Ikaanim na Liham

26 3 0
                                    


Kumusta?

Pagpasensiyahan mo na kung hindi na kita nakukumusta. Sana nasa maayos ka. Ngayon ko lang napagtanto na mahigit kumulang apat na taon na rin pala ang lumipas, pero alam ko naman na ika'y masaya at ako'y umaasa na sana ika'y nasa tuwid na daan.

Ang tagal na pala, ano? Matagal na pero hanggang ngayon nandito pa rin. Totoo pala ang kasabihan na hindi namamatay ang iyong unang pag-ibig. Sa iyo kaya ay ganoon din? Nabalitaan ko kasi sa isang dating matalik mo na kaibigan ay naghiwalay raw kayo ng iyong nobyo.

Alam ko na mali at kailanman 'di magiging tama na ako'y natuwa dahil sa narinig na balita. Natuwa ako dahil nagbabakasakaling magkaroon na ng tayo, subalit mas nanaig pa rin ang aking pag-aalala. Alam ko na kailanman ay hindi magiging madali, dahil hindi ganoon kadali na iwan ng isang tao na itinuring mong mundo.

Kasi alam ko kung gaano kasakit maiwan ng isang taong labis mong minahal at pinangalagaan. Kahit ngayon naman. Siguro nasanay lang ako sa sakit kaya masasabi kong medyo ayos naman ako.

Nabalitaan ko rin na ikaw ay naging isang doktor na iyong pinapangarap noon pa man. Gusto mo kasing magsulsi ng mga sugat at buhay na iilang hibla na lang ang natitira. Ako naman ay isang ganap ng guro. Gusto ko rin kasi magsulsi ng buhay gamit ang pluma at Literatura kagaya sa iyo na karayom at Siyensa naman ang sandata. Pareho pala tayo ng minimithi rito sa mundong ating bibigyang sukli. Magkaibang sandata, ngunti pareho ang ipinaglalaban dito sa mundong puno ng trahedya.

Parang kailan lang nang tayo'y sabik na sabik sa hinaharap. Naalala ko noon, tayo'y nasa lilim ng puno't nag-uusap tungkol sa hinaharap nang biglang may lumipad na bola papunta sa kung saan tayo nakaupo. Mabilis ang pangyayari at wala akong masabi ng maramdaman ang isang yapos.

Yapos na galing sa iyo na nakapanindig-balahibo. Ang dalawang kamay mo'y nakapulupot sa aking katawan, habang ako'y pinipigilang maglupasay. Tumayo ka't pinagsabihan ang mga naglalaro na sila'y magdahan-dahan, sapagkat hindi mo nais na makita ang mahalagang tao sa iyo na nasasaktan.

"Huwag na huwag mong hahayaang masaktan ang iyong sarili. Kung may nangahas man na ika'y saktan, huwag kang magdadalawang-isip dahil ako'y sayo'y sasagip."

Kapag ba sinabi ko na ako'y nasasaktan at ikaw ang dahilan ako pa kaya'y iyong masasagip? Dahil alam ko na hindi. Hindi na. Wala, e. Lunod na lunod na.

Hindi rin nagtagal ang ating pag-uusap nang biglang sumulpot ang iyong nobyong may dalang supot. Oo nga pala, magkakaroon kayo ng salu-salo sapagkat ngayon ay inyong anibersaryo.

Parang kailan lang ng ika'y hindi pa sigurado, ngunit ngayon ika'y kompleto. Ang iyong mga ngiti na noon pa ma'y kahali-halina ay may mas igaganda pa pala. Sobrang makapangyarihan pala talaga ng pag-ibig, tingnan mo, kahit masakit patuloy pa rin na umiibig.

Kung mababasa mo man 'to, tama ang hinala mo. Ganoon pa rin, walang bago at sa tingin ko'y hindi na magbabago. Ang pag-ibig ko sa iyo'y patuloy na liliyab kahit ikaw mismo ang papatay ay patuloy pa rin itong mabubuhay.

Kulimlim | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon