Chapter 15: KASANAAN

265 15 0
                                    

Sa gitna ng napakalawak na dagat ng apoy ay nakatayo ang isang konkretong poste na may taas na tatlong daang metro. Sa tuktok nito ay nakapatong ang kulay pula at biluhabang bote na kung saan nakabilanggo ang espiritu ni Bathala. May taas itong halos kalahating pulgada at kabuuang lapad na limang pulgada. Gawa sa makapal at matibay na kristal ang bote at napoprotektahan ito ng itim na mahika para mananatiling buo at hindi basta-basta mababasag ng kahit na anong puwersa at kapangyarihan.

Makailang-ulit na ring sinubukan ni Bathala ang natitirang kapangyarihan  para makatakas mula sa loob ng kulay pulang bote. Pero, bigo siyang magawa ito dahil masyadong malakas ang kapangyarihang pumipigil sa kanya para makawala roon. Hinubog sa mga dasal at orasyon ng mga Buruka ng Kasanaan, ang bote kaya hindi ito basta-basta masisira ng kahit na malalakas at makapangyarihang mga orasyon at dasal. Wala pang sapat na lakas at kapangyarihan ang diyos kaya siya mismo ay di kayang mailigtas ang sarili.

Matagal-tagal na ring nakabilanggo sa loob ng bote ang espiritu ni Bathala. Wala na ang kanyang pisikal na anyo kaya mahirap na para magamit pa ang natitirang kapangyarihan at imposible rin makalabas sa bote. Ang Kasanaan ay lugar ng walang katapusang kaparusahan sa mga nilalang na nakagawa ng kasalanan, gaano man ito kabigat o kababaw. Ito ang kaharian ng diyos ng kasamaan na si Sitan. Sa kahariang ito nagkukumpulan ang mga kaluluwa at espiritu ng mga nilalang na pinagbabayaran ang mga nagawang kasamaan at kasalanan sa buong Sinukluban. Dito rin ibinibilanggo at pinaparusahan ang mga celestial at elemental na nagkasala sa Sanlibutan. Lahat ay nakabilanggo sa mga bote na may kanya-kanyang kulay base na rin sa katayuan nila sa lipunan.

Kulay gintong bote para sa mga pinakamataas na uri ng nilalang katulad ng mga diyos at diyosa. Kulay berde sa mga ordinaryong elemental, kahel para sa mga matataas na uri ng elemental tulad ng mga diwata at engkanto. Kulay bughaw ang para sa mga mortal na tao na gumambala sa ikatlong mundo o Sinukluban.

Ang parusa ay depende sa bigat ng pagkakasala. Lahat ng may mabibigat na kasalanang nagawa ay nakalubog sa kumukulong putik ang bote na kinaroroonan nila. Walang hanggang kaparusahan ang kanilang mararanasan, sa dagat ng apoy. May iilan na hindi man nakalublob sa nag-aapoy na putik ang bote ay damang-dama pa rin ang walang hanggang pagtupok ng apoy sa kanilang  espiritu.

Para sa espiritu ni Bathala, inilagak ang pulang bote sa toreng kinaroroonan niya sa lugar na mahirap maabot ng sino mang magtatangkang magliligtas sa kanya. Bukod sa pagkasunog mula sa init na nagmumula sa kumukulong putik, naroroon at nagbabantay ang dalawang T'rebalak, mga mababangis na dambuhalang dragon mula sa elementong apoy.

Mula buntot hangang ulo, may habang humigit kumulang sa dalawam-pu't-lima hangang tatlumpu't-limang metro ang mga T'rebalak, pinakamalaki sa lahat ng uri ng dragon sa Sinukluban. May taas ang mga ito ng higit sa tatlumpung metro at pakpak na may sukat na mahigit sa anim-na-pung metro ang lapad.

Kulay itim ang kabuuang kulay ng mga T'rebalak maliban lamang sa kulay pula at dilaw na kaliskis sa leeg nito. Kulay pula ang mga mata ng dragong ito at may mahahaba at matutulis na ngiping umaabot ng walo hangang labing limang pulgada. Mayroon din itong pares na sungay sa ulo na may habang mahigit sa isang metro. Nahahawig ang mga ito sa sungay ng kalabaw na gingamit rin nito sa pakikipaglaban.

Hindi nagbubuga ng apoy ang T'rebalak kahit na ito ay isang dragong mula sa elemento ng apoy. Inilalabas nito ang napakainit na hanging kayang tumunaw ng mga matitibay na bato at bakal sa loob lamang ng ilang segundo. Hindi rin basta-basta nasusugatan ang katawan ng T'rebalak ng kahit ano mang patalim na gawa ng mga nilalang ng Sanlibutan. Ang tanging kahinaan ng mga T'rebalak ay ang dalawang butas sa ilalim ng naglalakihang mga pakpak nito. Dito humihinga ang dragon at hindi sa kanyang ilong. Nakasaad sa matandang kasulatan, para matalo ang T'rebalak, kinakailangang mapasakan ang dalawang butas sa magkabilang pakpak nito ng mahiwagang bunga ng Çámun. Isang prutas na sinlaki lamang ng prutas na santol at nahahawig rin dito. May taglay na lason ang Çámun kaya mahihirapan sa paghinga ang dragon, dahilan para ito ay manghina at madali na itong mapapatay. Ngunit, ni isa sa mga bayani ng Sinukluban ay wala pang nakakagawa nito.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon