Chapter 22: DESOLATIONS

279 10 8
                                    

Nakakasilaw na sinag ng araw ang tumama sa gusgusing mukha ni Caren na naging dahilan para siya ay gumising. Nakatulog pala siya sa isang abandonadong bahay na halos ginuho rin ng malakas na lindol. Ayaw pa sana niyang tumayo sa kinahihigan pero hindi siya kumportable sa mainit na sikat ng araw.

Bumangon si Caren mula sa matigas na sahig na kanyang hinigaan at minabuti na munang maupo at pagmasdan ang nasa paligid. Mula sa isang sulok ng pader sa kanyang kaliwa ay napansin niya ang payat na aso na dalawang araw na ring sumusunod sa kanya. Mahimbing ang tulog ng aso at nakabaluktot ito sa kanyang kinahihigan.

Hindi mahilig sa aso si Caren. Ni hindi nga siya nag-alaga ng kahit na isang aso sa buomg buhay niya. Pero, sa dalawang araw na walang tigil na pagsunod sa kanya ng payat na aso ay tila nagkakaroon na siya ng interest dito. Naalala niya kahapon ng sinubukan niyang lapitan ito ay pilit namang lumalayo ng aso sa kanya. Marahil ay natrauma rin ang kawawang aso sa mga nangyari.

Marahang tumayo mula sa kinahigaan si Caren. Napansin niya mula sa maalikabok na sahig ang mga nangupas na larawan ng isang batang babae na hinihipan ang kandila ng isang cake. May suot na party hat ang batang babae na may katabing isang babae na maaaring kanyang ina. Sa tabi nila ay mga bata na nakikipagdiwang sa kaarawan nito na may kani-kanyang mga lobo.

Marahang pinulot ni Caren ang litrato at ipinagpag ang mga alikabok sa kupas na larawan. Nang di makuntento ay saka niya ito pinunasan sa suot na damit para makita ng maayos ang larawan. Kitang-kita niya ang labis na kaligayaan ng bata sa larawan na sa tingin niya ay edad lima o anim na taong gulang. Bakas naman sa mukha ng babae sa tabi ng bata ang saya habang pinagmamasdan ang kanyang anak. Sa ibabaw ng cake ay napansin niya ang nakasulat dito.

Happy 6th Birthday Marga!
From Mama and Papa.

Pagkabasa ay nakaramdam ng kalungkutan si Caren. Naalala niya si Margaux na halos magkapareho ang pangalan nito sa bata sa litrato.

"Margaux..." Ang halos pabulong na wika nito habang sinasalat niya ang larawan sa kanyang paltos na kamay. Hindi niya namamalayan na umiiyak na siya habang naalala ang batang nakasama niya sa pagtakas mula sa mga kampon ng kadiliman.

Napabuntong-hininga si Caren habang pinagmasdan ang litrato. Wala ang ama ng bata sa litrato. Marahil siya ang kumukuha nito gamit ang kamera o cellphone. Sa kanang ilalim na bahagi ng litrato ay napansin niya ang may kalabuan na kulay pulang mga numero na maaaring ang petsa na kung kailan ito kinunan.

08-22-2015

Ang basa ni Caren sa petsang nakasulat sa litrato. Hindi siya puwedeng magkamali na kung buhay pa ang batang ito ay kasing gulang siya ni Margaux.

Grrrrr....

Natigilan si Caren at nabitawan ang litrato ng marinig niya ang aso na kanina pa pala gising. Nakalabas lahat ang ngipin nito at nagtatayuan ang mga balahibo sa likuran ng katawan. Pinakiramdaman ni Caren ang paligid at naalarma dahil nararamdaman niya na may ibang nilalang ang naroroon. Hindi siya nag-iisa sa lugar na iyon at siguradong hindi tao. Ipinako ni Caren ang mga mata sa direksyon kung saan nakatingin din ang aso na nagpatayo sa mga balahibo nito.

Maingat na inihakbang ni Caren ang mga paa para idikit ang katawan sa nakatayo pang pader na bahagi ng isang bahay. Inihakbang niya ang kanyang mga paa sa kinaroroonan ng aso, ngunit wala na ito sa kanyang kinaroroonan. Marahang ibinaluktot ni Caren ang itaas na bahagi ng katawan habang nakadikit sa pader para hindi makagawa ng ano mang ingay habang ikinukubli ang sarili sa mayayabong na damuhan.

Dahan-dahang hinawi ni Caren ang makapal na dahon ng cogon para makasilip sa kung anong nilalang ang naroroon. Butil-butil na pawis ang nagsimulang mamuo sa noo ni Caren habang hinahawi ang makapal na damo hanggang sa tumambad sa kanya ang aso na kanina ay naroroon lamang sa kanyang tabi.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon