"Kumusta?"Ang unang salitang binigkas mo sa akin. Hindi ko mawari kung bakit ang isang salita na galing sa iyo ay naging sanhi para tumigil ang mundo. Parang isang kathang-isip nga lang kung susumahin dahil kasabay ng bati mo ay ang isang ngiti na magpapatunaw ng aking damdamin. Para bang isang saksak sa puso ang aking natamo
Saksak sa puso na ang dala ay sakit. Sakit na kayo kong tiisin. Sakit na masarap. Nakatatawa man at nakahihiyang aminin na ako'y kinikilig dahil lang sa isang salitang alam kong sinasabi mo kahit kanino.
Pero maiba ako, binibini. Ako'y isang hamak lang na mag-aaral. Walang kaibigan. Walang kaaya-ayang itsura. Alam kong lahat tayo ay may kaniya-kaniyang katangian, ngunit kumpara sa mga kaibigan mo? Kahit isang pursyento, wala akong laban. Ako'y isang hamak lang na mag-aaral na walang kahit anong maipagmamalaki kung hindi ang ipagmalaki ka sa sanlibutan.
Lumapit ka sa akin at umupo sa silyang walang sinumang nangahas umupo. Napasinghap ako. Anong ginagawa ng isang napakagandang dilag sa tabi ko? Pinipigilan ko ang sarili ko sa abot ng aking makakaya na huwag manginig dahil sa iyong presensiya. Pilit ko ulit na tinanong ang aking sarili. Anong ginagawa ng isang napakagandang dilag sa tabi ko?
Suntok sa buwan ang makatabi ka kahit ilang segundo lang. Hindi ko naman akalain na ang araw na pinapangarap ko ay darating. Nangarap akong sana kahit isang segundo, maramdaman mo ang presensiya ko. Ilang taon din ang lumipas bago dumating ang araw na 'to. Hindi ba't isa kang langit kumpara sa lupang katulad ko.
Totoo pala talaga ang mga paro-paro sa tiyan. Ang buong akala ko ay sa mga nababasa kong nobela ko lamang iyon matatagpuan.
Sa apat na taon na tayo ay naging magkaklase, ngayon ko lang napagtanto na nahulog na ang loob ko sa iyo noon pa man. Sa loob nang apat na taon, ngayon mo lang ako kinausap. Sana may paraan pa na mabago ang aking nararamdaman para sa iyo. Bukod sa wala akong maipagmamalaki, alam ko rin na wala akong pag-asa. Pag-asa na maging parte ng buhay mo. Walang pag-asa na mayroong ikaw at ako sa gitna ng ikaw at siya. Imposibleng magkaroon ng tayo kung una palang ay mayroon ng kayo.
Simula noong pinagbuklod tayo ng buhay-kolehiyo, ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para kalimutan ka, ngunit wala itong silbi sa katotohanan na ako'y sayo at ika'y hindi akin. Una pa lang ay batid kong kailanma'y hindi mo masusuklian ang aking nararamdaman.
Sa liham na ito, hayaan mong masilayan kong muli kung paano nahubog ang aking nararamdam para sa iyo at ang unti-unting pagkadurog nito. Ang mga pirasong pu-puede pa sanang mabuo ngunit ito'y tuluyan nang nabaon ng kahapon. Hayaan mo akong tapusin ang alam kong una pa lang ay hindi magsisimula.
Bago ko ipinid ang unang lihim na ito, hayaan mo akong tanungin ka. Kahit isang beses man lang ba sumagi ako sa iyong isipan? Kasi sa akin? Oo. Parati. Ikaw lang.
BINABASA MO ANG
Kulimlim | ✓
Short Story"Liham para sa iyo na hindi ko na mahahagkan pa" Highest Ranked: [2019 February 06] #1 in Liham #34 in Wattys #291 in Short story Date started: 2019 January...