APEKTADO pa rin si Mela sa kuwento ni Lola Merlinda kaya nang matapos ang pag-uusap nila lutang ang isip niya. Nang matapos sila at nagliligpit na muntik nang masagi ang ulo niya ng mesang sunong-sunong ng mga staff nang dumaan iyon sa tabi niya. Mabuti na lang at may kamay na humila sa kanya. Sumubsob ang kanyang mukha sa malapad at mabangong dibdib na napag-alaman niyang pagmamay-ari ni Van. Sinalubong niya ang titig nito, puno ng pag-aalala ang mga mata.
"Muntik ka na roon, ah. Okay ka lang ba?" tanong nito. Banayad pang hinaplos ang pisngi niya. May bahid din ng labis na pag-aalala ang guwapong mukha ng binata. She was moved.
"Y-yeah... masyado lang siguro akong napagod sa mga ginawa natin maghapon. Don't worry, I'll be fine."
Iginiya siya nito paupo sa isang silya at pagkatapos ay nagpaalam. Pagbalik ni Van may dala na itong isang baso ng inumin.
"Here, uminom ka muna."
Tinanggap niya ang baso pero hindi nito iyon binitiwan. Inalalayan nito ang pag-inom niya. Sa simpleng pagdidikit na iyon ng kanilang mga kamay nakaramdam na naman si Mela ng kakaibang kiliti na nanulay sa kanyang sistema. Ang nakakatuwa pa, imbes na magulo ang sistema niya kumalma pa iyon dahil doon.
"Thanks..."
Bumuka ang bibig ni Van, mukhang may sasabihin pero hindi natuloy nang biglang umeksena si Sia.
"Naikarga na ang lahat sa mga sasakyan, kayo na lang ang hinihintay at aalis na."
Nakakunot ang noong nagbaling ng tingin si Mela sa kaibigan.
"O, hindi naman kayo sa amin sasabay kaya bakit n'yo pa kami hinihintay?"
"Sa van na kami sasakay. Wala na kasing babantayan sa kabilang sasakyan, wala ng matatapong ulam." Ngumisi ito. "Uwing-uwi na ako kaya tayo na."
Hinila siya ni Abby patayo at kinaladkad palabas ng shelter. Tatawa-tawa lang na nakasunod sa kanila si Van. Pagdating sa labas ay naroon ang mga staff na panay ang pasasalamat sa kanila. Matapos magpaalam sa mga ito, isa-isa silang sumakay ng sasakyan.
"Ihahatid ba natin ang mga kaibigan mo sa mga bahay nila?" tanong ni Van nang malapit na sila sa city proper.
"Naku, hindi na. Basta doon n'yo na lang ako ibaba sa may high-way, Van." Si Abby iyon na nasa likuran lang ni Mela. "Baka hindi na kayo makauwi kung ihahatid mo pa kami."
"Ako na lang ang ihatid n'yo pauwi gawa nitong mga dala-dalahan ko," sabi naman ni Pau.
Inihatid nila si Abby sa may high-way kung saan madali itong nakasakay pauwi sa bahay nito. Tanging si Pau na lang na ihahatid nila ang naiwan. Malapit lang naman doon ang bahay nito.
"Oo nga pala, maalala ko. Hindi pa nga pala kita nasasabihan, Mela." Kinulbit siya ni Pau, lumingon siya sa likuran.
"Nasasabihan na?"
"May dinner sa bahay sa isang araw, engagement celebration namin ni Wilmer. Punta ka, ha?"
"Oh... sure. Congratulations sa inyo ni Wilmer!"
"Thanks! And oh... pumunta ka na may kasamang date, okay?"
"Date?" Ibig maghisterya ni Mela sa sinabi nito. "Alam mo naman na wala akong boyfriend. Ano na namang kalokohan 'yan, Tets?"
"Kahit na wala kang boyfriend, maghanap ka na lang ng makakasama mo. Bawal magpunta ng nag-iisa, kailangan couple!"
"Para naman saan?" malalim ang kunot sa noong tanong niya.
"Sarili kong pamahiin, bawal ang single sa engagement celebration namin ni Wilmer. Aba, mahirap na at baka mausog pa ang kasal namin, ano?"
"Wala naman akong maisasama, kung ayaw mong magkaroon ng bisitang single ang maigi pa 'wag na lang akong pumunta."
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 4: Best Mistake
RomanceNagalit si Mela at bumanat nang layas sa bahay nila nang malamang ipapakasal siya ng ama sa lalaking ni hindi niya kilala. Marriage is sacred, she must marry for love. One day, she met Van-the man who stole her heart and captivated her soul. Natagpu...