Chapter 29: ALLIES AND NEMESIS

187 8 0
                                    

Magagaan ang mga paa at maingat na nagpalipat-lipat sa mga puno si Demetria para makakuha ng pagkakataong makaakyat sa napakataas ma bakod ng subdivision. Sa kanyang nasaksihan ay nangangamba siya sa kalagayan nina Fr. Mexo at ng iba pang mga tao na nailigtas nila sa pag-atake ng mga anak ng buwan na naroroon ngayon sa loob. Hindi nila inaasahan na ang inakalang ligtas na lugar kung saan sana magsisimula muli ng normal na buhay ang mga tao ay sa mismong bunganga pala ng mabangis na leon sila napadpad. Sa pagkakataong ito ay iisa lamang ang nasa isip ni Demetria; ang mailigtas sina Fr. Mexo at ang mga taong nasa loob ng La Vista.

Nakahanda ring sumalakay sina Sagaway at Ceasar kung kinakailangan. Madali ring matatawagan ni Ceasar ang kanyang mga kapwa taong-lobo na nananatiling nasa paligid lamang malapit sa subdivision at naghihintay ng utos sa kanya. Malaking tulong sa kanila ang muling pag-inom ng Myrho na galing kay Claudius at Morgana.

Nais ni Demetria na makapasok sa loob ng hindi mapapansin ng mga sundalong nakabantay sa mga bakod. Kung tutuusin ay kaya niyang mapatumba ang mga sundalo ng hindi napapansin ng iba pang sundalo kung gugustuhin lamang niya, pero tila may kapangyarihang bumabalot sa lugar na hindi niya maintindihan na sa tuwing lumalapit siya rito ay tila nakakalimutan na ang pakay na makapasok sa loob ng subdivision.

Hangga't maaari ay ayaw sana niyang makapatay o makapanakit man lang ng inosenteng tao. Ginagawa lamang ng mga sundalo ang kanilang tungkulin na maaaring nasa ilalim sila ng isang kapangyarihan mula sa mga anak ng buwan. Kailangang makagawa siya ng paraan para makapasok sa loob ng La Vista para mailigtas at mailabas ang mga tao kasama na sina Fr. Mexo at Margaux.

Sa tulong ni Sagaway ay mabilis na nakalapit sa isang mayabong na puno si Demetria. Inihagis siya ng kapre papunta sa pinakamalapit na puno sa tabi ng pader. Lumapag si Demetria sa dalawang paa na wala man lamang ingay kaya hindi siya napansin ng mga sundalo na nakabantay sa bakod. Pinag-aralan ni Demetria ang puwersang pakakawalan nito sa mga paa para makalipat sa isang malaking puno ng Mabolo na nasa loob ng subdivision. Sampung metro rin ang layo nito sa malaking sanga ng puno na kinatatayuan niya. Alam ni Demetria na kaya niyang talunin ang ganoon kalayo, dahil nagawa na rin niya ito dati. Wala na siyang sasayangin pang pagkakataon dahil buhay ng mga kaibigan ang pinag-uusapan dito. Oras ang magiging kalaban niya sa pagliligtas sa mga mortal na kaibigan.

Marahan ay ipinuwesto ni Demetria ang mga paa para sa pagtalon pero isang puting uwak ang bigla na lamang lumapag sa isang sanga malapit sa kanyang harapan.

Anak, tigil!

Natigilan naman si Demetria nang marinig ang boses ng ina sa pamamagitan ng isip o mental telepathy.

Inang Morgana, kailangan kong alamin ang kalagayan ng mga kaibigan namin sa loob. Maaaring nasa panganib ngayon ang kanilang buhay. Ang tugon naman ni Demetria gamit din ang mental telepathy o ng isip.

Ang lugar na iyan ay lugar na ng kamatayan. Kung sino man ang naririyan sa loob na iyan bilanggo na ang kaluluwa. Kaya lubhang mapanganib rin para sa'yo ng nag-iisa ang pumunta sa loob. Ang sagot ni Morgana sa anak na labis namang ikinabahala ni Demetria.

A-anong ibig mong sabihin inang Morgana? Ang kinakabahan na tanong ni Demetria sa ina.

Imbes na sagutin ang tanong ng anak ay nagpalit ng anyo si Morgana at tila dahon na inilipad ng hangin papunta sa likuran ni Demetria. Hinawakan ni Morgana ang ulo ng anak gamit ang dalawa nitong mga kamay na may mahahaba ait itim na kuko.

Biglang linukuban ng nakakasilaw na liwanag si Demetria at napansin na lamang niya na nasa loob na siya ng isang lugar na puno ng guho. Hindi niya kasama si Morgana. Naroroon siya sa isang lugar na bigla na lamang naramdaman ang sinasabi ng kanyang inang Morgana na kamatayan.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon