CHAPTER SEVEN

2.6K 80 14
                                    

“FUCK!!!” Galit na galit na sigaw ni Ava habang nasa mini bar siya sa kaniyang bahay. Ibinato niya sa kung saan ang hawak na kopita. Halos isang oras na siyang umiinom mag-isa dahil sa sobrang sakit ng ginawa at sinabi ni Angelo sa kaniya kanina.

Hinihingal siya at nanlalaki ang mata habang nakatitig sa kawalan. Naiinis din siya dahil hindi umubra kay Angelo ang plano niyang gamitin ang nangyari sa kanila para hawakan ito sa leeg. Hindi rin natuloy ang plano niyang pagpapatalbugan kay Faith. Kaya nga niya ito binilhan ng damit na magkatulad sila para suotin nila iyon ng sabay sa dinner na plinaplano niya. Para ipakita niya kay Faith na mas maganda at sexy siya dito. Pero dahil sa nangyari sa kanila ni Angelo kanina ay siguradong hindi na iyon mangyayari pa!

Nanginginig ang buong katawan ni Ava at parang gusto niyang manakit ng tao. Gusto niyang ilabas ang galit na nasa loob niya. “Hayop ka, Angelo! Kung iniisip mo na tapos na ako sa iyo, nagkakamali ka! Nagsisimula pa lang ako. At sa ayaw at sa gusto mo, magiging akin ka! Sisirain ko ang buhay mo at ng Faith na 'yon!” Hinablot niya ang bote ng alak. Dahil sa wala na siyang baso ay tinungga na lang niya iton ng diretso. Wala siyang pakialam sa mapait na lasa ng alak na gumihit sa kaniyang lalamunan.

-----ooo-----

NAGULAT si Faith nang marinig niya ang ugong ng sasakyan ni Angelo. Sumilip siya sa bintana upang masiguro kung ang nobyo nga niya iyon at nalaman niyang tama siya nang makita niya na nakaparada na sa harapan ng apartment nila ang kotse ni Angelo. Eksaktong pababa na ito ng sasakyan. Nagtataka lang siya dahil maaga pa para umuwi ito. At kung uuwi man ito ng maaga o late ay nagte-text ito o kaya ay tumatawag para sabihan siya.

Bago pa man kumatok si Angelo sa pinto ay binuksan na niya iyon. Habang papalapit ito sa kaniya ay napansin niya agad ang tila balisa nitong mukha. Gusto niya agad itong tanungin pero mas pinili niyang huwag muna. Sinalubong niya ito ng halik sa labi. Umakbay ito sa kaniya habang papasok sila sa loob.

Magkasabay silang umupo sa sofa. Sumandal si Angelo. Akala mo ay pagod na pagod ito.

“May problema ba, babe?” tanong ni Faith sa nobyo. Hindi na siya nakapagpigil.

Hindi agad sumagot si Angelo. Matagal itong nakatingin sa kawalan bago siya tinapunan ng tingin. “Babe… M-may sasabihin sana ako sa iyo, e.” Wala pa man ay kinabahan na siya. Sa tono kasi ng pagsasalita ni Angelo ay alam na niyang hindi maganda ang sasabihin nito. Malungkot kasi ang boses nito na para bang may dinadalang mabigat na problema.

“Ano 'yon, babe? Tungkol ba saan?”

Umayos si Angelo ng pagkakaharap sa kaniya. Hinawakan pa nito ang dalawa niyang kamay habang nakatingin ito ng diretso sa kaniyang mga mata. “Tungkol kay Miss Melendez… Si Ava.” Huminto ito saglit. Mukhang humuhugot ng lakas ng loob. “H-hindi totoong kliyente ko siya. Ang totoo niyan ay nakilala ko siya noong nag-break tayo nitong huli.”

Kumunot ang noo niya. “H-hindi ko maintindihan, babe. Ano naman kung hindi mo totoong kliyente si Ava?” Naguguluhan niyang tanong.

“Nang makilala ko kasi si Ava ay may n-nangyari sa aming dalawa.”

“Ano?”

“Malungkot ako ng oras na 'yon at aaminin ko, naging marupok ako. May nangyari sa aming dalawa. At simula no’n ay hindi na niya ako tinigilan. Akala niya kasi ay hindi na tayo magkakabalikan. K-kaya nang malaman niyang tuloy ang kasal natin ay nagalit siya Tinakot niya ako na sasabihin niya sa iyo ang nangyari sa amin. K-kaya bago pa si Ava ang gumawa niyon ay naisip kong ako na ang magsabi sa iyo kahit na ang maaaring maging kapalit no’n ay ang pag-urong mo sa kasal natin…” Mas lalong hinigpitan ni Angelo ang pagkakahawak sa kamay niya. “Pero saksi ko ang Diyos, sex lang ang nangyari sa aming dalawa ni Ava at habang ginagawa namin iyon ay ikaw ang nasa isip ko! Alam kong hindi pa rin iyon sapat na dahilan para patawarin mo ako kaya kung hindi mo na ako gustong maging asawa mo ay tatanggapin ko… k-kahit masakit.”

P.S. I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon