Chapter 18

18.5K 313 17
                                    

TEXT messages at minsang pag-uusap sa telepono lamang ang naging ugnayan nina Romeo at Charito sa mga sumunod na araw. Nagkaroon daw pala ito ng emergency sa Dumaguete kaya madaliang nagtungo roon. Baka matagal ito bago makabalik sa Maynila ngunit nagyaya agad ng isang date pagbalik nito. Agad naman siyang pumayag.

Nang araw na iyon ay may ipapakilala si Ade sa kanya. Kasamahan nito sa istasyon at isang segment producer. Naghintay lamang siya sa opisina. Hindi naman nagtagal at dumating na si Ade.

"You're gonna love him!" bulalas nito.

"Really? You look excited." Kahit paano ay may sting sa kanyang dibdib sa reaksiyon nito. May kurot na dulot pa rin ang kaalamang ang lalaking nais niya ay inihahanap siya ng iba.

"Talaga. Come with me."

Lumabas na nga sila. Matangkad, guwapo, mukhang coño ang lalaking ipinakilala nito sa kanya bilang Herbert. Kung hitsura ang pagbabasehan, malaki talaga ang lamang nito kay Romeo.

Nang makaupo na sila ay saka niya napansin ang problema, nang magsalita na ito. Ang S sa mga salita nito ay tunog "th" kahit wala namang braces ito. Ang F nito ay nagiging P at ang P ay nagiging F. Maging ang ilong nito ay gumagalaw sa tuwing bibigkas, tuloy ay mukhang bakla ito. Idagdag pang sa tingin niya ay isa talagang bakla ito sapagkat nakapagbibitiw ito ng mga salitang tanging bakla lamang ang gumagamit nang madalas.

"Thobrang thifag 'yong thtap namin tha opith, eh, ath in grave talaga. Elibth nga ako, eh. Ath in!" Napatango siya, pasimpleng pinahid ang noo kung saan nag-landing ang laway nito. He said: Sobrang sipag 'yong staff namin sa office, eh, as in grabe talaga. Elibs nga ako, eh. As in!

"Paano mo nakilala si Ade?" tanong niya rito bagaman ayaw na sana niyang magsalita ito. Nais lang niyang makipag-usap, at hindi maligo, shit!

"Doon ako nag-training tha production niya then na-hire ako ng network." Tumawa ito. "Ang chika nga, eh, pinirata ako ng network which ith tho not true kaya?"

Say it, man, don't spray it, sa isip-isip niya. Tumangu-tango na lamang siya. Mukhang hindi ito mauubusan ng mga kuwento. Bahagya na siyang lumayo rito upang hindi maabot ng bibig nitong mistulang sprinkler.

Habang pinagmamasdan ito ay naitanong niya sa isip kung ano ang pumasok sa isip ni Ade upang ipakilala siya rito. Mas malala pa ito kay Romeo. Si Romeo, kaunting ayos lamang ng damit at buhok ay guguwapo na. May hitsura namang talaga ang lalaki, lamang ay napaka-jologs pumorma. Ngunit ang isang ito, hindi niya alam kung bakit nagkaganito. Ang sagwa na ngang magsalita, tila alanganin pa at may taglay na kayabangan.

Sa wakas ay natapos na ang date nila. Nagpaalam na si Herbert at kinuha naman ang number niya. Atas ng kagandahang-asal, ibinigay niya iyon dito. Ngunit sa likod ng isip niya ay duda siya kung tatawag ito o magte-text man lang. Mukha kasing sa boys interesado ito at hindi sa girls.

Dumiretso siya sa opisina. Agad siyang sinalubong ng ngiti ni Ade. "How was it?"

"How was it? Ano ka ba? Ano ba ang nakita mo at dinala mo pa 'yon dito? I don't ever want to see that... that... that person again!" Natawa ito. Namaywang naman siya. "What's so funny?"

"Nothing. I just thought the two of you would click."

"Yeah, right. You don't know me at all."

"Yes, I do."

"No, you don't." Inabot niya ang WetOnes sa ibabaw ng mesa at pinahid iyon sa mukha niya. "Daig ko pa ang naghilamos sa kanya."

Natawa na naman ito. Panay ang kuha niya ng tissue paper. Ni minsan ay wala pa siyang nakausap na pinaulanan siya ng laway. Mayamaya ay lumapit sa kanya si Ade, naupo ito sa mesa.

"I'm sorry, all right?" anitong mukha namang hindi sorry. Umaalug-alog pa rin ang mga balikat nito na para bang siyang-siya.

"Thtof laping!" aniya, ginagaya si Herbert. She said: "stop laughing."

Natawa na naman ito at natawa na rin siya. Mayamaya ay umabot ito ng tuyo nang tissue paper at inangat ang kanyang mukha. Pinunasan nito iyon. Unti-unting nabura ang pagkakangiti niya, ganoon din naman ito.

Hanggang sa tila hinahaplos na lamang nito ang kanyang pisngi habang walang kurap na nakatitig sa kanyang mukha. Malakas ang pintig ng puso niya, mabilis. Napalunok siya, aware na aware sa daliri nitong nasa baba niya.

"Oh, Charito..." He said "oh" like it was a sigh, a sort of helpless sigh.

Ibinaba nito ang mga kamay at inabot ang kanya. Doon lamang ito tumingin sa loob ng ilang sandali. Mayamaya ay muling bumuntong-hininga ito, pinisil ang kanyang mga palad.

"I'd do better the next time, Char. That's a promise." Tumingin ito sa kanyang mukha at ngumiti.

"Wala kang obligasyon—"

"Don't say that."

She sighed. Nang tumunog ang kanyang cellphone ay binasa niya ang mensahe. Nasa labas na si Carol. "I have to go. And thank you, Ade, for doing this."

Marahang tumango ito. Pagkasakay niya sa kotse ng kaibigan ay napaluha siya kahit wala siyang malinaw na dahilan.

Ang Aking Happy Ending  by VanessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon