NAKALIMUTAN KO NA KUNG PAANO MANGARAP

15 0 3
                                    

Nakalimutan ko na kung paano mangarap;
tila ba isa akong bangkay

na kahit anong kiliti
ay hindi iimik.

Namanhid na
ang mga braso at binti
dala ng matagal
na pagkakahimlay
sa kama;
'pagkat ang puso
ay hindi na nakadarama.

Natutunan kong
humanap ng kaligayahan
sa pagtitig sa kawalan
'pagkat kawalan din naman
ang patutunguhan ng lahat.

Wala na ang ningning
ng mga mata
na dati ay nagliliwanag
sa tuwing makikita
ang samu't saring kulay
ng magandang kinabukasan. 

Wala na
ang mga halakhak
at ngiti
na ipinanlalaban
sa bawat dagok at saksak
ng mapangdamot
na tadhana.

Nabura na
ang nilagdahang pangako
sa sarili at sa bayan
na kaya nagsisikap,
nagpapagod, nagpapawis-
ay dahil may pag-ibig
na bumubuhay sa atin.

Wala na,
itinapon ko na ang mga pangarap ko
na hindi raw magbibigay sa'kin
ng ginto at karangalan.

Wala na,
ang pag-ibig na nagbigay-buhay
sa mga nais kong gawin
para sa bayan ko.

Isa na lamang akong bangkay
na pinatay
ninyong mga mapangmata.

Hihimlay ako,
at aawit
na sana'y mabuhay akong muli.

Sana'y mangarap muli.
Sana'y ngumiti muli. 

Sana'y bumalik ang kislap
ng mga matang
tumitingin sa mga bituin.  

Mga Awit ng Isang Payak na PusoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon