Chapter 1

75K 751 15
                                    


ISINUBO ni Charito ang Oreo cookie na isinawsaw niya sa gatas. Nagpapahinga siya. Nanonood ng TV. At dahil tinatamad siyang magluto ng popcorn, nagpapak na lamang siya ng cookies. Tipikal na araw iyon para sa kanya. Kagagaling lang niya mula sa kanyang computer shop. Limang bloke iyon mula sa bahay ng kanilang pamilya. Araw-araw ay halos ganoon ang kanyang routine.

Wala siyang kaproble-problema sa kanyang buhay. Malaki ang kita ng kanyang Internet café, masaya ang kanyang pamilya, wala siyang iniintinding love life sapagkat wala siya niyon.

Beinte-sais anyos na siya at huli siyang nagkanobyo noong nagdaang taon. Nag-break sila ng kanyang nobyong si Walter dahil kapwa sila tinamad na mag-exert ng effort para mapabuti ang kanilang relasyon. The man was busy with his dreams, and she was busy trying not to laugh at his dreams and to be supportive.

Sa huli, nag-usap sila at nagpasyang maghiwalay na lang. Parang walang nangyari. Noong mismong araw na iyon ay wala naman siyang balak na makipag-break dito, malamang ay ganoon din ito. Iyon nga lang, naungkat nila ang usapan tungkol sa kaligayahan, sa moving forward sa buhay, mga ganoong bagay. At kapwa sila nauwi sa isang konklusyon—na wala silang mararating pareho sa relasyong iyon. Nagpasalamat ito sa kanya, ganundin siya rito. Nang magkita sila nang sumunod na araw ay nagkuwentuhan pa sila na parang magkaibigan at hindi dating magkasintahan.

Isang propesor ang kanyang ex. At ang pangarap nito ay manalo ng Pulitzer Prize para sa librong ni hindi pa nito naisusulat at ayaw sabihin sa kanya kung tungkol saan. Ang hinala niya ay wala naman talagang ideya ito kung ano ang isusulat. Masyadong marubdob ang kagustuhan nitong tuparin ang pangarap nito kahit wala namang ginagawang paraan upang mangyari iyon.

Nagkakilala sila sa kanyang shop dahil nagpagawa ito ng program sa eskuwelahan. Naging constant date niya ito hanggang sa maging boyfriend na niya. Naisip niya kasing wala naman siyang boyfriend at walang kabuhay-buhay ang buhay niya kaya sinagot na rin niya ito nang manligaw sa kanya.

Magmula nang maghiwalay sila ni Walter ay wala na siyang naging nobyo. May mga nagpapalipad-hangin sa kanya, ang kaso, karamihan sa mga iyon ay masyadong bata pa o kung hindi naman ay bata ang isip. Iyon bang mga online gamers na inaabot hanggang madaling-araw sa shop niya sa paglalaro ng Ragnarok at kung ano-ano pang games.

Iyon nga ang inaalala niya minsan—baka hindi na siya makakita ng isang lalaking magiging nobyo niya nang seryosuhan. Ang mundo niya ay shop-bahay lang. Minsan ay lumalabas siya kasama ang mga kaibigan niya ngunit madalang na madalang ang mga ganoong pagkakataon.

Kalahating porsiyento ng mga kaibigan niya ay may mga asawa na. Ang ibang wala naman ay abala sa trabaho. Ang tanging nagyayaya sa kanyang lumabas-labas ay ang best friend niyang si Carol na nakatira malapit sa kanila. Ngunit magmula nang mag-break ito at ang Kuya Roge niya, bihira na silang lumabas. Isa pa ay kapwa naman sila walang alam sa mga in places sa ngayon. Pareho silang homebody ni Carol. Nasa bahay rin lamang ito palagi. Isang kilalang writer ito sa isang magazine at lumabas na rin ang libro nito na compilation ng mga artikulong isinulat nito.

Ex-girlfriend ito ng kapatid niya at hanggang ngayon, wala siyang ideya kung bakit naghiwalay ang dalawa. Ayaw sabihin ni Carol sa kanya ang puno't dulo ng paghihiwalay nito at ng kuya niya, ganoon din naman ang kuya niya. Mukha namang masaya ang kapatid niya. si Carol ay hindi ganoon kalimitan ang reaksiyon.

Kaysa naman ma-trap sa away ng dalawa kung mayroon man, minabuti niyang huwag na lamang magtanong pa.

Napalingon siya sa pinto nang marinig na may pumasok doon. Nakita niya ang kanyang Kuya Roge. Kasama nito ang best friend nitong si Adam na ang palayaw ay "Ade." Kapwa nakasuot ang mga ito ng uniporme ng basketball at pawisan. Nahuhulaan niyang nanggaling ang mga ito mula sa paglalaro ng basketball sa court.

Ang Aking Happy Ending  by VanessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon