First Meeting and Love At First Sight
PUMAPAILANLANG ang masiglang tunog ng piano sa bawat pagteklado ng Ate Eve ng sampung taong gulang na si Anje. Nakaupo siya sa tabi nito sa harap ng grand piano sa music room ng pamilya nila. Gustong-gusto niyang nakikinig sa pagtugtog ng ate niya at gustong-gusto niyang nasa tabi nito para panooring gumagalaw ang mga daliri nito sa piano keys.
Kasalukuyan nitong tinutugtog ang "Twinkle, Twinkle, Little Star" ayon na rin sa request niya. "Kayang-kaya mo na rin namang tugtugin ito, hindi ba, Anje?" naa-amuse na wika ni Ate Eve sa kanya habang tumiteklado.
Ngumiti siya. "Mas maganda kang tumugtog niyan, Ate. Mas gusto kong pakinggan ka," sagot niya.
Tumawa ito. "Mas gusto kong pakinggan ka. Come, let's play together," wika nito.
Nasabik siya. Kung may isang bagay na gusto niya bukod sa panoorin ito, iyon ay ang tumugtog kasama ito. Kaya mayamaya pa ay pareho na silang tumiteklado sa piano. Mas mabilis at malakas nga lang ang kanya kompara sa ate niya pero wala naman ang piano teacher nila kaya ayos lang iyon.
Nagtatawanan na silang magkapatid nang makarinig siya ng malakas na katok sa nakabukas na pinto ng music room. Sabay pa silang napalingon doon at napahinto sa pagtugtog nang makitang nakatayo roon ang kanilang ina.
"I like that you are both enjoying what you are doing but Anje, I don't want you to get used to playing sloppily like that. You will never win a competition if you only do what you want and don't follow the score," panenermon nito.
Napalis ang ngiti niya at mabilis na ipinatong ang mga kamay sa kandungan niya. Kadarating lang nito ay pinapagalitan na agad siya.
"'Ma, hindi ka tumawag sa amin para sabihing uuwi ka na. Si Papa?" singit ni Ate Eve na tumayo pa at pasimpleng humarang sa harap niya. Alam niya, pinoprotektahan siya nito.
"Oh, I nearly forgot. Biglaan lang ang naging pag-uwi namin. Nasa ibaba ang papa ninyo. May ipapakilala ako sa inyong dalawa," sabi ng mama nila. "Ted, come here," tawag nito mula sa likuran nito.
Dumukwang siya mula sa likuran ng ate niya upang makita ang mama nila at ang kung sino mang tinawag nito.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang lalaking naglakad palapit sa mama nila at humarap sa kanila. He looked like a prince. Hanggang baba na ito ng mama nila kahit na sa tingin niya ay kaedad lang ito ng ate niya. Maputi ito at maganda ang tindig. Nakasuot ito ng itim na suit na may puting polo sa loob na madalas na isinusuot ng papa niya kapag nagpe-perform. Light brown ang kulay ng bahagyang magulong buhok nito. Light brown din ang kulay ng mga mata nito na may makakapal na pilik-mata. Matangos ang ilong nito at makurba at mapula ang mga labi nito. Mas maganda pa yata ito sa kanya.
"This is Ted. Anak siya ng mga kaibigan namin ng papa ninyo. His mother is French and his father is a college friend of your papa. Mula ngayon ay dito na siya titira sa atin dahil wala na ang parents niya. Treat him as a member of the family, okay?" sabi ng mama nila.
Lalong namilog ang mga mata ni Anje habang nakatitig kay Ted. A prince will be living with them? Hindi niya alam kung bakit, ngunit ang kaalamang iyon ay nagpatalon sa batang puso niya.
Tinitigan niya ito at natigilan siya nang mapansing hindi ito bumaling sa kanya kahit isang beses lang. He was staring at something else... someone else.
Napagtanto niyang nakatitig ito sa ate niya na tila namamalikmata. Curious na tiningala niya ang ate niya at natigilan nang makitang titig na titig din ito kay Ted. Pareho rin ang ekspresyon sa mukha nito—iyong tila namamalikmata. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawa at napansin niya ang parehong kislap sa mga mata ng mga ito.
Huminga siya nang malalim dahil sa hindi niya alam na dahilan ay nagpasikip iyon sa dibdib niya.
It was the first time she saw two people fall in love at first sight. It was beautiful... and painful. Kung bakit ay hindi niya alam.
Kung alam lang niya na magdudulot ng permanenteng sakit sa puso niya kapag nalaman na niya ang ibig sabihin ng pakiramdam na iyon ay mas nanaisin pa sana niyang hindi na iyon malaman pa kahit kailan...
BINABASA MO ANG
WILDFLOWERS series book 3: First Love's Touch
Storie d'amore"Hindi ko kayang magsulat ng kanta para masabi ko sa iyo ang nararamdaman ko. I cannot even sing a song for you. All I can do is ask you this... marry me?" Excited man si Anje na bumalik sa Pilipinas, hindi naman siya ganoon ka-excited bumalik sa ba...