KABANATA II
I
MALAKAS ang pagkakahampas ko sa bolang paparating sa kinatatayuan ko gamit ang baseball bat. Malakas ang pagtunog na nagawa nito nang tumama ito sa baseball bat at halos hindi ko na makita kung saan ito lumipad. Kumaripas ako ng pagtakbo patungo sa kabilang base. Malakas rin ang hiyawan ng mga kaklase ko sa paligid. Malamang kinakabahan ang mga iyon kung maipapanalo ko ba 'tong game na 'to o hindi.
Naaninag ko na nadampot na ng kalaban ko ang bolang pinalipad ko at para bang handa na niya itong ibato patungo sa base na pupuntahan ko. Mas lalo kong binilisan ang pagtakbo ko, kulang nalang eh lumipad na ang mga paa ko sa bilis ng tinakbo ko.
Lumundag ako ng mataas upang masigurado ko na aabot ako't malayo ang maidudulas ko patungo sa base. Napapikit na lang ako dahil sa dami ng alikabok sa paligid ko nang isadsad ko ang pagtakbo ko patungo sa base. Naramdaman ko naman sa paa ko na naabot ko ang puting box bago pa man masalo ng kalaban ko ang bola.
Napangiti ako sa nangyari, tinulungan na rin ako ng kalaban ko na tumayo mula sa pagkakahiga sa lupa. Samut-saring hiyawan ang naririnig ko sa paligid. Bakas sa mukha ng mga kaklase ko ang saya sa pagkapanalo ng section namin. Pero ni isa sa kanila'y walang lumalapit sa akin. Oh well.
"At ang nanalo sa baseball match ay ang Section 3-C!" anunsyo ng aming guro.
Pinagpag ko ang uniporme kong naalikabukan. Inayos ko rin ang gulo-gulo kong buhok bago talikuran ang mga nagsasaya kong kaklase. Sa pagtalikod ko'y sumulpot sa harapan ko ang dalawang lalaki na para bang nahihiya pang magsalita.
"Oh?" bahagya ko silang tinaasan ng kilay.
"A-ano, gusto mo bang sumama sa amin sa arcade?"
Ilang minuto ko silang tinitigan bago ko sila daanan. Siguro nama'y alam na nila ang ibig sabihin ng pag-alis kong 'yon. Ngunit bago pa man ako makalayo'y muli itong nagsalita na naging dahilan ng pagtigil ko.
"Libre ko naman ang lahat kaya wala kang dapat ipag-alala. Isa pa, kahit ilang pizza ibibili kita."
Otomatiko akong napalingon sa kanila. Isang tipid na ngiti ang ibinigay ko sa kanila senyales ng pagsang-ayon ko. Ewan ko ba, bakit gano'n na lang ang epekto ng pizza sa akin para mapapayag nila ako.
Ipinagpatuloy ko ang paglalakad pabalik sa locker room. Hindi ko naman maiwasan na pagmasdan ang paligid ko habang naglalakad. Mayroon pang kamuntikang makabangga sa akin subalit mabilis siyang hinila ng kaibigan niya. Tumingin sila sa akin na para bang takot at gustong umiwas. Kita rin sa kilos nila na nagmamadali silang maglakad papaalis sa harapan ko.
Napabuntong hininga na lang ako sa nangyari. It's been a while simula nang ituring nila akong parang may nakakahawang sakit. Bakit kaya hindi pa rin ako nasasanay sa gano'n. Public enemy number one, Vanessa Jane Fernandez.
Nang makarating ako sa locker room ay kaagad kong kinuha ang academic uniform ko. Nagdala na rin ako ng t'walya at nagtungo sa palikuran. Tinanggal ko ang p.e uniform ko't mabilis na binuksan ang shower.
Sa pagdaloy ng tubig sa aking mukha ay hindi ko maiwasang maalala ang naging dahilan kung bakit ako iniiwasan ng mga estudyante. Kung ako ang tatanungin ay ginagawa ko naman ang tama. Sadyang napasobra lang kaya nagkagano'n ang nangyari.
II
Tandang-tanda ko ang araw na 'yon maging ang oras. Pauwi ako no'n galing sa baseball practice at hila-hila ko ang sarili kong baseball bat. Dumaan ako sa bakanteng park kung saan wala akong masyadong nakitang tao sa paligid. Subalit, malinaw sa pandinig ko ang malakas na sigaw ng isang babae mula sa hindi kalayuan.
BINABASA MO ANG
Into your world ✔️
FantasiaMatapos magulo ang dimensional clock, tuluyang nabura ang eksistensya ni Vanessa sa orihinal na mundo. In the blink of an eye, she found herself inside a parallel world where she met her other self, Jane. Jane's appearance and personality are a pe...