Ikawalong Liham

16 3 0
                                    


Pinipilit ko mang inaalala, subalit hindi ko matandaan kung paano nagsimula. Ilang buwan na lang at matatapos na ang taon at isang linggo na rin matapos ika'y aking iniwasan sa 'di malamang dahilan. Siguro nandito na ako ngayon sa antas ng aking buhay na nawawalan na ng gana - mismong kahit mabuhay pa. Pilit ko na itinataboy ang mga tao at mas piniling mapag-isa. Oo, alam ko na ito'y makasarili.

Hindi ko mawari kung saan nanggagaling ang aking pagdadalamhati, ngunit isa lamang ang sigurado ako. Mag-isa ako sa isang mundong napapaligiran ng pighati at pabulong na sumisigaw ng saklolo.

Hindi na rin tayo nag-usap magmula noong ika'y aking iniwasan. Marahil ikaw ay pagod na rin sa akin at hinayaan na lang ako sa huli. Nasa punto na rin ako ngayon ng buhay ko na nag-aantay na lang sa isang taong makakaintindi sa akin na alam ko naman na malabo. Lahat naman tayo ay pagod, kaniya-kaniya lang tayo ng paraan para itago.

Aaminin ko na ako'y umasa na hahabulin, ngunit kalaunan aking napagtanto. Sino nga ulit ako? Hindi lang sa akin umiikot ang iyong mundo.

Marami kang kaibigan at may nobyo kang inaalagaan. Abala ka rin sa gawaing paaralan na kailangang pagtuunan ng pansin. Katulad na lang ngayon na ika'y naatasan para maging isang direktor para sa gagawing maikling pelikula na ipanlalaban sa darating na kapaskuhan.

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana nang ako'y napili para maging parte ng pelikula bilang isang punong manunulat. Hindi ako tumanggi dahil isa rin 'to sa gusto kong gawin habang ako'y nandidito pa.

Maraming ideya ang nagsilabasan sa aking isipan, ngunit isang kuwento lang ang aking ninanais. Ito ay ang istorya tungkol sa isang babaeng ginugusto ng lahat at isang tangang makata. Oo, tanga, dahil hindi niya pinigilan ang pagkahulog sa dilag, dahil una pa lang ay wala ng patutunguhan.

Lumipas ang taon at napagtantong ganoon pa rin katulad ng dati, ngunit ang pinag-kaiba ay si babae 'di kalauna'y nahulog na rin. Oo. Hindi ka nagkakamali. Ikaw at ako ang aking tinutukoy sa kuwento, dahil kahit man lang dito ay magkaroon ng tayo.

Sumapit ang unang araw para sa pag-eensayo at dumating ang iyong nobyo. Natigil ang lahat at nagkaroon ng oras para makapagpahinga. Binitawan ko ang puting papel na ngayo'y malapit ng mapuno ng mga salitang pilit hinabi.

Abala ang lahat sa pagkain, ngunit hindi kayo nakaligtaan ng karamihan. Unti-unti silang naghiyawan ng napansin ang isang basket ng pagkain. Wari'y kinikilig, ito'y tinanggap mo na may kasamang ngiti.

"Direk! Kayo na lang ng nobyo mo ang gumanap. Tutal, bagay naman kayo."

Muli ay naghiyawan ang karamihan, pwera na lang sa akin. Tumikhim ako't mas piniling ika'y pagmasdan. Ang suwerte naman ng nobyo mo dahil mayroong kayo. Sana alagaan ka niya, doble sa pag-aalaga mo sakanya.

"Sus! Mas bagay sila nang manunulat natin! Mas bagay sila ni Miguel!"

Ilang segundo ring namutawi ang isang nakabibinging katahimikan, ngunit kaagad din itong nawaksi dahil sa isang tugon mong hilaw na tawa.

"Ano ka ba! May nobyo ako."

Lumingon ka sa akin ng may ngiti, ngunit napalitan din kaagad ito ng lungkot sa iyong mga mata. Bakit? Kung sakali na ika'y walang nobyo, ay posibleng magkaroon ng tayo?

Kulimlim | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon