Chapter 57: LAGREIA

121 11 1
                                    

Halos magtatakip-silim na nang ibinaba ni Awen si diyosang Tala sa Lagreia. Isang bayan sa Eloria kung saan sila magpapalipas ng gabi. Bukas ay maaga silang tutungo sa kaharian ng Euseia na kung saan isang Manoro si Ylaya o kilala rin bilang si Reyna Baguinua. Ang mga Manoro ay tagapagturo ng mahika sa pakikidigma sa mga mandirigma o militar na pumoprotekta sa buong kaharian. Pinamumunuan sila ng isang Ampala na mula sa mga hanay rin ng mga Manoro. Karamihan sa kanila ay nakatira sa Euseia, ang nag-iisang kaharian sa Sinukluban na nakapaloob sa isa pang kaharian. Matatagpuan ang maliit na kaharian na ito sa gawing hilagang kanluran ng Eloria. Hindi pinakikialaman ng hari ng Eloria ang Euseia bagkus ay iginagalang nito ang kalayaaan ng maliit na kaharian. Kaya malaya ang mga Manoro na maglabas-masok sa Eloria at magtayo ng kani-kanilang paaralan para sa pakikidigma.

Ang Eloria ay matatagpuan sa bahaging Timog ng isla ng Murcia. Kung tutuusin ay napakalapit lamang ni diwatang Ylaya sa kanyang anak na si Odessa na ngayon ay pinaghahandaan na ang koronasyon bilang bagong Reyna ng Elitheria. Nais niya sanang dumalo sa araw ng koronasyon ng anak. Nasasabik na siyang makita ang anak na matagal ng nawalay sa kanya pero, imposibleng makaabot pa siya dahil bukas na ito gaganapin. Kung ligtas lamang sanang gamitin ang mga Pilunlualan kaagad siyang makakadalo sa koronasyon ng kanyang pinakamamahal na anak. Ano nga ba ang sasabihin niya kapag nagkita sila? Paano niya ipapakilala ang kanyang sarili gayong walang nakakaalam na buhay pa siya? Isa lamang ang sigurado kapag nagkaharap sila ni Odessa. Yayakapin niya ito ng buong higpit at pupugan niya ng halik ang noo at pisngi ng kanyang anak. Sasamantalahin niya ang pagkakataon lalo na ang nawalang panahon sa kanila ng kanyang anak. Yayakapin din kaya siya ni Odessa? Katulad ng yakap na kanyang gagawin na puno ng pananabik at pagmamahal sa kanya? Para kay Diwatang Ylaya ay hindi na importante na masuklian iyon ng kanyang anak, makita lang niya ang ito ay kuntento na siya at malaking pasasalamat na sa Diyos na pinatnubayan ang kanyang anak na si Odessa. Hindi na rin importantante kung aabutan pa nila o hindi na ang gagawing koronasyon ni Odessa. Basta sisiguraduhin niyang magkikita sila ng kanyang pinakamamahal na anak na nawalay ng napakaraming panahon sa kanya.

Marahan ay ibinaba ng hangin si diwatang Ylaya sa konkretong kalsada ng bayan ng Lagreia. Kaagad ay tinabian niya sa paglalakad ang paika-ikang si diyosang Tala papunta sa mga magagandang gusali sa bayan. Tinapik naman ni Awen sa tagiliran ang kabayong si Aki para lisanin muna ang lugar na kinaroroonan nila. Mabilis naman itong sumunod sa kanya at kaagad na nawala ito sa kanyang paningin dahil sa bilis nito sa pagtakbo.

Halos patakbong tinungo naman ni Awen ang isang gusali na kung saan sila magpapalipas ng gabi. Isang malapit na kamag-anak niya ang nagmamay-ari nito kaya laging nakahanda ang pinakaitaas na bahagi ng palapag nito para sa kanya.

Pagpasok nina diyosang Tala at diwatang Ylaya sa gusali ay kaagad na nagbigay pugay ang tatlong kababaihan sa loob at isang mataba at pandak na lalaki na siyang kamag-anak ni Awen at nagmamay-ari sa gusali. Lahat ay dumapa at humalik sa makinis na konkretong sahig pagkakita kay diyosang Tala kahit na marungis ang hitsura nito. Binalot ng nakakabinging katahimikan ang buong bulwagan na kahit minsan ay hindi pa nangyayari.

"Isang pagpupugay at pagbibigay galang sa diyosang Tala na nararapat lamang sa tunay na diyosa ng Kalangitan," ang malakas na wika ng lalaki pagkatapos nitong humalik sa sahig. "Ako po si Beran, anak ni J'far mula sa mga angkan ni D'rovan ng Lagreia. Paglingkuran po ninyo ang inyong abang lingkod." dagdag pa niya at nanatiling nakayuko.

"Beran, anak ni J'far na nagmula sa mga angkan ng D'rovan. Salamat sa mabuting pagtanggap sa akin, pero hindi niyo na kailangan gawin pa iyan sa harap ko. Tulad lamang ninyo akong nilikha ng dakilang Diyos na may likha ng lahat. Kaya magsitayo kayo at ituring na lamang isa sa inyong panauhin," ang pagpapakumbabang wika ni Tala kay Beran na kaagad namang sumunod sa kanya.

"Napakabuti po ninyo mahal na diyosang Tala," ang nagagalak na tugon ni Beran pagkatayo niya. Kaagad niyang sinenyasan ang mga kababaihan na tumayo na rin mula sa pagkakadapa.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon