Chapter 61: THE SPIES

97 7 1
                                    

Mula sa pinakamataas na bahagi ng burol ay damang-dama ni Caren ang unti-unting paglamig ng paligid. Malapit na rin kasi ang paglubog ng araw lalo na't halos makulimlim ang kalangitan sa buong maghapon. Mula kahapon ay halos nandito siya sa lugar na ito nakadapa at nagmamasid sa mga kaganapan ng mga taong nakatira sa parola. Hangga't maaari ay ayaw nila na mapansin sila ng mga tao na maaaring pagsimulan ng takot at kaguluhan. Kahapon lang ay nakausap niya ng harapan si Alex, pero itinaggi ito ng lalaki na hindi siya si Alex at hindi siya kilala ng lalaking inakala niyang si Alex. Sigurado si Caren na si Alex talaga ang nakausap niya kahapon. Sa pananalita, pananamit, at kilos, hinding-hindi siya puwedeng magkamali. Alam niya sa isip at sa puso niya na si Alex ang lalaking nakaharap niya sa kakahuyan.

Sa ilalim ng puno ng Camachile ay naroroon si Maxime at ang asong si Tofu. Magkatabi ang dalawa na animo'y tunay na mag-amo. Nakamasid at tahimik lamang si Maxime. Hindi niya alam kung maiinis na ba o maiirita sa ikinikilos ni Caren. Ayaw sana niya na manatili pa sa lugar na ito dahil naka-alerto na ang mga mamamayang nakatira sa parola dahil sa presensya nila ni Caren. Kapag natagpuan sila ng mga rumorondang mga kalalakihan baka manganib pa ang buhay nilang dalawa at hindi niya matutupad ang pangako nito sa dalaga. Sa oras na mangyari kasi iyon ay kailangan na niyang depensahan ang sarili laban sa mga tao. Gusto na sana niyang umalis na, pero tila may pumipigil sa kanya na huwag iwanan ang dalaga. Wala pang kalahi niyang lycan ang nakapagpasunod sa kanya kahit na ang namayapa niyang kapatid na dating alpha ng kanilang lupon. Pero, kakaiba ang babaeng tumalo at pumatay sa kanyang kapatid. May kung anong hindi niya maintindihan bakit sinusunod niya si Caren sa mga kagustuhan nito at hindi niya ito maiwan. Ito ay dahil siguro si Caren ang tumalo sa nakatatandang kapatid bilang alpha at may epekto pa rin ang pagka-alpha nito sa kanya kahit pa binitawan na ito ng dalaga sa ibang miyembro. Sa ngayon ay iyon lamang ang alam niyang dahilan kung bakit hindi niya maiwan at sinusunod pa rin ang dalaga.

Tumayo si Maxime at may kung anong nakabalot sa dahon ng saging siyang kinuha sa malapad na sanga ng puno ng Camachile. Inamoy niya ito saka ngumiti. Pagkatapos ay sinimulan ang paghakbang papunta sa kinaroroonan ni Caren. Sumunod naman sa kanya si Tofu na kumakawag-kawag pa ang mahaba nitong buntot.

Paglapit ni Maxime kay Caren ay maingat itong umupo sa tabi niya at iniabot ang nakabalot sa dahon ng saging.
"You should take your meal, kahapon ka pa hindi kumakain," aniya na may pag-aalala sa tono ng mala-baritone na boses.

Tumingin si Caren kay Maxime saka pilit na ngumiti at inilipat ang paningin sa iniaabot na pagkain ni Maxime sa kanya. Kapansin-pansin ang pagtulo ng sariwang dugo sa pagkaing nakabalot sa dahon ng saging na nagpakunot sa noo ng dalaga.

"Is not what you think, it's a wild boar. Kasama kong nangaso si Tofu kanina. Like what you asked, no touch with these people," paliwanag ni Maxime na inunahan na ang dalaga bago pa man ito makapag-react.

"Good, pero di ako gutom. Salamat na lang," tugon ni Caren kay Maxime na nakahinga ng maluwag sa paliwanag nito.

"But, hindi ka pa kumakain since yesterday, you might get sick," ang pag-aalalang wika ni Maxime. "Saka masarap kaya ito, fresh na fresh, at purely organic," dagdag pa niya sabay turo sa karne ng baboy-ramo na nakabalot sa dahon ng saging.

Biglang umungol at tumakbo si Tofu malapit sa gilid ng bangin na kumuha sa atensyon ng dalawa. Sinundan ng tingin ni Caren ang aso na naging alisto at tila may nararamdamang panganib sa paligid. Kapansin-pansin ang nag-sitayuang mga buhok sa batok at likurang bahagi ng gusgusing aso na nakayuko ang ulo pero nakabungingis. Umuungol ito na tila nababaliw na.

May kung anong amoy ang napansin ni Maxime sa paligid. Suminghot-singhot siya na tulad sa isang aso para makasiguro sa naamoy nito. Biglang napalunok si Caren dahil kakaiba ang amoy na umaalingasaw sa paligid na kanya ring napansin.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon