Kabanata 1

70.6K 2.1K 864
                                    

"Ate Rana!" Yumakap sa akin si Joy nang makabalik kami sa kariton na tinutuluyan namin nina Nanay Ising. "Ate bakit basang-basa ka?" Inabot sa akin ni Boyong ang isang mahabang tela para mapatuyo ko ang sarili ko.

"Salamat Boyong." Tsaka ako bumaling ng tingin kay Joy ngayon. "Inabutan kami ni Jengjeng ng malakas na ulan." Paliwanag ko sa kanya. "Baka kasi mabasa si Jeng kaya ako na ang sumangga sa buhos ng ulan..."

"Tara na ate. Kumain na tayo." Hinigit naman ni Lira ang laylayan ng damit ko. Bumungad sa akin ang dalawang lata ng sardinas at isang maliit na kalderong may sinaing.

"Si Nanay Ising?"

"Nasa simbahan pa rin ate, namamalimos pa rin." Tiningnan ko ang lumang orasan sa kariton namin. Alas onse y media na subalit ay hindi pa rin nakakauwi si Nanay Ising. Ginapangan na agad ako ng kaba sa aking dibdib.

"Boyong, sunduin na natin si Nanay Ising... Ding at Nestor kayo na ang bahala sa mga bata." Ani ko at agad kaming nagtungo ni Boyong sa simbahan.

"Rana, sandali lang. Magkakasakit ka niyan sa ginagawa mo." Ani Boyong at tsaka hinigit ako sa siko. Kumunot ang noo ko sa kanya. "Dapat sana ay nagpalit ka muna ng damit." Umiling ako at ngumiti sa kanya upang mapawi ang pag-aalala niya sa akin.

"Sanay na ang katawan ko sa ganito." Ani ko sa kanya. "Kailangan nating masundo si Nanay Ising, baka kung mapaano 'yun." Si Nanay Ising ay tumayong nanay-nanayan namin, strikto siya pagdating sa pamamalimos namin subalit hindi naman namin maikakaila sa kanya ang pagmamalasakit sa bawat isa sa amin.

Lahat ng mga batang kasama ko ay kinupkop ni Nanay Ising sa kabila ng kakulangan sa buhay.

"Nay Ising!" Halos wala nang dumadaang mga sasakyan nang makarating kaming muli sa simbahan. "Nay Ising!" Agad akong napatakbo sa kinalulugaran ni Nanay Ising. Sa isang sulok ng simbahan ay nakayakap siya sa kanyang mga tuhod, nanginginig dahil sa matinding lamig. Pumatak ang mga luha sa mga mata ko na agad kong pinalis.

Isang bagay na tinuro sa akin ni Nanay Ising, ang maging malakas, maging matapang sa hamon ng buhay. Hindi kami nabiyayaan ng karangyaan sa buhay subalit patuloy pa ring nagpapasalamat sa biyayang buhay na binigay ng Panginoon. Kaya tuwing naiiyak ako, sinisigurado kong walang makakarinig o makakakita.

Nakapikit si Nanay Ising nang abutan namin. "Nay Ising..." Sinikap kong pukawin ang atensiyon niya subalit tila nawalan siya ng malay. "Boyong buhatin mo si Nanay Ising." Nag-atubili kaming dalhin siya sa pinakamalapit na ospital.

"Doc, doc..." Sobrang daming tao sa emergency room. Hindi magkamayaw ang mga nurse sa gagawin nila. Pribado ang ospital na napuntahan namin kaya naman ay baka hindi kami asikasuhin dito dahil wala kaming dalang salapi, kahit magkano. "Doc tulong po!" Pilit kong inagaw ang atensiyon nila subalit walang nakikinig sa akin. Ang isang nurse ay tiningnan pa kami mula ulo hanggang paa, tila nadismaya sa presensiya namin dito, tsaka inasikaso ang ibang pasyente na may kakayahang magbayad.

Naiintindihan ko na hindi libre ang ospital na ito para sa lahat lalo na sa mahihirap kaya paano pa kaming mga wala talaga at namamalimos pa. Kaya nagbakasakali ako, na baka mayroong magmagandang- loob at tulungan kami. Hindi ako mawawalan ng pag-asa na may kabutihan pa rin sa bawat puso ng mga tao.

"Ang Nanay Ising ko po, nawalan ng malay..." Wala talagang pumapansin sa amin. Naninikip ang dibdib ko. Umiling sa akin si Boyong. Gusto kong ipaglaban ang karapatan namin bilang tao subalit sa oras na ito ay tila hindi kami nabiyayaan ng karapatang iyon.

Gusto kong manumbat subalit tila wala naman ako sa tamang lugar para gawin 'yun. Iyan ang mahirap sa kalagayan ng isang mahirap. Mahirap maging mahirap, ito ang katotohanang nakagisnan ko na noon pa man.

The Trained Wife [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon