MABILIS na lumipas ang mga buwan at naging masaya at tahimik naman ang pagsasama nina Faith at Angelo. Sa loob ng lumipas na mga buwan ay hindi na sila ginulo pa ni Ava na labis na ipinagpasalamat ni Faith. Iniisip ni Faith na baka napagtanto ni Ava na wala na itong magagawa dahil kasal na sila ni Angelo. Labis siyang nagpasalamat dahil hindi na siya napa-paranoid na baka may gawin na naman ang naturang babae na hindi maganda.
Umaga ng araw na iyon ay nasa sementeryo si Faith upang dalawin ang puntod ni Sandra. Kung may dapat man siyang ikalungkot ay iyon ang hindi pagkahuli sa pumatay sa kaniyang kaibigan. Hanggang ngayon, ayon sa mga pulis ay nag-iimbestiga pa rin ang mga ito pero hindi na iyon nararamdaman ni Faith. Wala na silang nakukuhang balita o update man lang sa kaso.
Inilapag ni Faith ang isang basket ng mga bulaklak na sunflower sa tabi ng lapida ni Sandra. Inilabas niya ang isang kandila at sinindihan iyon. Umupos siya sa damuhan at tiningnan ang lapida ng kaniyang kaibigan.
“Alam mo, Sandra, hindi pa rin ako makapaniwala na wala ka na. Hindi ko pa rin matanggap na sa isang iglap ay iniwan mo na kami. Minsan nga, iniisip ko na joke lang ang lahat ng ito, e. Iyong parang panaginip lang. Tapos isang araw, magigising na lang ako sa maingay mong boses…” Mahinang napatawa si Faith. Paano ay naalala niya kung gaano kaingay si Sandra.
Naramdaman niya ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi. Hinayaan lang niya iyon. “S-sana, mahuli na ang gumawa niyan sa iyo o kaya sabihin mo sa akin. Magpakita ka sa panaginip ko, Sandra, dahil alam namin na hindi ka matatahimik diyan sa kinaroroonan mo hangga’t hindi nagbabayad ang taong iyon!” Napuno na naman ng galit ang puso ni Faith habang mahina niyang sinasambit iyon.
“Oo nga pala, walong buwan na itong tiyan ko. Maaaring sa susunod na buwan ay manganganak na ako. Sayang kasi… 'di ba, nangako tayo na sa isa’t isa na ninang ka ng anak ko at ganoon din ako sa magiging anak mo…” Pagpapatuloy pa ni Faith.
Kahit na wala na si Sandra, malakas naman ang pakiramdam niya na naririnig nito ang mga sinasabi niya. Alam niyang nasa paligid lang niya ang kaluluwa ng namayapang kaibigan.
Nanatili pa ng kaunting minuto doon si Faith. Hinintay lang niyang maubos ang kandila bago siya nagdesisyon na umuwi na ng bahay. Tumayo siya at nagpaalam na kay Sandra. Pagpihit niya sa kaniyang likuran ay nabigla siya nang makita niya si Ava na papalapit sa kaniyang kinaroroonan.
Malalaki ang hakbang ng babae at malaki din ang ngiti. Nakasuot ito ng kulay itim na dress at may nakasabit na shoulder bag sa balikat.
“Good morning, Faith! Long time no see. Did you miss me?” May himig pang-aasar na sabi ni Ava nang nasa harapan na niya ito. Halos isang dipa ang pagitan nila.
Nangangalumata ito at may malaking eyebags na para bang ilang araw na itong hindi nakakatulog ng maayos.
Medyo kinakabahan siya pero hindi ayaw niya iyong ipakita dito. Mas matutuwa ito kapag alam niyang natatakot siya. “Bakit naman kita mami-miss? Masaya nga ako na ilang buwan kang hindi nagparamdam sa amin, e. Dapat itinuloy-tuloy mo na, Ava!” Matapang niyang sagot. “Bakit ka ba nandito? May dadalawin ka bang puntod?”
“Sa ngayon, wala pa but soon meron na!” Mabilis na binuksan ni Ava ang bag sabay labas ng isang baril. Ganoon na lang ang tako niya nang itutok nito iyon sa kaniya. “Kapag napatay na kita at inilibing ka na dito. Don’t worry, isa ako sa dadalaw sa iyo with your husband dahil mapupunta na siya sa akin kapag wala ka na!”
“A-ava, huwag kang magbiro ng ganiyan. Ibaba mo ang baril. B-baka pumutok iyan…” Mas pinili niyang kumalma at baka maghisterikal si Ava kapag nilabanan niya ito. Isa pa, wala siyang kalaban-laban ngayon dito dahil sa baril na hawak nito.
“Sino namang may sabi na nagbibiro ako? This is not a joke! I’ll kill you!”
Sa sinabing iyon ni Ava ay napagtanto niyang seryoso ito. Kaya naman nagdesisyon siyang lumaban na lang. Ang kailangan lang niyang gawin ay guluhin si Ava para madali niyang maagaw ang baril dito.
BINABASA MO ANG
P.S. I Love You
Mystery / ThrillerHiniwalayan ni ANGELO si FAITH dahil sa nagawa nitong kasalanan bago ang kanilang kasal. Sa panahon na malungkot si Angelo ay nakilala niya si AVA. Kahit papaano ay nakalimutan niya ang sakit na nararamdaman dahil sa masayahing babae. Hanggang sa ma...