Part 11

14K 351 18
                                    

IPINANGAKO ni Ted sa sarili na hindi na ipipilit kay Anje ang tungkol sa gusto ng mama nito na umalis ito sa banda. Tama nang nakita niya si Anje nang isang beses na puno ng hinanakit ang mga mata. Hindi niya alam kung makakaya pa niyang makita ito nang ganoon uli. Noon pa man ay importante at espesyal sa kanya si Anje. She was like a little sister to him. Ngunit nang makita niya ang mukha nito kanina, nang kinapos siya ng paghinga dahil para siyang sinuntok sa sikmura nang kumislap sa sakit ang mga mata nito, saka lang niya napagtanto kung gaano katindi ang importansiya nito para sa kanya.

"Kailangan ko bang isakripisyo ang isang bagay na mahal na mahal ko para doon?"

Hindi niya alam kung bakit, pero pakiramdam niya, may mas malalim na kahulugan ang sinabi nitong iyon. Something that crawled under his skin.

Pero nang bumaba uli ito sa living room na nakasuot na ng maganda ngunit simpleng bestida at may manipis na makeup ay wala na ang sakit sa mga mata nito. Na para bang nagawa nitong kalmahin ang sarili habang nasa loob ng silid nito.

Iyon lang, tahimik na ito hanggang sa makarating sila sa isang restaurant sa Makati na alam niyang paborito ni Mama Olivia. French style ang restaurant na iyon at may grand piano sa isang bahagi kung saan maaaring tumugtog ang kahit na sino kapag ganoong oras. Kapag gabi ay may mga professional pianist na tumutugtog doon. Sa isang iglap ay nabasa agad niya ang balak gawin ni Mama Olivia.

Hindi tuloy niya naiwasang mapasulyap kay Anje. Umasim ang mukha nito, patunay na kahit ito ay nahulaan agad ang gustong gawin ng ina nito. At nang igiya sila ng isa sa mga waiter sa mesa na pinakamalapit sa piano ay tuluyan nang nalukot ang mukha nito. Kung sa ibang pagkakataon lang sana iyon, baka natawa na siya sa ekspresyon ng mukha ng dalaga.

"This is a very good place, isn't it?" nakangiting tanong ni Mama Olivia habang nakatingin kay Anje.

Nagkibit-balikat si Anje. "Hindi pa ba kayo sawa sa French cuisine sa Paris, Mama? O kung gusto ninyo ng may piano, puwede namang sa bahay na lang, hindi ba?" balik-tanong nito.

Tumikhim ang ama nito. "Why don't we order now?"

"That's a good idea, Papa," mabilis na salo ni Ted. Tinawag niya ang waiter para maputol na ang nakaambang sagutan ng mag-ina. Nang umalis ang waiter ay tinanong niya nang tinanong si Mama Olivia upang maalis ang atensiyon nito kay Anje.

Ngunit natapos na nila ang main course at hinihintay ang dessert nila nang muli itong tumingin kay Anje. "You can play the piano here, you know."

Bumuka ang bibig ni Anje upang malamang ay magprotesta nang may masayang tinig na tumawag kay Mama Olivia.

Nabaling sa bagong dating ang atensiyon ni Mama Olivia. "Oh, Lianne, hija. It's good to see you here."

"Save," bulong ni Anje na halatang nakahinga nang maluwag.

Amused na napangiti si Ted. Dumukwang siya kay Anje. "Lucky for you," bulong niya rito.

Nag-angat ito ng tingin sa kanya. Nagtama ang mga mata nila. Noon lang niya napagtanto na halos gahibla na lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa at sa isang iglap ay nablangko ang isip niya.

"Ted, I want you to meet someone," biglang sabi ni Mama Olivia.

Agad na dumeretso ng upo si Ted at bumaling dito. Noon lang niya napansin ang magandang babaeng nakatayo sa tabi ni Mama Olivia. Tumayo siya at ngumiti rito. Kahit sa loob niya ay biglang nag-panic ang isip niya sa saglit na pagkablangko ng kanyang isip nang magkatitigan sila ni Anje.

What was that?

ITINUTOK ni Anje ang tingin sa mga kamay niyang nakapatong sa mesa habang kinakalma ang kanyang puso na mabilis na tumitibok. Alam ni Anje na wala lang kay Ted ang nangyari, subalit hindi kinaya ng puso niya na ganoon kalapit ang mukha nito sa kanya kahit ilang segundo lang. Lalo na at hindi siya handa para doon.

WILDFLOWERS series book 3: First Love's TouchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon