Chapter 8

3.8K 53 0
                                    

MAGANDA pa sa kanya ang naging gising ni Mela nang umagang iyon, iyon lang ang kaya niyang tanggapin na mas maganda kaysa sa kanya. Paano ba namang hindi gaganda ang umaga niya? Maging sa panaginip kasama pa niya si Van. Akala pa nga niya ay tunay na tunay na ang nangyayari lalo na nang halikan ng binata ang kanyang mga labi. Pero nang marinig niya ang pagtunog ng cellphone ay naputol na ang pantasya niya at naniwalang panaginip lang ang lahat. Pesteng alarm lang din, hindi ba? Naninira ng pantasya!

Nagluto siya ng aroz caldo nang umagang iyon. Pinasobrahan pa talaga niya ang niluto para mabigyan si Van. Ipinaglagay niya ang binata ng aroz caldo sa isang bowl. Bitbit na niya iyon at papalabas na siya ng apartment nang bigla niyang maalala ang hitsura. Bigla siyang nawalan ng tiwala sa natural niyang kagandahan kaya ibinaba niya ang bowl sa mesa at nagtatakbo papasok ng kanyang kuwarto.

Napangiwi siya nang makita ang repleksiyon sa salamin. Napakaputla pala ng kanyang mukha at medyo magulo na rin ang pagkakapusod ng buhok niya. Kinuha niya ang makeup kit sa bag at nagpahid ng pressed powder at kaunting blush on. Naglagay din siya ng lipstick sa kanyang mga labi. Inalis niya ang tali ng buhok at sinuklay iyon. Hinayaan na lang niyang nakalugay ang buhok, tutal mas bagay naman sa kanya ang ganoong ayos. Nang makontento sa hitsura ng mukha, ang damit naman ang pinagdiskitahan niya. Walang dating ang suot niyang leggings at mahabang t-shirt. Pinalitan niya iyon ng shorts at polo shirt. Nag-pose pa siya na parang model sa harap ng salamin at nagpaikot-ikot.

"Shucks, kaganda ko nga naman talaga!" puri niya sa sarili at tinapik-tapik pa ang mga pisngi.

Eh, ano naman ang nakain mo at biglang naglulumandi ka na?

Natigilan si Mela nang marinig ang munting tinig na iyon sa isip niya. Konsensiya ba niya iyon? Ah, hindi. Ang inner goddess niya iyon sa malamang.

Napatanong na rin siya sa sarili kung para saan ang ginagawa niya?

To look presentable, naman!

Napangiwi siya nang maisip na para na siyang baliw na tinatanong ang sarili pagkatapos ay siya ang nasagot sa tanong. Naligo lang sila ni Van sa ulan kagabi ganoon na kaagad ang epekto sa kanya. Ah, hindi na siguro talaga maganda ang paliligo sa ulan ngayon dahil sa global warming! Ano ba talaga ang konek? Hindi niya alam! Walang mapapala kung kakausapin ang sarili kaya lipad na sa kapitbahay! Mas tama iyon, may ligayang kaakibat. Tama?

Right!

At tumawid na nga si Mela papunta sa apartment unit ni Van. Dahil hindi naman siya kasing astig ng binata na kering sumampa sa bakod anytime, ginamit niya ang gate. Nasa harap na siya ng gate ni Van ngayon at kinakalampag iyon.

"Van! Van!" Sumilip-silip pa siya sa loob ng bahay, wala naman siyang makita kung may tao sa loob dahil natatabingan ng makakapal na kurtina ang loob. "Van, nandiyan ka ba?"

Mga ilang sandali pa ang lumipas at walang lumalabas na Van. Naroon ang kotse nito kaya malamang na hindi umalis ang binata. Araw din ng Linggo noon kaya wala itong pasok sa opisina. Sa inip niya, napagdesisyunan na niyang mag-over the bakod. Siguro kaya hindi siya malabas ng binata dahil masarap pa ang tulog nito. Ipinatong niya ang dalang bowl sa simentadong bakod, nang masigurong stable ang lagay niyon lumiban siya sa bakod malayo ang distansiya sa bowl.

Hihinga-hinga pa siya nang makatawid, hindi biro ang ginawa niya kahit pa sabihing hanggang baywang lang ang taas ng bakod. Kulang pa naman siya sa exercise nitong mga nakalipas na araw. Nagpagpag si Mela ng kamay bago kinuha ang bowl ng aroz caldo. Ewan ba niya kung bakit parang nakarinig siya ng bulong na lingunin ang gate. Lumingon nga naman siya at napamura sa isip nang makitang hindi naman naka-padlock ang gate. Peste! Kung alam lang niya hindi na siya magpapakahirap na mangakyat makaliban lang! Napawisan pa tuloy siya! Paano na lang kung malanghap ni Van na maasim-asim ang amoy niya? Jusko bawas ganda points pa iyon! Ngayon pa naman na inilaladlad na niya ang kagandahan at pinapalaya na sa comfort zone ang puso niya.

Chasing Hearts 4: Best MistakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon