Banayad ang mga kamay
ng manggagawa kong iniibig. Kay rangal tingnan
bagamat maraming kalyo at peklat.
Kay sarap hawakan kahit malabuhagin
ang gaspang. Sa bawat hawak niya
sa malambot kong kamay, marami akong
nadarama. Sa magaspang niyang kamay
kita ko ang parehong pagmamahal at pagdurusa.
Sa magaspang niyang kamay
kita ko ang dugo at pawis na iginugugol
sa loob ng kanyang pinapasukan.
Nadarama ko ang sebo ng mga platong
kanyang hinuhugasan, pinaghalong kanin
at laway, na dumudulas sa ilalim ng rumaragasang tubig
ng poseto. Matapos hugasan ay muling ihahanay
upang may mapagkainan ang mga burgis na customer.
Naamoy ko ang mga pagkain na hindi niya makain.
Ang amoy ng inihaw na manok, binayaran upang may
mapagsaluhan ang mga burgis na customer
habang siya ay nagtitiis sa kumakalam na sikmura.
Ramdam ko rin ang kumukulubot niyang kamay
dahil maghapong basa, dala ng paglilinis ng de krystal
na bintana at salamin ng restaurant.
At pagkatapos ng pagbabanat ng buto't kalamnan
sa ngalan ng paglilingkod sa mga burgis na customer
ay darating ang inaasam na sweldong
bitin pa sa araw-araw niyang gastusin.
Mahal, ayokong nakikita kang nagdurusa.
Ngunit ganid at walang kaluluwa
ang mga kapitalista't panginoong may-lupa.
Pag-uwi mo sa ating tahanan, aalagaan kita.
Mamahinga ka at mahiga, manood ng TV.
Bibigyan kiya ng masahe, ipagluluto ng masarap na hapunan.
At habang pahimbing na tayo sa ating pagtulong
muli kong hahawakan ang magaspang mong kamay.
Aalalahanin ko ang pagmamahal mo sa akin
na kaya ka nagbabanat buto ay para tayo ay may makain.
Nagpapakahirap sa trabaho para may pangtustos sa eskwela
ng mga abogado, dahil sabi mo, pangarap mong
labanan ang kawalan ng hustisya sa lipunan.
Mahaba pa ang panahon bago matupad
ang pangarap na 'yon, ngunit habang nandidito tayo
sa lupa, sumama tayo sa mga pagkilos at mobilisasyon!
Labanan ang tiranya, ipaglaban ang mga manggagawa.
Gamitin natin ang ating mga kamay upang
magtaas ng placards at mamigay ng polyeto.
Magmartsa sa kalsada't ipagsigawan ang katagang
"Uring manggagawa! Hukbong mapagpalaya!"
BINABASA MO ANG
Mga Awit ng Isang Payak na Puso
PoetryAng aking koleksyon ng mga Tagalog na tula. Mambabasang estrangherong nadapdap dito Silipin mo ang aking puso Hayaan mong ihayag ko sa iyo ang mga hinaing 'di masabi Ng isang pusong dumudugo man ngunit lumalaban pa rin Saluhin mo ang bawat letra na...