NAKA-SURVIVE siyang mabuhay na mag-isa sa loob ng mahigit isang linggo, sa palagay ni Mela kaya na talaga niyang bumukod sa kanyang mga magulang. Ang isa na lang sa pinoproblema niya ay ang trabaho. Sa loob ng mahigit isang linggo ay wala rin siyang tigil sa paghahanap pero mailap ang suwerte sa kanya. Sa dami na ng graduates sa linyang hotel services ang laki na ng kompetisyon sa trabaho. Bumabaha ang mga aplikante pero kulang at kulang ang mga job opportunity. Karamihan ay nangingibang bansa na. Pero si Mela, hindi na niya gusto ang ideya ng pagtatrabaho sa ibang bansa.
"Mabuti ka pa nga, eh. Paupo-upo, panganga-nganga lang pero kumikita ng salapi. Magsulat na rin kaya ako?"
Kausap niya si Sia sa cellphone nang mga oras na iyon. Palaging tumatawag sa kanya ang kaibigan para kumustahin siya, three times a day iyon na parang maintenance na gamot. Tinatanong siya nito kung kumakain ba siya sa tamang oras at marami pang kung anong tanong na maiisipan lang itanong ng isang nanay. Hindi naman siya napapraning sa ginagawang iyon ni Sia, ang totoo touched pa nga siya.
"O, eh, di magsulat ka. Wala namang pumipigil sa 'yo." Narinig niya ang pagngasab nito sa kabilang linya. Nanginginain na naman ang bruha.
"Wala ka na yatang pakikipag-usap sa 'kin na hindi ko naririnig na ngumangasab ka. Iyong totoo, naglilihi ka ba?" biro niya.
"Hindi pa kami nagme-make love ni Ruen. No labing-labing muna hangga't hindi pa kami naikakasal pero madalas kaming mag-make out. Hindi naman nakakabuntis 'yon, you know. So hindi pa ako naglilihi."
"Sia!" Heck, nangapal yata ang ulo ni Mela sa mga pinagsasabi ng kaibigan niya.
Hindi naman sa nag-iinarte siya pero mahina ang sikmura niya sa mga ganoong klase ng usapan. Naiilang siya at...
"Sus naman, kapag nagka-boylet ka naman, Tets, pagdadaanan mo rin ang gano'n. Baka nga gawin mo pang bitamina, eh." Humaglpak ito ng tawa. "Ay, sorry! Muntik na 'kong makalimot na tatanda ka nga palang dalaga!"
"Tseh! Ang sama ng ugali mo!"
"Eh, kung magpapakasal ka sa lalaking inirereto ng parents mo hindi ka na magiging matandang dalaga."
Umasim ang mukha niya nang maalala na naman ang tungkol doon. Medyo nalilimutan na nga niya ang tungkol sa arrange marriage na iyon dahil okupado ng paghahanap ng trabaho ang isip niya. "Sige, ipaalala mo pa."
"Hoy... joke lang 'yon, Tets..." Tumigil na ito sa pagtawa at naging seryoso na. "Bati na tayo, ha?"
"Oo na, I forgive you. Basta dalhan mo 'ko uli ng supply sa isang araw."
"Sure!"
"O, sige na at maghuhugas pa ako." Nang magpaalam ito sa kanya pinutol na niya ang tawag. Shoot sa bulsa ang cellphone niya.
Iniwan ni Mela ang sofa at nagtungo sa kusina. Kagabi pa siyang hindi naghuhugas ng mga pinggan dahil tinamad siya, paano pagod na pagod siya sa maghapong paglalamyerda sa siyudad para maghanap ng trabaho. Hayun tuloy at natambakan siya. Mabuti na lang at hindi natunugan ng mga ipis ang tambak niyang hugasin. Binuksan niya ang gripo, masyadong malakas ang tulo ng tubig kaya nagpasya siyang hinaan iyon. Pero nang pihitin niyang muli ay napunggal ang pihitan ng gripo, gawa lang kasi sa plastic iyon at mukhang napalakas ang puwersa ng kamay niya.
"Ay!" Sinubukan niyang pihitin pasara ang gripo gamit ang dalawang kamay kahit naputol na ang pihitan niyon, pero hindi talaga umubra.
Nag-umpisa na ring magsanaw sa kusina niya dahil sa pagtibalsik ng tubig na tumatama sa mga pinggang nakatambak sa lababo. Dali-dali niya iyong inalis, nilatagan ng basahan ang lababo para agapan ang pagtalsik ng tubig. Napakamot siya sa ulo. Hindi siya maalam mag-ayos ng gripo.
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 4: Best Mistake
RomanceNagalit si Mela at bumanat nang layas sa bahay nila nang malamang ipapakasal siya ng ama sa lalaking ni hindi niya kilala. Marriage is sacred, she must marry for love. One day, she met Van-the man who stole her heart and captivated her soul. Natagpu...