Chapter 27: LAKYAO

195 9 0
                                    

Patuloy ang madugong pakikibaka ni Laurea at ng mga puno laban sa mga kubot at sigbin na pumipigil sa kanilang pagtakas. Hindi na rin mabilang sa mga sigbin at kubot ang namamatay pero wala pa ring tigil sa pag-atake ang mga ito. Hindi pa rin nagkakamalay si diyosang Hanan na salitang pinagpasa-pasahan sa pagbuhat gamit ang mga sanga ng mga punong kahoy na inakala ni Laurea na mga pungkanto. Sa loob ni Laurea ay nababahala rin siya kung mapagkakatiwalaan ba ang mga ito, lalo na't bahagi sila ng kaharian na kung saan nakatira ang puno't-dulo ng kasamaan.

Nakaririndi sa tenga ang mga palahaw at sigawan ng mga kubot at sigbin na tinatamaan sa mga mabibigat na sanga ng mga puno. Mga matutulis na ugat na kusa na lamang umaahon sa lupa at tumutusok sa mga katawan ng mga nasabing mga anak ng buwan. Naisip tuloy ni Laurea, kung ganito kalakas ang mga puno na napasunod niya sa kanyang kapangyarihan, sana ay mismong Palacio Lunar na ang kanyang inatake. Madali niya sanang nailigtas si Anilaokan.

Pero hindi pa huli ang lahat. Kailangang makilala niyang mabuti ang mga puno para gamitin sila sa pag-atake sa Palacio Lunar. Naging madali para kay Laurea ang pakikipaglaban sa mga anak ng buwan dahil na rin sa tulong ng mga puno.

Napatingala si Laurea sa himpapawid nang umigpaw ang isang kubot. Pero hindi pa man nakakagawa ng pag-atake ang babaeng kubot ay isang matulis na sanga ng kahoy ang tumusok sa likuran at tumagos sa dibdib nito. Kaagad na namatay ang babae at inihulog ito sa madamong sahig ng kagubatan kasama ng mga hindi na mabilang pang mga sigbin at tulad niya.

Ang nakaririnding sigawan at ingay ng mga lumalagutok na sanga ng mga kahoy ay unti-unting napalitan ng katahimikan. Dalawang bagay ang ibig sabihin nito kay Laurea. Una ay tanda nito na paubos na ang mga umaatakeng mga anak ng buwan, ikalawa ay maaari ring umatras na ang mga ito dahil sa hindi nila kakayanin ang pakikipaglaban sa mga buhay na puno ng kagubatan. Alin man sa dalawang dahilan ay nakaramdam pa rin ng pansamantalang kaligtasan ang diwata.

Saan na sila dadalhin ng mga puno? Hangga't maari ay ayaw munang isipin ni Laurea ang mga tanong na iyon. Kailangan muna niyang magpahinga at tipunin muli ang lakas para sa mga susunod na sitwasyong kailangang gamitin nito ang kapangyarihan. Lumundag siya sa malaking sanga ng puno para makita kung nasaan na si diyosang Hanan. Nang makita niya ito ay saka niya sinundan kung saan sila dadalhin ng mga puno.
----------------------

Maagang gumising si Fr. Mexo ng umagang iyon. Pagkatapos magkape ay sinilip niya sa kuwarto si Margaux na mahimbing pa rin sa kanyang pagtulog.
Gumuhit ang ngiti sa mukha ng pari at saka kinuha ang sumbrerong yari sa buri. Tinungo ang harapang pintuan ng tinutuluyang bahay at binuksan ang pinto para lumabas. Malamig na hangin ang sumalubong sa kanya at ang amoy ng piniritong tuyo, itlog at bawang para sa sinangag. Naamoy rin niya ang malinamnam na kape na may kasamang gatas na nagpanumbalik sa kanya ng mga panahong hindi pa nangyayari ang lahat ng ito sa mundo. Naalala niya ang sabay-sabay na pag-aalmusal nila sa seminaryo kasama ng iba pang mga pari at seminarista. Nawala ang ngiti sa mukha ng pari dahil ang mga iyon ay kasama na lamang sa mga alaala na hindi na kailan man magbibigay ng mga ngiti sa kanya.

Pansamantalang tumigil si Fr. Mexo sa harapan ng kanyang tinutuluyang bahay at taimtim na ipinagdasal ang kaluluwa ng mga kasamahang pari at seminarista sa seminaryo. Ipinagdasal din niya sina Jhayvee, Adrian, Lola Luming, si Alex at si Caren...

Bahagyang nawala sa taimtim na pagdarasal si Fr. Mexo ng maalala niya si Caren. Tama ba na ipagdasal ang kaluluwa ni Caren gayong hindi naman niya alam kung patay pa ba siya o buhay pa? Pero iyon ba talaga ang dahilan kung bakit nawawala siya sa konsentrasyon kapag naaalala niya ang babaeng pulis?

Diyos ko, sana ipahintulot po ninyo na ipakita sa akin ang kasagutan...kayo na po ang bahala panginoon.

Ang dasal niya.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon