Chapter 6: A STORY TO TELL

304 22 7
                                    

Sakay ng dalawang engkantong nilalang ay naging mas madali ang paglalakbay nina Odessa at Danum mula sa tubig hanggang makarating sa loob ng kagubatan sa isla ng Dalangan. Noon ay halos kakasimula pa lamang ng araw sa kanyang pagbangon mula sa pagkakahimbing nito para gisingin ang mga ibon at mga iba't-ibang nilalang ng kagubatang may kani-kaniyang tungkuling gagampanin para sa kagubatan. Mga tungkuling paulit-ulit na nilang ginagawa simula pa ng linikha sila ng Diyos na may likha ng lahat ng bagay sa mundo. Malamig pa rin ang simoy ng hangin sa loob ng kagubatan pero hindi na umuulan katulad ng unang makarating dito si Odessa.

Naging magaan ang pakiramdam ni Odessa dahil sa init ng araw na tumatahos sa mga maninipis na dahon ng mga nagtatayugang mga puno sa kagubatan. Tila nagbibigay sa kanya ng panibagong lakas ang init ng araw para sa kanyang paglalakbay papunta kay Quebaluan.

Lalong nabuhayan ng loob si Odessa ng malanghap nito ang pamilyar na amoy ng kagubatan. Ang sariwang amoy ng mga dahon na kakausbong lamang mula sa mga halaman na humahalo sa mga mababangong bulaklak na dinadapuan ng mga makukulay na paru-paro't mga bubuyog. Sa mga sandaling iyon ay pumikit si Odessa at huminga ng malalim. Ninanamnam ang amoy ng buong paligid na animo'y isang bata na sabik na sabik sa halimuyak ng mga bulaklak sa hardin.

Halos walang pagbabago ang daan sa loob ng kagubatan patungo sa puno ni Quebaluan. Maputik pa rin ang daan at walang tigil ang pag-ambon sa buong kapaligiran. Mas lalong matitingkad ang dahon ng mga puno at halaman na kanilang nadadaanan dahil mas malamig ang klima sa paligid kumpara nang unang siyan pumunta sa kagubatan na iyon.

Kasama si Danum ay una muna nilang pupuntahan si Sakaya sa kanyang tahanan bago siya tutuloy sa kaharian ni Quebaluan. Nanabik na si Odessa na makita si Sakaya. Alam niyang isa rin itong mabuting kaibigan at makakasama niya ito sa kanyang pagtupad sa propesiya. Matagal na ring walang balita si Danum kay Sakaya simula ng magpaalam si Odessa sa kanila upang makabalik sa Sinukluban. Naging abala na rin kasi ang diyos ng Tubig ang paghandaan ang noo'y bali-balitang digmaan sa lahat ng kahariang hindi luluhod kay diyosang Bulan na ngayon ay si Kasanaya. Halos lahat ng kaharian sa mga karagatan at bahagi ng katubigan ay piniling huwag luluhod upang makiisa at tanggapin bilang panginoon si Kasanaya. Dahil sa hindi pagtanggap ng mga kaharian sa tubig ay kaagad na nagdeklara ng giyera si Kasanaya sa mga ito. Lahat ng mga kaharian at matiyagang binisita ni Danum upang magbigay babala at ihanda ang mga mamamayan nito sa mga digmaan.

Pero may napapansing kakaiba ngayon si Odessa sa kagubatang kanilang kinaroroonan. Ang dati'y napaka-ingay na kagubatan, ngayon ay nakakabinging katahimikan ang namamayani dito. Tahimik din ang dating makulit na si Danum. Nais sanang alamin iyon ni Odessa ngunit nanatili na ring tahimik ang babaeng Sangre at hayaan na lamang niyang kusang magsasabi ang diyos ng tubig tungkol sa pagiging tahimik nito.

Sakay pa rin si Odessa, animo'y nagsasayaw at lumalangoy sa hangin si Sulermo habang binabagtas ang kasukalan ng gubat at sa harapan niya ay ang dragong tubig na kung saan sakay nito si Danum. Walang nagsasalita kina Odessa at Danum at hindi naging komportable si Odessa sa ganoong sitwasyon kaya minabuti na lamang ng babaeng Sangre na basagin ang katahimikan.

Tumingin si Odessa kay Danum na tila napakalalim ng iniisip ng kanyang kaibigan.

"Panginoong Danum, may problema ba?" ang tanong ni Odessa.

"Huh?" napatingin ang diyos ng tubig kay Odessa. "...Ha eh, wala naman Odessa, wala namang problema. Medyo nakatuon lang ang pansin ko tungkol sa kasalukuyang digmaang nangyayari ngayon sa mga iba't- ibang kahariang sakop ng karagatan." Ang tugon ni Danum na tila pumutol sa napakalalim niyang iniisip.

Nagkunot ng noo si Odessa tungkol sa digmaang binabanggit ni Danum sa kanya. "Digmaan? Kanino at paano nagkaroon ng digmaan?" ang usisa nito sa diyos ng tubig.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon