NAGISING si Ted sa tunog ng piano. Maganda ang melody niyon at pamilyar sa kanya. Napangiti siya at mabilis na bumangon mula sa kama. Lumabas siya ng silid niya at tahimik na tinahak ang daan patungo sa music room. Hindi iyon classic composition. Hindi rin niya matandaan ang title niyon o kahit ang lyrics ng awiting iyon. Isa lang ang sigurado niya.
It was one of Anje's compositions.
Humalukipkip siya nang makita itong nakaupo sa harap ng piano at tila hindi siya napapansin habang tumutugtog. Ilang sandali niya itong pinagmasdan lang bago siya hindi nakatiis na hindi magsalita.
"That song is nice."
Napatingin ito sa kanya ngunit hindi tumigil sa pagtugtog. Ngumiti ito.
Maganda yata ang mood niya, ah.
"It is," pagsang-ayon nito.
"Ano'ng title niyan?"
"'Our Song.' Kanta ito na isinulat ng dati naming bokalista na si Cham para kay Rick na asawa na niya ngayon. I fell in love with the lyrics and this is the melody I came up with," paliwanag nito.
"Hmm... ano ba ang lyrics niyan?" tanong niya.
May kumislap na kung ano sa mga mata nito. Ngunit bago mapangalanan ni Ted iyon ay yumuko na ito sa piano keys. Huminto si Anje sa pagtugtog at tumahimik. Pagkatapos ay muli itong tumugtog. And then to his amazement, she started to sing.
"There's one thing I want to tell you... something I've kept inside... From the moment I saw you... My heart was entranced. I thought it was mere admiration... I thought it will pass—"
Bigla itong huminto sa pagkanta na tila may napagtantong kung ano.
"Bakit ka tumigil?" nagtatakang tanong ni Ted.
Huminto sa pagtugtog si Anje at tumingala sa kanya. "Nakalimutan ko na ang kasunod," sabi nito.
Tumaas ang mga kilay niya. Sigurado siyang nagsisinungaling ito. He was just about to say so when he suddenly heard the sound of a car outside the house. Sabay pa silang napalingon sa malaking bintana ng music room na kasalukuyang nakabukas.
"Sina Papa at Mama na yata 'yon," sabi niya.
Napasulyap siya kay Anje nang hindi ito kumilos at nanatili lamang na nakatitig sa labas ng bintana. Kahit hindi ito nagsasalita ay naramdaman niya ang tensiyon nito.
Bago pa man magtungo sa Europa si Ted at noong nakatira pa sa bahay na iyon ang dalaga ay palagi nang may hindi pagkakaunawaan si Anje at ang ina nito. Nagsimula iyon noong twelve years old ito at sunugin ni Mama Olivia ang mga rock band CD ni Anje. Lalong tumindi ang tensiyon sa pagitan ng mga ito nang habang lumilipas ang mga taon.
"Since nakabihis ka na, ikaw muna ang sumalubong sa kanila. Babalik lang muna ako sa kuwarto ko," wika ni Ted kay Anje.
Kumurap ito at lumingon sa kanya. Nakita niya ang pag-aalinlangan sa mukha nito at hindi niya naiwasang makaramdam ng simpatya. Kahit kasi siya, alam kung ano ang sasabihin dito ng mama nito. Hindi nga ba at humingi pa ng pabor sa kanya si Mama Olivia na tulungan itong kumbinsihin si Anje na iwan ang banda nito?
"Fine. Sabay na tayong sumalubong sa kanila. Come on," yaya niya rito.
Tila nagulat si Anje sa sinabi niya. Pagkatapos ay umiling ito at tumayo. "I'm going to be fine," tanging sabi nito. Mababakas ang determinasyon sa mukha nito. Katulad noong araw na sabihin nito sa kanya na magiging sikat ito pagdating ng panahon. Isa ang determinasyong iyon sa mga bagay na gusto niya rito.
Napangiti na lang tuloy siya at tumango.
HUMINGA nang malalim si Anje at mabagal na naglakad pababa ng living room. Kahit pa sinabi niya kay Ted na magiging okay siya, hindi pa rin niyon maalis ang tensiyon niya. Taon na ang lumipas mula nang huli niyang makaharap ang mga magulang niya. Not that her mother hadn't nagged her about it. Palagi itong tumatawag sa kanya at kapag hindi niya nasasagot ang mga tawag nito ay sinesermunan siya nito palagi.
BINABASA MO ANG
WILDFLOWERS series book 3: First Love's Touch
Romance"Hindi ko kayang magsulat ng kanta para masabi ko sa iyo ang nararamdaman ko. I cannot even sing a song for you. All I can do is ask you this... marry me?" Excited man si Anje na bumalik sa Pilipinas, hindi naman siya ganoon ka-excited bumalik sa ba...