Chapter 6

21.5K 325 8
                                    

EXCITED na excited si Charito. Nasabi na niya sa kanyang mga magulang ang pinaplano nilang bagong negosyo ni Ade. Napadala na rin niya sa Bicol ang feasibility study ng binata. Handa ang kanyang mga magulang na pahiramin siya ng three hundred-fifty thousand pesos. At sinabi na niya iyon kay Ade. Ngayon ay hinihintay niya ito. Ipapakita raw nito sa kanya ang site kung saan nila itatayo ang kanilang negosyo, ganundin ang chef na kukunin nila.

Nang dumating na ito, isang malawak na ngiti ang agad na isinalubong nito sa kanya. "Ready?" tanong nito.

Tumango siya. "Tara na! Excited na ako!"

"Let's go."

Sumakay sila sa kotse nito. Habang-daan, tinanong niya ito kung bakit kailangan pa nito ng business partner. Ang sabi naman nito, dahil wala itong oras para sa negosyong iyon. Kailangan nito ng partner na talagang mamamahala na kilalang-kilala nito at mapagkakatiwalaan. Siguro ay iyon ang dahilan kaya hindi nito kinuha ang Kuya Roge niya. Abala kasi sa trabaho ang kanyang kuya.

Nang makarating sila sa site, natagpuan niyang wala na palang masyadong kailangang galawin doon. Maganda na ang interiors ng lugar. mga kagamitan na lamang ang kulang at disenyo.

Bumaling si Ade sa kanya. "Ano sa tingin mo?"

"It's perfect."

"I think so, too." Ipinaliwanag nito kung saan-saan ilalagay ang mga gamit. Mayroon nang kitchen doon sapagkat dati palang restaurant iyon. Pagkatapos nilang inspeksiyunin iyon ay nagtungo naman sila sa isang restaurant at doon kinatagpo ang chef.

Arabo ang chef bagaman matagal na raw ito sa Pilipinas at marunong nang magsalita ng Tagalog. Inanyayahan sila nito kinabukasan sa bahay nito upang ipatikim sa kanila ang mga specialty nito. Hindi na siya nalula sa suweldong binanggit ng chef dahil nakalagay naman iyon sa study ni Ade. Bukas daw sa bahay nito magpipirmahan ng kontrata.

"Ano sa tingin mo?" nakangiting tanong ni Ade sa kanya nang sila na lamang ang naiwan at nakaalis na ang chef.

"Wala akong masabi."

Napangiti ito. "We're gonna be really busy."

"Oo nga, naisip ko na nga 'yon. Excited ako. At least, magkakakulay na ang buhay ko."

Natawa ito. "Wala bang kulay?"

"Gray."

Muling natawa ito. "Magkaibang-magkaiba kayo ni Roge, 'no?"

"Marami ngang nagsasabi. Mukhang-mukha na lang, ang layo namin sa isa't isa. Kamukhang-kamukha ni Daddy 'yon, eh. Ako naman, si Mommy. Ang ugali ko raw, kay Daddy. Ang ugali naman niya, kay Mommy," paliwanag niya.

Inabot nito ang mga kamay niya at bahagyang pinisil ang mga iyon. "God, I'm so happy."

Nais niyang kutusan ang kanyang ulo nang maramdamang nag-init ang kanyang mga pisngi. Nahiling niya na sana ay hindi nito mahalata ang pamumula niya. At tila dininig naman ang kanyang hiling dahil walang nabago sa ekspresyon ng mukha nito.

"A-ako rin."

Pinakawalan na nito ang mga kamay niya. "I never had any brothers or little sisters, but you know what? I don't need them. I've got Roge and you."

Patay... sa isip-isip niya.

Ngumiti na lamang siya at bahagyang tumango. Kung sana lang talaga ay hindi na niya naramdaman ang ganoon. Ngayon lamang niya naisip na malamang ay mahihirapan siya sa kanyang pinasok.

Paano niya magagawang pigilan ang damdamin niya kung parati niyang kasama ito? Kung hindi man kasama ay kausap dahil magiging business partners na sila.

Noong una ay hindi sumagi sa isip niya iyon. Parati niyang iniisip na makakasama niya ito, makakausap at iyon ang nais niya. Ngayon niya napag-isip-isip ang posibleng mangyari—lalalim ang damdamin niya rito at sa huli ay baka magsintir lamang siya sa isang tabi.

Pambihirang buhay 'to...

Ang Aking Happy Ending  by VanessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon