PAGSAPIT ng Sabado ng gabi ay nagpaalam muna si Faith kay Angelo dahil sa pupunta siya sa inihandang bridal shower ng malalapit niyang kaibigan para sa kaniya. Sa isang mamahaling hotel iyon gaganapin. Naka-check in na raw ang mga kaibigan niya doon at siya na lang ang hinihintay.
“Mag-iingat ka doon, babe. Update mo na lang ako kung pauwi ka na para masundo kita. Okay?” ani Angelo nang papaalis na siya at inihahatid na siya nito sa may gate.
“Oo naman. Iu-update kita. After naman ng bridal shower ay uuwi na rin agad ako.”
“Ayaw mo ba talagang magpahatid doon, babe?”
Tinapunan niya ng ngiti ang nobyo. Kinikilig pa rin talaga siya hanggang ngayon dahil labis pa rin ang pag-aalala nito sa kaniya. “Hindi na. Nag-book na ako ng sasakyan ko, e. Saka para naman makapagpahinga ka muna. Ihahatid mo ako tapos uuwi ka then babalik ka na naman doon para sunduin ako…”
“Pwede naman kitang hintayin sa labas ng hotel or I’ll go somewhere else na malapit lang sa hotel na iyon.”
“Babe, okay lang ako. At huwag kang mag-alala. Behave ako. Puro kami babae doon.”
Huminga nang malalim si Angelo. Huminto sila nang nasa labas na sila ng gate. “Okay, sige na nga. Basta enjoy ka lang doon, ha. I love you, babe!” Ginawaran siya ni Angelo ng isang mabilis na halik sa labi.
“I love you too…” aniya at umalis na siya. Nilingon niya si Angelo at nang makita niyang inihahatid siya nito ng tanaw ay kumaway siya dito sabay flying kiss.
-----ooo-----
KUNG si Angelo lang sana ang masusunod ay hindi na niya papayagan na pumunta si Faith sa bridal shower na iyon. Hindi dahil sa kinakabahan siya sa pwedeng mangyari doon dahil baka kumuha ng lalaki ang mga kaibigan nito pero dahil sa may kakaiba siyang nararamdaman simula pa kaninang umaga. Isang pakiramdam na hindi niya maintindihan kung saan nanggagaling. Para kasing may hindi mangyayaring maganda sa bridal shower na iyon kaya pinipilit niyang sumama na lang kay Faith. Ngunit hindi niya ito napilit na sumama siya. Mag-isa itong umalis.
Hindi naman pwedeng hindi niya ito payagan dahil nakapaghanda na ang mga kaibigan nito. Isa pa, ayaw naman niyang ipagkait kay Faith ang maranasan ang ganoong experience bago pa sila ikasal. Isang beses lang naman ang bridal shower sa buhay ng kaniyang mapapangasawa.
Nang lumiko na si Faith palabas ng subdivision kung saan naroon ang kanilang tinitirahan na apartment ay saka lang siya pumasok sa kanilang bahay. Umupo siya sa sofa at nanood na lang muna ng kung anong pwedeng mapanood sa telebisyon. Pero walang pumukaw ng kaniyang atensyon kaya pinatay na lang din niya.
Bigla na naman siyang kinabahan.
“Angelo, tama na ang pag-iisip ng kung ano. Walang mangyayaring hindi maganda kay Faith. Relax ka lang. Okay?” pagpapakalma niya sa kaniyang sarili.
Pumunta na lang si Angelo sa kusina at naghanap ng makakain. Nakakita naman siya ng pizza at iyon ang naisipan niyang lantakan. Kinuha niya iyon at inilagay sa microwave oven para initin.
Habang hinihintay na mainit ang pizza ay isang text message ang natanggap niya mula kay Faith. Anito, nakasakay na ito at bumabyahe na ito papunta sa hotel. Agad naman siyang nag-reply dito na mag-iingat ito at mag-text kapag nakarating na ito doon.
-----ooo-----
PAGKABABA ni Faith ng sasakyan ay nakita na agad niya ang bestfriend niyang si Sandra na naghihintay sa kaniya sa labas ng hotel. Kinawayan niya ito at agad naman siya nitong nakita. Masaya siyang lumapit dito at mahigpit silang nagyakap.
BINABASA MO ANG
P.S. I Love You
Mystery / ThrillerHiniwalayan ni ANGELO si FAITH dahil sa nagawa nitong kasalanan bago ang kanilang kasal. Sa panahon na malungkot si Angelo ay nakilala niya si AVA. Kahit papaano ay nakalimutan niya ang sakit na nararamdaman dahil sa masayahing babae. Hanggang sa ma...