Part 1

41.1K 634 29
                                    


Manila, fifteen years ago

HINDI mapakali si Anje habang nakasakay siya sa kotseng sumundo sa kanya sa exclusive school na pinapasukan niya. Papasok na iyon sa driveway ng bahay nila sa Alabang. Dapat ay kanina pa siya nakauwi subalit biglang nagpatawag ng meeting ang president ng rock music club nila. Kapag hindi pa binilisan ng driver niya ang pagmamaneho ay baka hindi na niya makasama nang mas matagal ang Ate Eve niya. Ano mang oras ay aalis na ito patungo sa Italy para sa isang piano competition.

Dalawang taon na ang nakalilipas mula nang isali ito ng mga magulang nila sa mga local competition at dahil palaging nananalo ang ate niya, nagdesisyon ang mga magulang nila na sa Europe naman ito lumaban.

Musically inclined ang pamilya nina Anje. Her parents were professional classical musicians. Bata pa lang sila ng ate niya ay ikinuha na agad sila ng mga ito ng piano teacher. They both enjoyed their lessons. Pero bata pa lang sila ay kapansin-pansin na ang kaibahan nila ng ate niya. Mas matiyaga ang ate niya na magbasa ng musical scores at mas magaling itong mag-interpret ng classical compositions. Siya naman, kahit marunong ay walang tiyagang sumunod sa score. Mas gusto niyang nag-iimbento ng sarili niyang tunog. Iyon ang dahilan kung bakit palagi siyang pinagagalitan ng piano teacher niya at ng mga magulang niya kapag umuuwi ang mga ito.

Bihirang umuwi sa Pilipinas ang mga magulang niya dahil sa Europe nagtatrabaho ang mga ito. Subalit nakasanayan na niya iyon at hindi na big deal sa kanya. After all, naroon naman ang ate niya para sa kanya. Sapat na ito para maging masaya siya. Kahit na may kaagaw na siya rito.

Marahas siyang umiling sa naisip. Don't go there. Masisira lang ang araw mo. Hindi puwede 'yon. I say good-bye to Ate Eve.

Paghinto ng kotse sa garahe ay mabilis siyang umibis at halos takbuhin niya ang hagdan ng bahay nila upang puntahan ang silid ng ate niya. Nang marating iyon ay hindi na siya nag-abalang kumatok. Marahas na binuksan niya iyon at akmang tatawagin ang ate niya nang bumikig sa lalamunan niya ang boses niya nang mapagtantong hindi ito nag-iisa. Pakiramdam niya ay may sumuntok sa sikmura niya nang makitang may kayakap itong lalaki.

Sabay na napalingon ang mga ito sa kanya at ngumiti ang Ate Eve niya. "Anje! Nandito ka na, thank God. I was wondering kung bakit wala ka pa," sabi nito.

Umasim ang mukha niya nang mapansin na hindi pa rin inaalis ng lalaki ang mga braso nito sa pagkakayakap sa ate niya. Tiningnan niya ito nang masama. "Puwede mo na siyang bitiwan, Theodoro. Pervert," paasik na wika niya rito.

"Anje! Hindi ka dapat ganyan magsalita kay Ted," saway ng ate niya.

Humalukipkip siya at nag-iwas ng tingin. "It's because I hate him," bulong niya subalit alam niya na narinig siya ng mga ito dahil suminghap ang ate niya.

Biglang tumawa si Ted dahilan para mapatingin siya rito. Kinalas na nito ang pagkakayakap sa ate niya at nakangiting namulsa habang nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay naglakad ito patungo sa pinto. "Iiwan ko na kayo, Eve, bago pa ako malagutan ng hininga sa sama ng tingin ng kapatid mo sa akin," sabi nito.

Nang nasa tabi na niya ito—dahil nasa bungad siya ng pinto—ay kumilos siya upang umalis sa daraanan nito. Ngunit nagulat siya nang bago niya iyon magawa ay bigla nitong iniangat ang kamay nito sa ulo niya at walang pakundangang ginulo ang buhok niya.

Napahiyaw siya at bago pa siya makahuma ay mabilis na itong nakalayo sa kanya. Umalingawngaw ang tawa nito sa labas ng silid ng Ate Eve niya. Matalim ang tinging napatitig siya sa direksiyong tinahak nito.

"Anje," pagkuha ni Ate Eve sa atensiyon niya sa malumanay na tinig.

Nilingon niya ito at nakangiting lumapit dito. "Good luck sa contest, Ate. Sigurado akong mananalo ka," masiglang sabi niya.

WILDFLOWERS series book 3: First Love's TouchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon