansin ko ang isang yateng dadaong sa medyo kalayuan.

Iyon ang yate kagabi na nasa gitna ng karagatan, kung saan nanggaling ang aming inalay.

Nagawi ang tingin ko kay Lara na nakatingin lamang sa pailaw. Mukhang hindi niya napansin ang yate. Napapagitnaan namin si Keela kaya pinagsawalang-bahala ko na lang din.

Mayamaya pa ay biglang nagsalita si Lara, "Anong problema, Graziella?"

Sasagot na sana ako kaso biglang tumayo si Keela.

"Ang ganda! Kahit saglit lang! Ang ganda-ganda talaga, Ate Lara! Thank you kasi pumayag ka!" tuwang-tuwa niyang sambit at yumakap kay Lara. Napangiti ang kaibigan ko.

"Balik ka na sa kubo. Mag-ingat sa pagbaba dyan sa hagdan."

Tumango si Keela at humalik sa pisngi. Matapos kay Lara ay nagulat ako dahil sa akin niya iyon sunod na ginawa bago siya tuluyang umalis.

Hindi ko agad nabawi ang gulat sa aking mukha na sanhi ng pagtawa ni Lara. Sinamaan ko lamang siya ng tingin at napabaling muli sa yate na ngayon ay tuluyan nang nakadaong.

"Ang may-ari ng yateng iyon ay ang lalaking inalay natin kagabi..." aniya. Napatingin ako sa buwang kumikinang ang liwanag.

"Nakatira din siya rito sa barrio, ngunit nasa kabila ang bahay niya. Nagulat ako kagabi... sa pagkakaalam ko ay hindi siya. Ngunit bakit kaya nagka-ganoon?" napatingin ako sa huli niyang sinabi.

"Anong ibig mong sabihin, Lara?" nagtama ang aming paningin. Nakikita ko ang liwanag ng buwan sa kanyang mga mata.

Imbes na sagutin ay bumuntong-hininga siya at umiling-iling sabay iwas ng tingin. Naguluhan tuloy ako sa kanyang inasta.

Kahit na gusto ko pang magtanong ay pinili ko na lamang manahimik. Hindi ko dapat iniisip ang tungkol sa mga bagay na iyon. Ang mangyayari ay mangyayari. Subalit kung hindi nga iyon ang naka-takda, bakit ganoon?

Napa-iling at napangisi ako sa aking sarili. Kasasabi ko lamang na hindi ko iisipin 'yon, e.

Bumalik na kaming dalawa ni Lara sa kubo. Nadatnan namin si Keela na mahimbing nang natutulog.

Moonlit NightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon