HINDI gusto ni Ted ang isiping nasa New York si Brad kasama si Anje. Kahit pa sabihing coincidence lang iyon ay hindi pa rin maganda sa pakiramdam niya na makakatrabaho ni Anje ang lalaking iyon. Dahil hanggang ngayon ay malinaw pa rin niyang nakikita ang kislap sa mga mata nito kapag nasasalubong nito ang tingin niya noon. Hindi pa rin niya nakakalimutan kung paano nito titigan si Anje, kung paano nito hawakan ang kamay o yakapin ang dalaga. Kung paanong tuwing kinakausap siya ni Brad ay para siya nitong hinahamon ng away. Lalo na noong senior prom nila. Noong lumayo siya sandali sa mga nagsasayaw upang sumagap ng hangin.
"Napagod ka nang bantayan si Anje, Brother-in-law?" tanong ni Brad sa kanya.
Nagtagis ang mga bagang ni Ted sa nakakainis na tinig na iyon mula sa likuran niya. Hindi siya lumingon at hindi rin siya nagsalita.
"Your overprotectiveness is so weird, you know," patuloy nito.
Huminga siya nang malalim bago nilingon ito. May misteryosong ngiti na naman sa mga labi nito habang nakatingin sa kanya. "Overprotective ako sa kanya dahil ikaw ang kasama niya."
Tumawa ito, halatang hindi apektado. Kunsabagay, noon pa man ay tila hindi ito nababahala na alam ng buong campus kung gaano ito kababaero. "'Yan lang talaga ang dahilan?"
Kumunot ang noo niya. "Wala na akong maisip na ibang dahilan," sikmat niya rito.
"Hmm... well. Okay. Hindi rin kita masisi. You already have a very pretty girlfriend. You've loved her for years. At alam kong hanggang ngayon. You think nothing will change. And I'm sure you will feel bad if you recognize it. Siguradong magagalit ka sa sarili mo."
"Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. What is it that I can't recognize?" naiinis na tanong niya.
Tinitigan siya nito. "That something is changing inside you. Anyway, don't think about it. Masama para sa akin. Mauna na ako sa 'yo, Brother-in-law. Mahirap na. Pagkatapos ng gabing ito, siguradong marami na akong magiging kaagaw kay Anje."
Nakakunot pa rin ang noo niya hanggang sa mapag-isa na uli siya.
Hindi niya gusto kapag nagsasalita nang ganoon si Brad. Iyong parang binibigyan siya nito ng palaisipan na hanggang ngayon hindi niya malaman ang sagot. Higit sa lahat, hindi pa rin niya ito napapatawad na pinaiyak nito si Anje. Ni hindi niya alam kung bakit umiyak ang dalaga. Kahit ano ang pangungulit niya kay Anje ay ayaw pa rin nitong magsabi. Hanggang sa dumating nga ang trahedya sa pamilya nila at mas natuon ang atensiyon nila sa kanya-kanyang pagluluksa kaya nawala na iyon sa isip niya.
Pero mula nang sabihin ni Anje na nakita uli nito si Brad ay bumabalik sa kanya ang lahat.
Kaya kahit wala sa plano ay kinausap ni Ted ang promoter niya sa Paris na madaliin ang pagpunta niya sa New York. Sinubukan niyang i-postpone ang mga trabahong maaari niyang gawin kapag nakabalik na siya galing ng New York. Matinding pag-a-adjust sa schedule ang kinailangan nilang gawin ng promoter niya bago sa wakas ay nagawa na niyang makaalis ng Paris.
Pero hindi niya sinabi iyon kay Anje. Balak sana niyang pagdating niya sa airport ay saka niya ito tatawagan. Pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataong gawin iyon dahil agad siyang sinalubong ng media at ng mga kilalang mataas ang posisyon sa classical music circle doon. Pati ang officer-in-charge ng New York Philharmonic ay naroon upang salubungin siya. Hindi sinabi sa kanya ng promoter niya na sinabi nito sa mga tao roon na darating siya nang mas maaga. At pinuno rin nito ang schedule niya.
Kasalanan din niya. Hindi niya sinabi rito na personal ang dahilan kung bakit gusto niyang pumunta roon nang mas maaga. Na ngayon ay bale-wala na. Hindi rin siya makakakuha ng oras na puntahan si Anje maliban na lang sa mga araw na nagre-rehearse na siya para sa concert.
BINABASA MO ANG
WILDFLOWERS series book 3: First Love's Touch
Romance"Hindi ko kayang magsulat ng kanta para masabi ko sa iyo ang nararamdaman ko. I cannot even sing a song for you. All I can do is ask you this... marry me?" Excited man si Anje na bumalik sa Pilipinas, hindi naman siya ganoon ka-excited bumalik sa ba...