Chapter 4

4.6K 53 0
                                    

MAGANDA ang gising ni Mela nang umagang iyon kaya naman pakanta-kanta pa siya habang nagtitimpla ng kape. Kahapon pagkagaling niya sa restaurant ni Ruen parang nakalutang ang mga paa niya dahil sa wakas magkakaroon na siya ng trabaho. Magtatayo ng café si Ruen at inalok siya ng lalaking maging business partner, kinagat niya iyon. Bukod sa pagiging partners siya rin ang pinamamahala ni Ruen ng café. Sa ngayon naghahanap pa sila ng magandang spot at kapag nakatagpo na sila magsisimula na ang business na matagal na niyang pangarap.

Hindi pa rin siya pinababayaan ng langit. Mahal pa rin siya ni Lord kahit lumayas siya sa kanila. Gumamit si Lord ng taong tutulong sa kanya para matupad ang pangarap niyang café.

Bitbit ang mug ng umuusok na kape lumabas si Mela ng bahay. Naisip niyang sa may porch magkape, may duyan doon at masarap ang klima kapag ganoong umaga at nalalapit na ang pasko. Iyong hindi mo na kailangang magpunta ng Tagaytay o Baguio para maka-experience ng lamig. Dinala rin niya ang librong nakapatong sa estante na inumpisahang basahin ilang araw na ang nakakaraan. Kagaya ng mga kaibigang si Sia at Genel, mahilig din siyang magbasa. Ang kaibahan nga lang ng dalawa sa kanya, adik ang mga ito at parang hindi kayang mabuhay kung wala ang libro. Samantalang siya, nagbabasa lang kapag gusto niyang palayain ang isip sa maraming stress ng buhay o kaya naman ay hindi makatulog.

Ibinaba niya ang mug sa bangko at humiga sa duyan. Nang maayos na ang pagkakahiga, binuksan niya ang libro para magbasa. Ngunit nang magawi ang tingin niya sa kabila ng mababang bakod, natanaw niya si Van. Hawak nito ang hose at dinidiligan ang mga halaman sa munting garden sa harap ng apartment nito. At ang tinamaan ng lintik nakahubad-baro na naman! Napakasama ng ugali ng binata, iyon na ang pangalawang beses na tinuruan siya nitong maging manyak na kagaya nito! Hindi niya maintindihan kung bakit kahit gustuhin niyang magbawi ng tingin mula sa ma-muscle nitong katawan ay hindi niya magawa. It was like she was hypnotize.

Lumingon ito sa direksiyon ni Mela. Gusto niyang bumuka ang lupa at lamunin na siya sa labis na pagkapahiya! Dang, nahuli siya nitong nakatitig sa abs nito! Pasimple siyang nagyuko at kunwari ay abala sa kanyang binabasa kahit hindi naman na talaga niya maintindihan iyon dahil sa walang habas na pagkabog ng puso niya. Ngayon lang nangyari sa kanya ang ganoon at ang lahat ng iyon ay dahil sa kagagawan ng pesteng kapitbahay niya! Ipa-salvage kaya niya ito? Aww... sayang naman ang abs!

"Good morning, Melanie!" wika ni Van sa malakas na boses.

Sa sulok ng kanyang mga mata nakita niyang napatingin sa kanila ang mga dumadaan sa kalsada. Peste! Bakit kasi bansot ang gate at bakod ng apartment na iyon at hindi matayog? Iyong tipong maski ang bubong ng apartment ay hindi matatanaw kapag nasa labas. Nagbaling siya kay Van na ngayon ay malapit na sa bakod, hawak pa rin ang hose pero wala na ang atensiyon nito sa dinidiligan, nasa kanya na.

Bahagyang basa ang katawan ng binata at animo kumikinang iyon kapag tinatamaan ng sikat ng araw. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa pawis o nabasa dahil sa pagdidilig. Ang alam lang ni Mela nag-uumpisa nang lumutin ang kanyang utak dahil doon!

"Kumusta ang gripo mo?"

Napataas ang kilay niya sa tanong nito. "Kinukumusta ba talaga dapat ang gripo?"

"Ah, ikaw kumusta ka na?" Ngumiti ito, iyong ngiting aabot yata hanggang sa langit.

Shit! Hayun na naman ang ngiti ni Van! Nagkikisay ang mga alaga niyang paniki sa tiyan. Hindi na naman siya mapakaling bigla.

Sana pala hindi kape at libro ang binitbit ni Mela palabas kundi isang bandehado ng kanin dahil may masarap na tanawing puwedeng ulamin sa kabila ng bakod! Ipinilig niya ang ulo nang mapagtanto kung gaano kahalay ang itinatakbo ng isip niya. Oh, no! Hindi maaari iyon. She was an epitome of wholesomess, 'ika nga ng mga kaibigan niya. Nakilala lang ni Mela ang damuhong si Van nag-umpisa nang maging malumot ang utak niya. No, no, no, no way! Dapat niyang palisin ang lumot na iyon sa kanyang utak. Hindi puwede! Pangit! Masama! Masama si Van para sa kalusugan niya. Kung bakit naman kasi sa dinami-rami ng apartment na puwede nitong upahan doon pa ito napadpad? Teka, hind kaya sinusundan siya ng lalaki? It couldn't be. Ano naman ang rason ni Van para sundan siya nito?

Chasing Hearts 4: Best MistakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon