KANINA pang pasinghot-singhot si Mela nang magsimula ang seremonya ng kasal ng kaibigan niyang si Genel at Earl. Masayang-masaya siya para sa dalawa pero hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit naiiyak siya. Ah, siguro nake-carried away lang siya sa sobrang solemn at blissful ng kasal.
"Kung sino man sa inyong mga naririto ngayon ang tumututol sa kasalang ito nina Earl at Genel, speak now or forever hold your peace..."
Nagpalinga-linga siya sa kabuuan ng simbahan, walang kahit sino man ang mukhang tumututol sa kasalang iyon. Handa na ang pari na magpatuloy ang seremonya nang biglang may tumayo sa hilera nila, si Abby iyon. Nagulat silang lahat at nag-umpisang umugong ang bulungan ng mga tao sa loob ng simbahan.
"Hija?" untag ng pari kay Abby.
"Tets?" puno ng pagtatakang tanong ni Genel dito.
"I didn't say anything," wika ni Abby na parang wala lang ang nangyari. Sa hitsura ng dalaga ay mukha lang itong tinawag ng teacher para sa isang recitation.
"Tumayo ka, nagtatanong 'yong pari kung may tumututol sa kasal." Tinampal ni Pau sa braso si Abby.
"Tumayo lang ako dahil pupunta ako sa CR. I need to pee."
Sukat nagtawanan ang mga bisita nang marinig ang sinabing iyon ng dalaga. Natatawang napailing na lang siya nang ipagpatuloy ng pari ang kasal.
Sa isang garden resort ginanap ang reception. Hanggang sa table magkakasama silang magkakaibigan. Hindi nga lang nila kasama roon si Genel dahil siyempre ito ang bride. Pero ngayon ay kasama naman nila roon ang mga nobyo nina Sia at Pau na wala na yatang balak pakawalan ang mga kaibigan niya. Kung makalingkis akala mo ay linta.
"Ang epic talaga ang pagtayo kanina nitong si Abby sa simbahan," wika ni Pau nang makabalik ito sa table bitbit ang isang pinggan ng dessert.
"Aba, ihing-ihi na kaya ako kanina. Ano naman ang gusto mong gawin ko, doon ako gumawa ng lawa?" nakataas ang kilay na buwelta ni Abby.
"Eh, bakit hindi ka muna umihi bago nag-umpisa ang kasal? Timing pa talaga na naihi ka noong nagtanong—"
"Pantog ko 'to, ano bang pakialam mo? May sarili kang pantog kaya 'yan ang intindihin mo," putol ni Abby sa sinasabi ng dalaga.
"Tigil!" Itinaas ni Mela ang dalawang kamay. Siya ang naririndi sa dalawa dahil napanggitnaan siya ng mga ito. "Nasaan tayo, kids? Mahiya naman kayo, ang daming taong makakakita sa inyo. Hindi n'yo na rin dapat pang pagtalunan 'yon dahil tapos na, nangyari na. Saka wala namang negative outcome, 'di ba? Natuloy ang kasal nina Earl at Genel."
Natahimik ang mga kasama niya sa table at matamang nakatitig lang sa kanya. Hindi maintindihan ni Mela kung ano ang mali sa mga nasabi niya para pagkatitigan siya ng mga ito ng tulad noon.
"B-bakit?" mayamaya ay tanong niya sa mga ito.
"Masyado mo naman kasing sineryoso kaagad hindi pa naman nagsasabunutan itong sina Abby at Pau." Napailing si Sia. "Always the peace keeper."
"Oo nga, hindi pa rin talaga nagbabago itong si Mela." Si Ruen iyon. "Kung ano siya noong high school pa tayo, gano'n pa rin siya ngayon. Actually, sa inyong lima siya lang ang mukhang matino."
Pinamulahan ng mukha si Mela sa sinabing iyon ni Ruen. Napatanong na lang siya sa sarili, Wala ba talagang nagbago sa 'kin?
"Hindi ko nga rin alam kung bakit naging kaibigan ko ang mga 'yan, eh!" biro niya. "Ako lang naman ang matino sa aming lima."
"Mas lamang lang ang pagiging mabait mo," sabi naman ni Pau. "Pero subukan mong ma-in love, ewan ko lang kung manatili ka pang matino!"
Sasagot pa sana si Mela kaya lang ay hindi natuloy nang magsalita ang emcee.
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 4: Best Mistake
RomanceNagalit si Mela at bumanat nang layas sa bahay nila nang malamang ipapakasal siya ng ama sa lalaking ni hindi niya kilala. Marriage is sacred, she must marry for love. One day, she met Van-the man who stole her heart and captivated her soul. Natagpu...