Chapter 59: THE GATHERING OF STORMS

65 8 0
                                    

Mabilis ang paglipad ng ibong Galura sa mga naglalakihang mga puno sa kagubatan ng Lagreia. Malaya itong matatanaw mula sa kalangitan habang mapuwersang pumapagaspas ang mga malalapad na pakpak nito. Nang makarating malapit sa ilog ay pumadausdos ito sa paglipad hanggang sa dumampi sa dumadaloy na tubig ang mga paa ng ibong mandaragit. Sa isang iglap ay nakadagit na kaagad ang Galura ng isang katamtamang laking isda na kumakawag-kawag pa nang ito ay iniangat para kainin. Malayo-layo rin kasi ang nilakbay ng ibon kaya kailangan nito ng pagkain para manumbalik ang lakas para makabalik kaagad sa kanyang amo.

Kani-kanina lamang ay inihatid nito ang isang mahalagang mensahe para sa susunod na uupong reyna sa kaharian ng Elitheria. Ito ay para ipaalam ang pagdalo ni diwatang Ylaya sa koronasyon ni Odessa bilang bagong Reyna ng kaharian nasabing kaharian. Mabilis sa paglipad ang mga galura. Itinuturing ang mga ito bilang hari ng mga ibon sa mundo man ng mga tao maging sa mga elemental. Hindi sila kaagad napapansin ng sino mang nilalang sa kalupaan dahil na rin sa tayog ng kanilng mga paglipad. Ito ang dahilan kung bakit mas gusto itong gamitin ng mga mamamayan ng sinukluban kaysa sa mabilisang paggamit ng kapangyarihan na di ligtas sa matitinik na pandama ng mga kalaban.

Siya si Danupay, ang alagang galura ni Awen. Matagal na rin itong naninilbihan sa kanya mula ng mailigtas niya ito sa mga pangil ng isang napakabangis na sawa sa tuktok ng isang malaking puno sa kagubatan ng Euseia. Napatay ng sawa ang inahing galura kaya ang nais nito munang kainin sana ay ang nag-iisang inakay nito na si Danupay. Nagkataon naman na dumaraan sina Awen at diwatang Ylaya sa ilalim ng malaking puno na kung saan naroroon ang pugad ng inahing galura. Kaagad na narinig ni Awen ang matining na boses ng inakay na galura sa taas ng puno kaya inusisa niya ito kaagad. Mabilis na inakyat ng diwatang lalaki ang puno at doon nadatnan niya ang akmang pagsagpang ng halos dalawapung talampakang sawa sa walang laban na inakay. Kaagad na gumawa ng paraan si Awen maikigtas lamang niya ang inakay sa mga matatalas na pangil ng dambuhalang sawa. Ginamitan niya ng kapangyarihan ang sawa kaya hindi nito naituloy ang pagsagpang kay Danupay. Mabilis na tumakas ang sawa pero, naiwang wala ng buhay ang inang galura. Batid ni Awen na hindi mabubuhay sa ganoong kalagayan ang inakay kaya nagdesisyon siyang dalhin na lamang ito at kanyang alagaan.

Hindi lamang inalagaan at binigyan ni Awen ng pangalan ang inakay na galura. Minahal rin niya ito at sinanay para maging mensahero at mata sa himpapawid. Ito na nga ang naging paraan niya para ipadala ang mensahe ni diwatang Ylaya para kay Odessa na magiging bagong reyna ng Elitheria.

Sa balkonahe ng ikalawang palapag ng ay naroroon si Awen, hinihintay ang pagbabalik ni Danupay. Dito rin sa lugar na ito niya pinakawalan ang ibong mandaragit pagkarating nila sa tinutuluyang lugar halos sampung oras na rin ang nakakalipas. Sa kanang galamay ng ibon ay may lagayan ito ng sulat na yari sa matibay na balat ng hayop na kung saan niya isinilid ang liham ng pinaglilingkurang diwata. Malalaman niya kung tagumpay ang pagdadala ng mensahe ni Danupay kapag wala na ang sulat sa sisidlan at naglalaman ito ng kapirasong tela na nagmula sa mensahero ng pinagdalhang kaharian. Ito ang inaasahan ni Awen at maibalita niya ito kay diwatang Ylaya at diyosang Tala na naghihintay rin sa loob ng tinutuluyang kuwarto. Umaasa siya na naging matagumpay ang kanyang alagang ibong mandaragit sa naging misyon nito.

Sa loob ng silid ay kasalukuyan na sa paghahanda para sa pagtulog sina diwatang Ylaya at diyosang Tala. Maaga ang kanilang paglalakbay kaya kailangan na rin nila ang magpahinga para umabot sa koronasyon ni Odessa bilang bagong Reyna ng Elitheria. Nakahanda na rin si Ylaya para maipasa na ang katungkulan niya sa kanyang anak. Nakahanda rin siya bumalik sa iniwang kaharian na matagal na naghirap sa kamay ng kanyang dating asawa na si Khalil. Hindi rin niya alam kung paano niya haharapin si Odessa na sa unang pagkakataon matapos ang pagtakas ay makakaharap na rin niya. Sa wakas ay maiibsan na rin ang pangungulila sa nawalay na anak.

Sa kanang binti ay kitang-kita pa rin ng diwata ang napakalaking pilat na nilikha ng tanikalang pumulupot sa kanya nang tinutugis sila ng Culeriot. Akala niya ay iyon na ang kanyang magiging katapusan. Mabuti na lamang at buhay pa pala si Awen at nagawa niyang kontrolin ang mga puno at mga baging para pigilan ang nilalang na makalapit kay Ylaya na noon ay si reyna Baguinua. Sa tulong ng bulaklak ng Campapasi na pinitas ni Awen sa pangunguha ng makakain sa kagubatan ay nailihis nito ang atensyon ng halimaw para umatake sa kanila. Ang halimuyak ng Campapasi ay nagbibigay ng pansamantalang pagkalimot sa mga halimaw na tulad ng Culeriot. Kaya habang umeepekto ang amoy ng bulaklak sa halimaw ay sinamantala ni Awen na iligtas ang kanyang amo.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon