“HINDI naman sa nagseselos ako pero…” Huminto si Faith sa pagsasalita at tila nag-alinlangan ito na ipagpatuloy ang sasabihin. “Kumain na lang tayo. Medyo gutom na rin ako, e.” Bagkus ay iyon ang sinabi nito.
Ngumiti si Angelo sa kaniyang nobya. “Mabuti pa nga, babe. Hindi ako nagugutom kanina pero nang makita ko itong kaldereta mo, nagutom ako bigla. 'Buti na lang at marami kang dinalang kanin.”
May sasabihin pa sana siya nang biglang bumukas ang pinto at sumilip si Danica. “Excuse me, sir. May kailangan po kayong pirmahan,” anito.
“Danica, mamaya na lang iyan. Nakita mo naman na kumakain kami ng girlfriend ko, 'di ba?”
“Okay, sir. Sorry po.” Isinarado na nito ang pinto.
“Babe, hindi mo dapat siya sinabihan ng ganoon. Parang hindi maganda 'yong tono mo,” ani Faith pagkaalis ni Danica.
“Hindi 'yon. Sanay na si Danica sa akin. Tara kain na tayo, babe!” Sumandok na siya ng ulam at una niyang nilagyan ang pinggan ni Faith bago ang sa kaniya.
-----ooo-----
“HI, Faith!” Nagulat si Faith nang may biglang humintong sasakyan sa tapat niya at nang bumaba ang salamin niyon ay nakita niya si Miss Melendez-- iyong client kanina ni Angelo.
Kaaalis lang niya sa opisina ni Angelo at pauwi na siya sa kanilang apartment. Naghihintay na lang siya ng masasakyan.
“Hello, Miss Melendez! Ikaw pala iyan,” magiliw niyang bati sa babae.
“Yes. It’s me! I’m lost kasi, e. Hindi ko mahanap ang mall. I need to buy something kasi. Alam mo ba kung saan ang mall?” Medyo maarte magsalita si Miss Melendez. Akala mo ay sampung patong ang braces sa ngipin. May pakurap-kurap pa ito ng mata kaya namimistulang malalaking pamaypay ang pilik-mata nito.
“Malapit lang iyon dito, e. Hindi mo ba talaga makita?”
Umiling ito habang nakanguso. “I really can’t. Mahina ako when it comes to direction. I’m always lost talaga…” Lumungkot pa ang mukha nito pero agad ding ngumiti. “May naisip ako. Bakit hindi mo na lang ako samahan sa mall? Treat na lang kita somewhere or anything. How about that?”
Medyo napangiwi si Faith. Uwing-uwi na rin kasi siya dahil maglilinis pa siya sa apartment nila ni Angelo. “Ano kasi…” Handa na sana siyang tumanggi pero naisip niya na client nga pala si Miss Melendez ni Angelo. Paano kung sa simpleng pagtanggi niya sa simpleng pabor na hinihingi nito ay hindi na ito bumili ng sasakyan sa kaniyang nobyo?
“S-sige. Samahan na lang kita.” Napipilitan niyang sagot.
“Yey! You are such an angel, Faith! Hop in!” Binuksan nito ang pinto sa may unahan.
Sumakay naman siya agad at itinuro niya dito ang daan papunta sa mall. Medyo nagtataka lang siya na hindi ito gumamit ng map sa cellphone nito. Sabagay, mahina nga pala ito sa direksyon. Baka pati paggamit ng mapa ay hindi nito alam.
Wala pang sampung minuto ay narating na nila ang mall. Iiwanan na sana niya ito pero hinila siya nito sa loob at nagpasama na bumili ng damit at sapatos nito.
Una silang pumasok sa isang store ng mamahaling sapatos. Nahiya at nanliit tuloy siya dahil mumurahin lang ang suot niyang sapatos ng oras na iyon. Hindi naman niya kasi alam na mangyayari ito. Pati ang suot niyang damit at pangbahay lang. Sa tingin niya tuloy ay nagmumukha siyang alalay ni Miss Melendez dahil nakasunod siya dito. Kaya ang ginawa niya ay tumayo na lang siya sa isang sulok habang sinusundan ito ng tingin. Nahihirapan yata itong pumili ng bibilhin dahil marami na itong nahawakan pero wala pa rin itong napipili.
BINABASA MO ANG
P.S. I Love You
Misterio / SuspensoHiniwalayan ni ANGELO si FAITH dahil sa nagawa nitong kasalanan bago ang kanilang kasal. Sa panahon na malungkot si Angelo ay nakilala niya si AVA. Kahit papaano ay nakalimutan niya ang sakit na nararamdaman dahil sa masayahing babae. Hanggang sa ma...